MAHALIA
Hindi ako sanay sa mga maiingay na lugar. Siguro, gano'n lang talaga ang personalidad ko. O 'di kaya'y nasanay lang talaga ako sa klase ng ingay sa loob ng simbahan.
Ang kaingayan kasi ng mga tao sa lugar na iyon ay makabuluhan naman, dahil papuri 'yon para sa Kaniya.
"Nandito na po ako ma, pa," wika ko nang buksan ang pinto ng bahay. Maayos naman akong nakauwi. Nasa hapag-kainan na silang lahat at mukhang ako na lang ang hinihintay nila.
Napakaliit lang ng bahay namin dito sa nayon. Ilang taon na rin ang lumipas simula nang lumipat kami rito. Isang doktor si mama, at isang pastor naman si papa.
Basta ang alam ko, dating misyonero sina Lola Cielo at ang lolo ko. Nagtayo sila ng simbahan sa nayong 'to dahil sa malalim nilang pagmamahal sa Panginoon. Pareho silang maykaya sa buhay, pero gayon man, pinili pa rin nilang ibahagi ang yamang ipinagkaloob ng Panginoon sa kanila, lalong-lalo na sa mga mahihirap.
Ang mas maganda pa ro'n ay hindi sila pumili ng isang maganda, masagana, at komportableng lugar. Pinili nilang tumulong sa isang liblib na lugar gaya rito, masukal, malalayo ang mga kabahayan, maraming kakulangan, at madalas ay walang kuryente, dahil alam nilang mas kakailanganin sila ng mga tao rito.
Pero nang pumanaw ang lolo ko, pinili na lamang bumalik ni Lola Cielo sa Villoralba. Iyon daw kasi ang unang bahay na itinayo nilang dalawa. Matapos n'on, ang mama't papa ko na ang humalili dahil tulad nina lola, malalim din ang pagmamahal ng mga magulang ko sa Panginoon.
Tumikhim si mama. "Bakit ngayon ka lang nakauwi Mahalia?" may awtoridad niyang tanong. Bumaba ang tingin niya sa suot kong palda na medyo nabasa dahil sa pagtawid ko ng ilog. "Mukhang malayo ang pinuntahan mo. Saan ka galing?"
"Tumawid po kami ng ilog," nakayuko kong tugon.
Si papa naman ang nagwika pagkatapos. "Sino'ng mga kasama mo? 'Di ba't sinabi kong h'wag kayong pupunta roon? Masyadong delikado lalo na't bigla na lang tumataas ang lebel ng tubig. Hindi na rin masyadong matatag ang tulay at kailangan nang ipaayos."
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa damit ko. Mabuti na lang at hindi nila gaanong napapansin ang mga maliliit kong sugat. "Kasama ko po si Adaly. Pagkatapos naming mangaral ng Bibliya sa ibang kabahayan ay.." Napahinto ako. Magsisinungaling ka na naman ba Lia? "Pumunta po kami sa ilog para.. para magbabad ng paa." Hindi ko na alam kung ano'ng irarason.
Napatango-tango sila. "Kung gano'n, kumain ka na muna anak. Alam kong pagod ang katawan mo niyan." Ngumiti sila at inusog ang upuang kanina pa naghihintay para sa 'kin. May kanin na rin sa plato ko at kasalukuyang nilalagyan ni mama ng ulam 'yon.
Hindi ko sinasadyang magsinungaling. Napabuntong-hininga na lamang ako at pilit na ngumiti. Napakabuti nila para sa isang tulad ko. Hindi ko talaga sinasadya ma, pa. Patawad.
Pag-upo ko'y biglang nagsalita si Ate Oleen. "Sigurado ka bang si Adaly ang kasama mo? Eh kanina ko pa nakitang umuwi ang kaibigan mong 'yon eh." Hindi niya 'ko tinapunan ng tingin mula kanina at tahimik lang na kumain. Kaming dalawa lang ang magkapatid, pero hindi kami malapit sa isa't isa. Iba kasi ang personalidad at ugali niya. Masyadong masungit at masyadong seryoso.
Napalunok ako ng laway. Hindi ko alam ang isasagot ko. Nakita niya ba kaming dalawa ni Amil?
"Baka naman ang kasama mo lang talaga ay 'yong manliligaw mo." Agad namang binalot ng kaba ang puso ko nang banggitin 'yon ni ate. "Ilang buwan pa lang sila rito, h'wag mong sabihin nakuha na agad ng lalaking 'yon ang loob mo Lia?"
"Oleen," suway ni Mama.
"Hindi ko siya kasama. Sadyang nauna lang umuwi si Adaly," mabilis kong pagtanggi. Nawalan na ako ng gana upang kumain.
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."