Dedicated to heyyyrhea, a genuine reader who hasn't left this story since 2020. I really appreciate you, sweetheart. God bless you!
..
ISAIAH
Kasalukuyan kong minamasahe ang mga paa at kamay ni nanay upang mapawi ang pagod niya. Napakainit ng kaniyang katawan.
"Komportable ka na ba r'yan, 'nay?"
"Ikaapat na beses mo nang tinanong 'yan Isaiah. Napakakulit mong bata ka," tugon niya. Napakasungit naman!
"Wala na bang ibang masakit sa 'yo, 'nay?" Pumikit-pikit pa 'ko nang ilang beses upang pigilan sa pagtulo ang mga luha ko.
Bigla na lamang niyang pinalo ang noo ko. "Aray naman!"
"Napakadrama. Daig mo pa 'yong dose anyos mong kapatid," sabi pa niya.
Pabiro na lamang akong umirap.
Ang totoo niya'y nanghihina siya, pero nagagawa pa rin niyang makipagbiruan sa 'kin.
"Halika ka nga rito," wika niya. Hinawakan niya ang ulo ko at naramdaman ko ang mainit niyang labi sa noo ko. Mag-iisang linggo na siyang nilalagnat.
"Siyempre naman, komportable na ako rito. Ikaw ang nag-ayos ng higaan ko. Isa pa, may libre pa 'kong masahe. Salamat anak, ha. Iyon nga lang, sensitibo ka at iyakin. Eh ayos nga lang ako. Malapit nang mawala ang lagnat."
Parang hindi naman totoo. "Ang tatag mo 'nay. Salamat sa lahat," wika ko na lamang at hinagkan din ang noo niya. Mahal na mahal ko ang nanay namin. Salamat sa Diyos at siya ang naging ina ko.
"Alam mo anak, napakasuwerte ng babaeng iibigin mo balang araw."
Nagtaka naman ako at bigla niyang nabanggit 'yon. "Bakit ho?"
"Dahil makikita 'yon kung paano mo igalang at ingatan ang nanay mo, lalo na ang kapatid mong babae na si Felice."
∞
Hinintay kong sumapit ang Sabado upang makapagbayad kay Aling Ria. Napakarami kasi ng mga gawain ko at hindi ko naisingit noong may pasok. Sa umaga'y maaga akong gumigising, tutulungan si nanay sa bahay, at ihahatid sina Filip sa paaralan.
Kapag tapos na ang klase ko ay didiretso naman ako sa pagtatrabaho, kaya't uuwi akong malalim na ang gabi. Laging pagod at gutom. Madalas ko ring madatnang walang kanin at ulam sa lamesa.
Pero kahit kailan ay hindi ako nagreklamo. Naiintindihan ko ang sitwasyon namin, lalo na si nanay. Saka, kaunting pagtitiyaga lang 'to. Lilipas din.
Sa totoo lang ay nahihirapan din ako. Sino ba'ng hindi, 'di ba? Pero hindi naman ako 'yong tipo ng taong madaling sumuko kapag may mga pagsubok na dumarating. Hindi rin naman ako madamdamin.
Aba, matatag yata ang puso kong 'to. Galing ito sa Panginoon eh. Saka, alam ko namang lagi lang Siyang nasa tabi ko at kailanma'y hindi ako pababayaan.
Isa pa, si nanay, Filip, Felice, at Elon ang nagpapalakas ng loob ko. Sila ang mga inspirasyon ko para magpatuloy.
Kasalukuyan akong naglalakad patungo sa bahay nina Aling Ria na naroon pa sa kabilang barangay nang maramdaman kong parang may dalawang bubwit na nakasunod sa 'kin. Alas-nuwebe na ng umaga kaya't medyo mainit-init na.
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Espiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."