MAHALIA
Sa wakas ay tumila rin ang ulan.
Madilim na ang buong paligid nang makarating ako sa tapat ng tarangkahan namin. Bubuksan ko na sana ito nang mapahinto ako upang pagmasdan ang maliliwanag na tahanan ng mga kapitbahay. Tiningnan ko ang bahay namin na matagal ko ring hindi nauwian, tila walang buhay dahil sa dilim.
Nag-iisang madilim.
"Lia, anak? Aba, ikaw na ba 'yan?"
Napasulyap ako sa taong tumawag. Nang mamukhaan ko kung sino siya, isang matamis na ngiti ang kumawala sa mga labi ko.
"Ako nga po, Aling Ria. Magandang gabi po sa inyo," wika ko at nagmano. Kahit na matagal bago kami makauwi rito ay hindi pa rin niya kami kinalilimutan.
"Kumusta ka na? Parang kailan lang, sa pagkakaalala ko ay kinse anyos ka lang," nakangiti niyang wika at hinagod ang buhok ko. "Ngayon ay dalagang-dalaga ka nang tingnan. Napakagandang bata. Ilang taon ka na ngayon?"
Mahina na lang akong natawa. "Disi-otso na po. Salamat Aling Ria," nahihiya kong tugon.
Sumulyap siya sa madilim naming bahay. "Mukhang walang tao sa inyo. Nasaan ang mama't papa mo, at si Oleen?"
"Ako lang po ang umuwi. Kailangan din po kasi ng kasama ni Lola Cielo, lalo na po ngayong mas tumatanda na siya," paliwanag ko na lang.
"Kung gano'n, nandiyan ba sa loob ang lola mo?"
Umiling ako. "Nandoon po sa Villoralba. Ako po ang lilipat doon sa susunod na araw."
Sumulyap siya sa bahay namin at napatango-tango. "Gano'n ba. Maiiwan na naman pala ang bahay ni'yo." Tama siya. "Oh siya, mag-ingat ka r'yan sa inyo ha? Isarado mo nang mabuti ang pinto ni'yo lalo na't babae ka. Balikan ko lang saglit ang niluluto ko."
"Sige po Aling Ria. Salamat po ulit," paalam ko.
Pagkaalis niya'y dali-dali kong binuksan ang tarangkahan at maigi iyong sinara. Lakad-takbo akong pumasok sa bahay at mabilis na kinapa ang mga pindutan ng ilaw upang magliwanag sa loob at labas ng bahay. Gano'n na lamang ang takot ko sa dilim. Kung minsan ay parang wala lang, pero may mga pagkakataong binabagabag pa rin ako ng takot.
Huminga ako nang malalim. Pagkapikit ko'y sumagi sa isip ko ang mukha ni Filip. Mabuti na lang.. mabuti na lang talaga at mabilis ko siyang nahila kanina.
∞
"Diyan na lang po manong," wika ko sa traysikel drayber at nagpababa sa harap ng bahay ni Lola Cielo.
Gusto kong makita ang lola ko, at gusto ko rin sanang.. bisitahin sina Isaiah. Sumulyap ako sa 'di kalayuan. Sa pagkakaalala ko'y 'yon ang bahay na tinuro ni Filip no'ng isang araw.
"Lia!"
Bigla na lamang sumulpot si Lisay sa harapan ko matapos kong makababa upang iabot ang bayad sa drayber.
"Gabi na. Saan ka pupunta?" nakangiti kong tanong.
"Kukuha ako ng suweldo ngayon. Alam mo na, kailangang dumiskarte kung minsan para makapag-ipon ng mas marami pa," paliwanag niya.
Napakunot naman ang noo ko. "Ano'ng ibig mong sabihin? May iba ka pang trabaho? Baka naman mapagod nang sobra ang katawan mo niyan Lisay."
Napakamot siya ng ulo. "Ako pa ba, kaya ko 'to, 'no. Saka, ayaw ko kasing maging kasambahay lang araw-araw. Gusto ko rin namang maranasang magtrabaho sa labas ng bahay. Hindi rin naman ako nag-aaral ngayon kaya't ayos lang talaga kung dala-dalawa ang trabaho ko."
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."