Kabanata 15: Amil

109 13 2
                                    

MAHALIA

Higit pa sa isang taon na ang nakalipas..

"Masakit na ang mga paa ko Amil," daing ko sa kaniya. Nauuna siyang maglakad kaysa sa 'kin dahil may kabagalan ako. Bakit niya 'ko iniiwan? Ayaw niya ba 'kong hintayin?

Sumandal na lang ako sa isang puno. Sumimangot ako at hindi na nagpatuloy pa. Takipsilim na at masiyadong masukal ang binabagtas naming daan.

Agad naman niyang napansing hindi na ako nakasunod. Kumunot ang noo niya. "Tara na Lia. Bakit ka huminto?"

Umiwas ako ng tingin. "Nagtatampo ako sa 'yo. Hindi mo man lang ako hinihintay." Andami ko na ring natamong mga galos sa balat. Bukod sa maraming insekto, marami ring mga sanga-sanga at nagtataasang damo sa paligid.

Ngumiti lang siya at natawa nang mahina. Balak niya bang mang-inis? Katawa-tawa ba ang lagay ko ngayon?

"Sinasabi ko na nga ba, hindi ka talaga nag-aalala sa 'kin. Hindi mo na siguro ako mahal, 'no?" Tatayo na sana ako upang pagpagan ang sarili. "Uuwi na lang ako. Ikaw na lang ang pumunta roon sa bayan."

Tumigil siya sa pagtawa at mabilis akong pinuntahan. "Biro lang 'yon, pasensiya na. Tara na Lia ko. Hindi na kita iiwan." Inilahad niya ang kamay sa akin pero hindi ko 'yon hinawakan. Hindi ko rin siya gustong tingnan.

Umupo siya sa mga tuhod niya at hinarap ako, tila sinusuri at mariing pinagmamasdan ang hitsura ko ngayon. Ano kaya ang iniisip niya? Alam ko namang pawis na pawis na ako dahil kanina pa kami naglalakad. Marahil ay napapangitan na siya sa 'kin.

"Napakaganda naman ng Mahalia ko." Hinawakan niya ang baba ko at marahan akong hinarap sa kaniya. Naramdaman ko tuloy ang pag-init ng mga pisngi ko. "Pasensiya na, hindi ko talaga sinasadyang iwanan ka."

Pinagmasdan niya ang ilan sa mga galos ko. Dahan-dahan niya 'kong hinaplos sa braso gamit ang likod ng hintuturo niya. Bahagya niya ring itinaas ang suot kong mahabang palda upang tingnan ang ilan sa mga galos ko sa binti.

"Kawawa naman ang makinis mong balat."

Medyo hindi ako naging komportable, pero bakit tila gustong-gusto ko ang ginagawa niyang paghaplos sa 'kin? Maingat kong tinatakpan ang balat ko sa loob at labas ng simbahan, pero bakit ayos lang sa 'kin sa tuwing siya ang nakakikita n'on?

Napailing-iling siya habang pinagmamasdan ang natamo kong mga sugat. "Gusto mo bang magpahinga muna?"

Tiningnan ko ang kalangitan. Kanina pa lumubog ang araw. "Umuwi na lang tayo Amil. Takipsilim na eh."

"Natatakot ka ba sa dilim?" tanong niya at natawa na naman. "Uuwi rin tayo bago mag-alas-siyete. Pangako 'yan. Pero samahan mo muna ako kahit ngayon lang Lia, sige na."

Hindi ako natatakot sa dilim. Sadyang may ibinubulong ang konsensiya ko na hindi ko kayang patahimikin, at hindi ako mapakali dahil doon.

Nangungusap ang mga mata niya habang nakatingin pa rin sa akin. Nanghihina ang katawan ko sa tuwing tumititig siya nang ganito, may pagnanasa sa mga mata niya.

"Napakaganda mo Lia."

Hinawakan niya ang kaliwang pisngi ko at marahan ding hinaplos 'yon. Alam ko kung saan patungo ang ginagawa niya lalo na't kaming dalawa lang ang nandito. Pareho kaming nakaupo, pero ako lang ang nakasandal sa puno. Nasa harap ko siya kaya't siya ang mas may kontrol sa posisyon namin.

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon