MAHALIA
Tiningnan ko ang oras. Dapithapon na ngunit wala pa rin si Lisay. Ang sabi niya'y darating siya ngayon. Ano na kaya ang nangyari doon? Wala rin naman akong natanggap na tawag.
Bitbit ang mga gamit ko'y nagpasiya akong lumabas na mula sa aming bahay. Papalubog na ang araw at kailangan ko nang makauwi kay Lola Cielo. Ayaw kong abutin ako ng dilim.
"Uuwian din kita paminsan-minsan. H'wag kang mag-alala," bulong ko sa hangin habang nakatingin sa aming bahay.
Maigi kong isinara ang mga pintuan at kinandado ang tarangkahan. Nakasalubong ko rin at binati ang mabait naming kapitbahay na si Aling Ria.
Hindi ako makapaniwala. Ilang araw na rin pala ang lumipas simula nang umuwi ako rito, mag-isang bumiyahe, malungkot, at mabigat ang nararamdaman ng puso ko. Pero ngayong araw, tila mas masaya ako kaysa kahapon.
Tumungo ako ro'n sa isang tindahan pagkalabas ko sa kanto namin. Dito ako nakisilong noon pagkababa ko ng bus. Unang araw ko pa lamang dito no'n at bumuhos na agad ang malakas na ulan. Umupo ako at nag-abang ng masasakyang traysikel. Habang naghihintay ay bigla kong naalala ang istorya ng isang itlog, karot, at isang butil ng kape na palaging ikinukuwento ni mama sa amin noon.
Kapag dumadaan tayo sa isang mahirap na sitwasyon o pagsubok, paano natin 'to hinaharap? Hinahayaan ba nating baguhin tayo ng mga problema para sa ating ikasasama, o hinahayaan natin itong hubugin tayo para sa ating ikabubuti? Iyon ang itinuturo ng kuwento.
Inaamin ko, para akong isang itlog o karot.
Nirerepresenta ng kumukulong tubig ang mga problemang dumadaan sa buhay natin. Kapag inilagay mo roon ang itlog, gaya ng tao, ang dating may malambot at mabuting puso ay tumitigas. Kabaliktaran naman ang sa karot. Ang dating matatag ay lumalambot at nanghihina, at kadalasa'y sumusuko.
Siguro nga, kung minsan ay ganoon ako. Madaling manghina at sumuko, o 'di kaya'y tumitigas ang puso at lumalayo.
Tiningnan ko ang kalangitan. Tila kakaiba ang araw ngayon. Mas puno ako ng pag-asa kaysa kahapon. Pakiramdam ko'y hindi lamang ako basta't lilipat ng bagong tahanan. Pakiramdam ko'y binibigyan din ako ng Panginoon ng bagong simula, hindi para kalimutan ko kung saan ako nanggaling, kundi para mahubog ako at unti-unting mabago ang aking puso, at maging tulad ng isang butil ng kape.
Binago niya ang tubig. Binigyan niya ito ng kulay at lasa.
Hindi ko palaging mababago ang sitwasyon, at mas lalong hindi ko mabubura ang mga pagkakamaling nagawa ko. Pero kaya akong baguhin ng Panginoon.
"Ate, may barya ka po ba r'yan?" Muntik na akong mapatalon sa gulat nang biglang sumulpot sa harapan ko ang isang batang babae. Hinawakan niya ang braso ko habang nakalahad naman ang isa niyang kamay.
Tiningnan ko ang napakainosente niyang mga mata. Naaawa ako.
"Pasensiya na ha, pero ubos na ang barya ko eh. May pagkain naman ako rito, sa 'yo na lang," wika ko at ibinigay sa kaniya ang mga baon kong tinapay.
"Salamat po ate." Hinaplos ko na lamang ang buhok niya.
"Dito ka muna at umupo. Ano'ng pangalan mo?" tanong ko. May upuan dito sa tindahan at tinabihan naman niya 'ko.
"Hindi ko po alam ang pangalan ko," tugon niya habang binubuksan ang pagkaing binigay ko.
"Bakit hindi mo alam?" Inusog ko pa siya palapit sa akin. Nalulungkot akong pagmasdan siya. "Ganito na lang, ano ba'ng tawag sa 'yo ng mga magulang mo?"
Tiningnan ako ng maaamo niyang mga mata. "Wala rin po akong magulang. Pero minsan po, ang tawag sa akin ng mga tao ay 'hoy' o 'bata'. Siguro po ay 'yon ang pangalan ko." Malapad siyang ngumiti at kumagat sa tinapay. "Ikaw po, ano po ang pangalan mo?"
Kung gano'n, palaboy-laboy lang siguro siya rito. "Mahalia ang pangalan ko. Pero puwede mo akong tawaging Ate Lia para maikli na lang."
