ISAIAH
"Nananatili ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Pero ang pinakadakila sa kanilang tatlo ay ang pag-ibig," basa ko sa aking isip habang isinasaulo ang bersikulong ibabahagi ko mamaya.
Nakamamanghang isipin na dalawang taon na rin pala ang lumipas.
Kasalukuyan kaming nasa teatro upang ipagdiwang ang araw ng pagtatapos namin sa kolehiyo. Masayang-masaya ako dahil napakalaking bagay sa akin ang makapagsuot nitong toga.
Inilibot ko ang paningin sa buong lugar upang hanapin ang ama ko. Siya ang sumunod sa akin sa teatro habang naiwan naman ang iba sa bahay. Sila ang nag-aasikaso ng mga lulutuin para sa selebrasyong ito.
Magkahalong kaba at galak ang nag-uumapaw sa puso ko ngayon habang hawak-hawak ang isang papel na naglalaman ng aking talumpati mamaya.
Yumuko ako at nagdasal sa aking isipan. Napakabuti talaga ng Panginoon. Matapos ang ilang taong paghihirap, sa wakas ay nakarating din ako sa puntong ito. At iyon ay dahil lamang sa tulong Niya. Hindi ko alam kung paano ko nakayanan, pero alam kong Siya ang dahilan ng lahat.
Muling kinuha ng tagapagsalita ang atensyon ng mga manonood.
"At ngayon, dumako naman tayo sa talumpati ng ating balediktoryan ngayong taon."
Mas tumindi pa ang kabang nararamdaman ko pero halata ang tuwang nakapaskil sa aking mga mata.
"Tinatawagan namin si Faustino, Isaiah, na may pinakamataas na karangalan, upang ibigay ang kaniyang talumpati sa lahat ng mga magsisipagtapos ngayong araw."
Malakas na palakpakan ang namayani sa buong lugar nang tumayo ako. Mas nagkaroon ako ng lakas ng loob dahil sa suportang natanggap ko mula sa mga kaklase.
Umakyat ako sa mataas na plataporma at hinawakan ang mikropono. Binati ko muna ang lahat ng mga propesor, mga taong may posisyon sa unibersidad, ang mga magulang, at huli ang mga kapwa kong mag-aaral.
"Bago ko umpisahan ang aking talumpati, nais ko munang ibigay ang lahat ng karangalan sa aking Panginoon na Siyang tumulong sa akin upang maabot ang lahat ng 'to." Huminga ako nang malalim at tiningnan ang mga manonood na seryosong nakikinig sa akin.
"Nais kong ibahagi sa inyo ang tatlong bagay na tiyak ay importanteng-importante sa ating buhay. Tatlong bagay na magagamit natin hindi lamang sa loob ng silid-aralan, bagkus sa totoong mundo na kahaharapin nating lahat paglabas natin sa teatrong ito."
"Una ay ang pananampalataya. Bagay na pinangalagaan ko sa mga panahong lubos akong pinahina at nilito ng mga sitwasyon. Nang dahil sa pagtitiwalang ito, nagkaroon ako ng kumpiyansa na kahit ano mang kaharapin ko, tiyak na malalagpasan ko iyon dahil may Diyos na nakaagapay sa akin."
Pinagmasdan ko ang mga tao at huminto ang paningin ko kay tatay. Kusang sumagi sa isipan ko ang mga napagdaanan namin sa nakalipas na dalawang taon, mga boses, at linyang tumatak sa aking isipan.
"Isaiah, namana mo ang sakit ng nanay mo."
"Walang lunas ang sakit na ito sa ngayon. Ang tanging magagawa lang natin ay h'wag na itong palalain pa."
"Ibig sabihin, habangbuhay na ang pag-inom mo ng mga gamot. Hindi sila puwedeng ihinto."
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."