Kabanata 17: Hiwalayan

120 10 2
                                    

MAHALIA

Natampal ni Lisay ang noo niya at hindi makapaniwalang tumingin sa akin.

"Grabe. Ngayon ko lang nalamang nagkaro'n ka pala ng nobyo Lia. Sa personalidad mo kasi, napakatahimik mo lang at napakahinhin tapos.."

Ganiyan na ganiyan din siguro ang reaksiyon ng iba nang malaman ang tungkol sa aming dalawa ni Amil. Tunay na isa akong malaking kahihiyan.

Tahimik lamang si Adaly habang nakikinig sa kuwento ko. Alam na niya ang lahat tungkol sa akin. Pinilit lang ako ni Lisay. Hindi ko nga alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob para ungkating muli ang mga nangyari sa nakaraan.

Nasa ilalim pa rin kami ng puno ng mangga, nagkukuwentuhan, habang hinihintay naming sumapit ang dapithapon. Maya't maya'y daraan din ang mga kuya ni Adaly at muli na siyang uuwi sa nayon.

"Ano'ng nangyari pagkatapos ni'yong mahuli ni Amil?" tanong ni Lisay.

Mapait akong ngumiti. "Nang gabing 'yon, naghiwalay rin kaming dalawa."

Ang ibig kong sabihin, 'yon na rin ang huling pagkakataong nasilayan ko sa mga mata niya kung gaano niya 'ko kamahal. Napagtanto kong hindi pala lahat ng mga salitang binibitiwan ng bibig ay tugma sa nararamdaman ng puso.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Higit pa sa isang taon na ang nakalipas, may mga pagkakataong tuluyan na siyang nawala sa isipan ko, pero minsan, may nararamdaman pa rin akong kirot sa tuwing naaalala ko siya at ang mga nangyari sa amin.

Hindi ko alam kung paano ko nagawang umuwi ng bahay nang gabing 'yon. Balisang-balisa ako at hindi ko alam ang gagawin. Nanginginig ang mga kamay ko. Maging ang mga tuhod ko ay nanghihina. Punong-puno ng kahihiyan, takot, at kaba ang puso't isipan ko. Ano na lamang ang sasabihin ng iba kapag nalaman nila ang ginawa namin?

Mag-isa kong tinatahak ang madilim na daan pauwi. Paulit-ulit akong humihingi ng tawad sa Panginoon. Hindi ko alam kung paano pa pakakalmahin ang sarili ko. Kailangan ko si Adaly. Siya lang ang makaiintindi sa 'kin sa mga oras na 'to. Hinding-hindi niya 'ko huhusgahan.

Napahawak ako sa kumakabog kong dibdib. Ganito pala. Ganito pala ang pakiramdam, at sa wakas ay may nakakita na sa ginagawa naming kamalian. Sa oras na bumukas ang pintong 'yon kanina, tila malakas akong sinampal ng katotohanan.

Katotohanang nagkakasala kaming dalawa ni Amil. At sa loob pa talaga ng tahanan ng Diyos.

"Patawarin Ni'yo po kami. Hindi ko sinasadya Panginoon. Hindi ko sinasadya," pagmamakaawa ko. Alam kong Siya lang ang nakaririnig sa ibinubulong ng puso ko ngayon.

Gusto kong umiyak. Kung puwede lang ibalik ang oras, pipiliin ko na lamang lumayo sa kaniya kanina. Pero nandito na 'ko sa sitwasyong 'to. Hindi ko na alam ang gagawin. Hindi ako makapag-isip nang tama. Punong-puno na ako nang pagsisisi.

Huminga ako nang malalim nang makarating ako sa tapat ng maliit naming bahay. Nag-ayos ako ng sarili at pilit na ikinubli ang kabang nararamdaman ng puso ko. Sana'y hindi nila ako mahalata.

Pinihit ko ang busol at pumasok. "Nandito na po ako," bati ko nang may kasamang pagngiti. Si Ate Oleen lang ang nadatnan ko na naroon sa sala. Nanonood siya ng telebisyon, nakapatanong ang mga paa sa lamesa, at abalang kumakain.

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon