MAHALIA
1995
Panahon na naman ng tag-ulan kaya't napakalamig ng simoy ng hangin.
"Mukhang malakas ang ulan ngayon. Magsipasok na kayo at pakisarado ang mga bintana," dinig kong wika ng mga tao sa paligid. Lahat ay tila nagmamadali.
Habang ako, nasa labas lamang, nakalahad ang mga palad at sinasalo ang lumalaking mga patak ng ulan. Kabababa ko lamang mula sa bus kaya naman naisipan kong magpahinga muna. Pagod na pagod ang buong katawan ko dahil sa ilang oras na biyahe.
Komportable akong umupo sa gilid ng tindahan. Doon lang kasi may silungan. Ang kaso, ilang saglit pa lang ang lumipas ay bigla namang kumulog nang sobrang lakas, at sinabayan pa 'to ng mga matatalim na kidlat. Napabalikwas tuloy ako at napayakap na lamang sa hawak kong gamit. Mukhang kailangan ko na talagang maglakad nang makauwi na 'ko.
Ang hirap palang bumiyahe nang walang kasama. Pero ang totoo, bakit ko ba pinili 'to at lumisan? Masama na ba ako sa ginawa ko? Hindi ko alam. Nalilito pa rin ako. Basta ang alam ko'y ayaw ko munang bumalik doon.
At saka, nandito na rin naman ako kaya't kailangan ko na 'tong panindigan.
"Kaya ko 'to," wika ko sa sarili at muling binuhat ang dala kong mga gamit na naroon sa sahig.
Inilibot ko ang paningin sa labas. Bawat poste sa daan ay nakasindi na, maging ang mga ilaw sa gilid-gilid. Marami ring mga sasakyan at mga taong dumaraan, nakapayong, at may kani-kaniyang mga kasama. Ang iba'y nagmamadali, ang iba'y masaya lang na naghahagikgikan.
Tila nahihiya akong makita ang sarili ko, nag-iisa at walang panangga.
Nang makarating ako sa kanto namin ay doon na tuluyang bumuhos ang malakas na ulan. Mag-aalas-sais na at madilim na rin ang buong paligid.
Habang tumatawid sa kalsada ay bigla akong binusinahan ng isang kotse. Halos mapalundag ako sa gulat. Marami akong bitbit kaya naman nahirapan ako sa paglalakad. Pero hindi naman ako mabagal at nasa tamang lugar ako, sadyang masyado lang mabilis magmaneho 'yong drayber. Tumilamsik tuloy sa akin ang tubig-ulan sa daan.
"Tanga! Tumingin ka kasi sa dinaraanan mo!" bulyaw ng drayber matapos ibaba ang bintana ng sasakyan.
Puno ng kaba ang naramdaman ng puso ko sa mga sandaling 'yon. Ang sakit naman niyang magsalita. Napatingin tuloy ang ilang mga tao sa direksiyon ko at nagbulungan. Lumunok na lang ako nang ilang beses upang maibsan ang masamang pakiramdam na umaakyat sa lalamunan ko.
Ang malas ko naman. Bakit tila napakalamig ng pakikitungo sa akin ng mundo ngayong araw?
Huminga na lang ako nang malalim nang makatungtong ako ro'n sa bangketa. Ibinaba ko saglit ang lalagyanan ng mga damit ko na nakasukbit sa aking balikat. Pinunasan ko ang maruming tubig na may halong putik sa mukha ko.
Hindi ko hahayaang sirain niyon ang araw ko 'no. Tama 'yan Lia!
Muli akong nag-ayos at nagpatuloy sa paglalakad. Ilang hakbang na lang din naman at malapit na akong makauwi.
Hindi ko na masyadong binilisan dahil basang-basa na rin naman ang buong katawan ko. Wala nang silbi kung magmamadali pa ako sa paghahanap ng masisilungan.
Ayos lang naman dahil kahit papaano'y nawala ang bigat sa dibdib ko. Ibang klase rin ang ulan. Minsa'y malungkot siyang tingnan, pero madalas, siya naman 'tong pumapawi ng lungkot ko. Gumagaan ang pakiramdam ko sa tuwing naririnig ko ang malakas nitong pagbuhos o kahit ng simpleng paghaplos lang ng malamig na hangin sa balat ko. Isang napakagandang tanawin para sa akin ang panoorin lang 'yon.
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."