MAHALIA
Pinunasan ni Filip ang mga luha gamit ang damit. Tumulo na rin ang dugo sa panyo na nakatali sa tuhod niya. "Elon, Kuya Isaiah, pasensiya na. Hindi na naman ako nagdahan-dahan," humihikbi niyang paumanhin.
Napatango-tango ako. Magkakilala pala sila.
Bumaling ako kay Filip. "Mabuti na lang at nandiyan na ang kuya mo. Puntahan mo na sila. Ligtas ka na kaya tahan na ha? Ipagamot mo na rin kay nanay ang sugat mo," paalala ko.
Tumayo ako at bumaling naman sa kaniyang kuya. Ngayon ko lang napansin na nakasuot pa rin pala siya ng uniporme. Tingin ko'y kagagaling lang niya sa isang unibersidad. "Muntik na siyang masagasaan kanina. Hinila ko siya nang malakas kaya't may kaunting punit sa damit niya," paliwanag ko.
"MASAGASAAN? Paano nangyari 'yon? Filip naman.." Ramdam ko ang kanilang pagkabalisa.
No'ng itayo ko ang bata ay mabilis niyang ipinulupot ang mga kamay sa baywang ng kaniyang kuya at patuloy na humikbi. Umupo sila at ipinatong ni Isaiah ang ulo ni Filip sa kaniyang balikat, patuloy siyang pinapatahan habang hinahagod ang likod.
"Hay, heto na naman tayo. Filip na walang kasingkulit. Iyakin naman ang bulilit," wika ng isa pang bata na kasama nila.
Tiningnan naman siya nang masama ni Filip.
Nagkasulyapan din kami ni Isaiah at pareho na lamang natawa.
Mahinahon na lamang niya itong pinayuhan, "Lagi ko namang sinasabi na palagi kang mag-iingat kapag nasa daan 'di ba? Lagi mo kaming pinag-aalala nina nanay. Paano na lang kapag may nangyari sa 'yo? Paano na lang kung wala ang Ate.." Tumingin siya sa 'kin.
"Lia," tuglong ko.
"Lia," pag-ulit niya at tumango. "Salamat sa 'yo, Lia."
Bahagya akong ngumiti. Pagkatapos n'on ay nagpaalam na ako sa kanila at tumalikod na upang makapaglakad na pauwi. Nanginginig pa rin ang mga kamay at tuhod ko. Bukas na lang siguro ako ulit dadalaw kina Lola Cielo at Lisay. Ayaw kong makita ako ni lola, lalo na't hindi ko alam kung paano itatago ang mga emosyon ko ngayon, puno ng kaba, pag-aalala, at pagkabalisa sa mga nangyari noon at ngayon. Hindi ko gustong mag-alala siya, at ayaw ko ring makatanggap ng mga tanong.
Paulit-ulit akong huminga nang malalim upang maibsan ang kaba sa puso ko. Hindi ko mapigilang maluha sa tuwing naaalala ko ang nangyari dati, na naging dahilan din kung bakit ako umalis sa Salomé at iniwan sina mama roon para tumira rito. Hindi ko na gustong alalahanin pa nang paulit-ulit.
"Sandali lang Lia." Mabilis kong pinunasan ang luha sa gilid ng mata ko. Tiningnan ko kung sino'ng tumawag at humawak sa balikat ko, ang kuya pala ni Filip.
"Umiika ka. Pasensiya na talaga at nasaktan ka pa dahil sa kapatid ko. Kung gusto mo, puwede kang sumama sa 'min para magamot din ni nanay ang masakit sa 'yo. Pangako, magaling siya. Saka magkapitbahay lang tayo 'di ba? Puwede ring ihatid ka na lang namin doon sa lola mo. Kahit 'yon lang, para makabawi kami."
Ngumiti lang ako. Hindi ko pa sila masiyadong kilala para sumama sa kanila. Tatanggi na sana ako nang biglang kumidlat at unti-unting lumintik hanggang sa tuluyang bumuhos ang malakas na ulan. Wala pa naman akong dalang payong. Dali-dali tuloy kaming naghanap ng masisilungan.
Muli kaming pumunta sa liwasan. Mabuti na lang at nakakita kami ng mahabang upuan doon. Bukod sa nasa ilalim ito ng puno, may yero rin sa taas nito. Iyon ang naging panangga namin sa ulan.
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."