"Ang ganda-ganda naman po ng pangalan mo. Ang ganda-ganda mo rin po Ate Lia," wika niya at hinawakan ang mahaba kong buhok. "Puwede po bang 'yon na lang din ang maging pangalan ko?"
Natawa naman ako sa kaniyang sinabi. "Puwede naman. Pero gawin na lang siguro nating Lili ang pangalan mo. Ako si Ate Lia, ikaw naman si Lili. Ayos ba 'yon?" tuwang-tuwa sabi ko.
Tumango-tango naman siya, malapad ding nakangiti habang magkaharap ang mga mukha namin.
"Ilang taon ka na ba Lili?"
Pinakita niya sa akin ang anim niyang mga daliri. Anim na taong gulang pa lang pala siya. Napakadungis niyang tingnan, pero tila hindi ko 'yon nakikita.
Niyakap niya ang braso ko at sumandal doon. Parang nalusaw tuloy ang puso ko. Isa lamang siyang batang nangangailangan ng lingap. Wala siyang tsinelas o maayos na kasuotan. Ilang taon pa lang siyang nabubuhay sa mundo, pero pinaranas na agad sa kaniya ang pait nito. Niyakap ko na lang siya pabalik at hinagod ang likod niya.
∞
"Barangay Villoralba," basa ko sa nakasulat. May kaunting liwanag pa naman nang makarating ako sa arko ng barangay ni Lola Cielo.
Tila dumami ang mga aso sa lugar nila. Kaya naman bigla akong napahinto nang harangan at tahulan ako ng isang aso. Humigpit ang hawak ko sa mga dala-dala kong gamit. Hindi ko alam ang gagawin.
Mabuti na lamang at may dumating na dalawang batang lalaki. Nakabisikleta sila.
At tingnan mo nga naman. "Filip! Elon!" nakangiti kong pagtawag. Sila pala 'yon. Nakatutuwa naman at nakita nila ako sa eksaktong pagkakataon. Ang kaso, hindi nila napaamo ang aso at sila pa tuloy ang hinabol. Nag-alala tuloy ako.
"Sabi ko kasi sa 'yo, h'wag kang tumakbo."
"Paano ba naman ay pinaandar mo na agad ang bisikleta, hindi pa man ako nakaangkas!"
Nakuha pa nilang magbangayan habang patuloy silang hinahabol ng aso. Napaakyat na lang din ako sa isang malaking bato. Mahirap na. Nahulog pa ang isa sa mga bitbit kong gamit. Akmang pupulutin ko na ito, ang kaso'y may una nang kumuha.
Tumingala ako upang tingnan siya. "Ano'ng ginagawa mo r'yan?" natatawa niyang tanong. Nakauniporme pa siya, mukhang katatapos lang ng kanilang klase.
"Naku Isaiah, hinabol ng aso sina Filip at Elon," paliwanag ko at itinuro sila. "Natakot ako kaya naman napasampa ako rito."
Lumabas din naman pagkatapos ang may-ari at pinasok sa loob ang kanilang alaga. Muli akong pinuntahan n'ong dalawa, hingal na hingal. Iyon nga lang, mukhang masaya pa sila sa nangyari at hindi man lang natakot. Natawa na lang din ako.
"Salamat sa inyo," sambit ko kina Filip at Elon.
"Wala 'yon, ate. Kahit sampung aso pa 'yan, kaya kitang protektahan," pagmamayabang ni Filip at sinuklay pataas ang kaniyang buhok. Sabay-sabay tuloy kaming natawa, muntik pang mapaubo si Elon.
Bumaling naman ako sa kanilang kuya. "Isaiah, nasa trabaho ba si Lisay?" tanong ko.
"Wala akong trabaho ngayong araw Lia, kaya hindi ako sigurado kung pumasok siya," tugon niya. Tumango-tango na lamang ako.
"Maligayang pagdating nga pala sa aming lugar, ate! Naglayas ka ba?"
Umiling-iling ako. "Ano ba kayo, hindi. Uuwi lang ako sa lola ko." Pero ang totoo, parang naglayas na rin ako.
Inalok ni Isaiah na bitbitin ang isa ko pang dala. Pumayag naman ako at isinukbit niya 'yon sa balikat niya. Sinabi rin nilang ihahatid nila ako hanggang sa tapat ng bahay ni Lola Cielo.
"Salamat, Isaiah. Salamat sa inyo ah." Matamis akong napangiti.
Hindi ko alam kung ano'ng mayroon sa kanila, pero napakagaan ng pakiramdam ko. Ramdam ko ang kabutihan ng kanilang mga puso. Napakamasayahin pa nila, na animo'y walang mga problema sa mundo.
°°
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."