MAHALIA
Ang amoy ng pabango niya, ang makikisig niyang mga braso, ang mga mata niyang tila nababasa ang nasa isipan ko, at ang napakatamis niyang mga ngiti sa tuwing nagkikita kami.
Napabuntong-hininga ako. Paano ba kita kalilimutan Amil?
Nakaramdam ako ng konsensiya nang madaanan namin ang simbahan.
Itinayo 'yon nina Lola Cielo kahit alam nilang mahihirapan silang akaying magsimba ang mga tao rito sa nayon dahil sa iba't ibang tradisyong mayro'n sila sa lugar na 'to.
Ang Panginoon lang ang palaging kakampi nila. Gano'n pa man, pinaglaban nila ang pananampalataya nila sa Diyos, dahil naniniwala silang walang imposible pagdating sa Kaniya. Hindi na bale kung kaunti lang silang naghahayag ng Salita Niya noon, ika niya, ang mas mahalaga'y ang lalim ng pagmamahal nila sa Panginoon.
At ngayong ang papa ko naman ang humaliling pastor sa simbahang 'to, halos si mama lang din ang tumutulong sa kaniya. Maging ang papa ni Amil na isa ring misyonero.
Nakokonsensiya ako dahil malayong-malayo ako sa kanila. Bihira na lamang akong tumulong sa gawain ng Diyos. Hindi ko kasinglalim ang pananampalataya at pag-ibig na mayro'n sila sa Panginoon.
Iniisip nila ang kapakanan ng ibang mga tao, habang ako'y iniisip lamang ang sarili kong mga hinaing. Wala na 'kong ibang nakikita bukod sa sitwasyon ko.
Hindi ko rin mapigilang mainggit sa tuwing pinaglilingkuran nila ang ibang mga tao 'pagkat katiting na atensyon na lang ang palaging natitira sa 'kin. Ang sabi nila'y ipinapakita lang nila ang pag-ibig sa Panginoon sa pamamagitan ng pagseserbisyo nila sa iba. Pero paano naman ako?
Mas gugustuhin ko pang mamuhay nang komportable. Pakiramdam ko'y napakakomplikado ng buhay ng isang Kristiyano. Ayaw kong maging katulad nila. Masyadong maraming ipinagbabawal. Pati ang kasiyahan ko'y nawala sa akin. Iniwan ako ni Amil dahil sa kanila.
"Oh, saan kayo pupunta?" tanong ng isang babaeng kakilala namin. Siya 'yong nakahuli sa aming dalawa ni Amil. May kalayuan ang agwat namin sa kaniya.
"Maglalakad-lakad lang po sa bayan," masiglang tugon ni Adaly. Nasa likod lamang niya 'ko at nakayuko.
Mabilis lamang kumalat ang tungkol sa aming dalawa ni Amil, at dahil do'n ay hindi na nawala ang hiya ko sa mga taong nakasasalubong ko rito sa nayon. Puro bulungan na lang ang naririnig ko. Gano'n na lamang siguro katindi ang iniisip nila tungkol sa akin.
Hindi ako magandang halimbawa. At ang tingin nila'y hindi ako tinuturuan nang maayos ng mga magulang ko.
"Baka naman maghahanap kayo ng lalaki ro'n ah?" pilosopong tanong ng babae.
Naikuyom ko ang palad ko, pero pabiro na lamang tumawa si Adaly upang maibsan ang masamang pakiramdam na namamagitan sa amin.
"Kayo po talaga, masyadong mapagbiro. Hindi naman po kami gano'n ni Lia," inosenteng paliwanag ni Adaly.
"Oo, alam ko namang mabuti kang bata Adaly. Kaso, paano 'yang kasama mo sa likod? Baka may sinisikreto na naman." Napailing-iling pa ito at tiningnan ako na para bang isa akong malaking dumi. "Mga bata talaga ngayon, masyadong mapupusok ang damdamin."
Puno ng galit ang mga mata ko nang tingnan siya. "ANO BA'NG PROBLEMA MO?" Hindi ko na napigilang magtaas ng boses. Wala na akong pakialam kung mas matanda man siya.
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."