MAHALIA
Hindi ko alam kung bakit hindi ako makatulog. Mabuti na rin sigurong maglakad-lakad muna 'ko patungo sa bahay nina Elon. Medyo nangingilabot lang ako dahil napakalamig ng simoy ng hangin at madilim-dilim din ang binabagtas kong daan. Hindi sapat ang ilaw ng mga poste sa gilid. Sinasabayan pa ng pagkaluskos ng mga dahon ng puno ang takot na nararamdaman ko ngayon.
Sana'y hindi ako nagkamali ng desisyon. Sana'y maayos lang din si Elon. Tulad lang siya ng mga batang kinukupkop namin sa simbahan. Walang magulang na kayang mag-aruga sa batang katulad niya.
Nagdasal na lang ako sa aking isip na sana'y makarating ako roon nang ligtas, at makabalik nang maayos sa bahay.
Simula nang umuwi ako rito, pakiramdam ko'y unti-unti na rin akong umaayos. Natututunan ko nang ngumiti ulit. Mas nakikita ko na rin ang mas maliwanag na anggulo ng mga bagay-bagay. Parang unti-unti ko nang nalilimutan kung paano manatili sa dilim.
Umihip ang sariwang hangin at sinayaw niyon ang suot kong palda. Napangiti ako. Para bang napakalayo ko na sa mga masasamang nangyari dati at ni hindi ko sila magawang maalala ngayon.
Si Isaiah at ang pamilya niya, para silang mga araw sa gitna ng mga pag-ulan. Napakapositibo at napakatatag. Sa tuwing kasama ko siya, magaan ang pakiramdam ko at para bang umaaliwalas ang paligid. Kahit gaano man kagulo at kakomplikado ang mga bagay sa utak ko, lumilinis sa tuwing nakakausap ko siya.
"Dito na kaya 'yon?" tanong ko sa sarili makalipas ang ilang mga minutong pagmumuni-muni.
Tatlong bahay ang nasa harapan ko ngayon at lahat sila'y may kulay asul na bubong. Ang dalawa ro'n ay may matitingkad na ilaw sa labas, habang ang nasa dulo naman ay tila walang buhay dahil sa dilim.
Walang nakalagay na tarangkahan kun'di isang simpleng bakod lang, kaya naman mabilis kong tinalon 'yon at nagtungo sa dulong bahay. Marahan akong kumatok. Hindi ko nga alam kung tulog na ba ang mga tao sa mga oras na 'to at baka makaabala lamang ako.
Bumukas naman agad ang pinto. Mapupungay na mga mata ni Elon ang agad na bumungad sa akin. Tuwang-tuwa ang puso ko ngayong alam ko na kung saan siya nakatira. At kahit mag-isa'y nagawa ko pa ring makarating dito nang hindi naliligaw.
Gulat naman akong tiningnan ni Elon. "Ate Lia? Ano po'ng ginagawa ni'yo rito? Paano ni'yo po nalaman ang bahay namin?"
Itinaas ko ang hawak kong mga lalagyanan na nakalagay sa isang supot. "Pinagdalhan kita ng pagkain. Puwede ba 'kong pumasok?" nakangiti kong sabi at niyakap ito.
"Bakit mo po ako binibigyan ng pagkain Ate Lia?" nagtatakang tanong ng bata at pasimpleng pinunasan ang mga mata. "Tamang-tama at hindi pa po kasi ako kumakain. Pakiramdam ko tuloy, mahalaga ako sa inyo."
Medyo piniga ang puso ko roon. "Mahalaga ka naman talaga."
"Talaga po?" Niyakap niya 'ko pabalik. "Puwede po bang dito na lang tayo sa labas kumain ate? Lasing po kasi ang tiya ko at baka magwala kapag narinig tayo."
"Naiintindihan ko," wika ko at sinamahan na lang siyang kumain sa tapat ng pintuan nila. Hindi ko alam na ganito pala ang sitwasyon niya sa bahay.
"Maraming salamat sa 'yo ate. Noong una kitang nakita, alam kong napakabait mo rin gaya nina Kuya Isaiah. Parang nakikita ko ang mukha ng Diyos sa inyo."
Tila nalusaw naman ang puso ko sa sinabi niyang 'yon. Kahit bata lang siya, napagtatanto na niya ang mga gano'ng bagay. Hindi ako perpekto, pero kaya ko pa lang maiparamdam sa iba ang pag-ibig ng Panginoon.
"Nga pala ate, huling taon na namin 'to sa elementarya. Puwede po bang ikaw na lang ang magsabit ng medalya sa akin? Si Filip po ang nangunguna sa klase namin, at pumapangalawa naman ako."
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."