MAHALIA
"Lipat ka rito sa kabila ko Lia," wika ni Isaiah upang hindi ako masagi ng mga dumaraang sasakyan. Napakamaingat niyang lalaki.
"Salamat." Malapit na rin kami sa bahay ni Lola Cielo.
"Pagpasensiyahan mo na 'yong mga kaibigan ni Felice ah. Parang mas nailang ka tuloy sa 'kin," nahihiya niyang sabi at bahagyang napakamot sa likod ng ulo.
Umiling ako. "Hindi, ayos lang 'yon. Sadyang makuwela lang sila," natutuwang sabi ko. "Bakit pala hindi mo pinapansin 'yong maikli ang buhok kanina? 'Yong Caroline ang pangalan," bigla kong naitanong. Pareho pa man din sila ng buhok ni Lisay, pero mas maikli 'yong kay Caroline. Kung nakatalikod, aakalain kong kambal sila.
Napatingin siya sa akin. Medyo napatingala ako dahil hanggang baba lang ako ni Isaiah. "Iyon ba? Wala lang. Hindi lang ako komportable," maikli niyang tugon.
Tumango lang ako. Hindi nagtagal at nakarating din kami sa tapat ng tarangkahan ni Lola Cielo. Nagpasalamat ako kay Isaiah at nagpaalam bago pumasok sa loob.
"Ingat ka sa trabaho," wika ko.
"Salamat Lia. Ikumusta mo na lang din ako kay Lisay."
Umoo ako at ngumiti. Pinagmasdan ko siyang maglakad palayo habang nakatayo ako ro'n sa ilalim ng lampara, kung saan ko siya unang nakita. May kuryente na ba kaya sa bahay nila ngayon? Nais ko sanang tumulong.
Ilang saglit pa'y muli siyang bumaling sa direksiyon ko, tila siniguro kung nakapasok na ba ako. Nagngitian lamang kami. Maikling segundo lang nagtagpo ang mga mata naming dalawa pero tila ba iba ang naging epekto niyon sa akin.
Napahawak ako sa dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman. Ang mga tuhod ko, bigla na lamang nanghihina. Nahuli ko na lamang ang sarili kong umaasa na sana'y makita ko ulit siya bukas.
Pumasok na ako at naglakad sa malawak na hardin ni Lola Cielo patungo sa loob ng bahay. Malayo pa lamang ay naririnig ko na ang tila pag-uusap ng tatlong tao sa loob. Kumunot ang noo ko. Hindi lang si Lisay ang kasama ni lola. Mukhang may bisita kami.
Huminto ako saglit sa harap ng pinto upang pakinggang mabuti kung kanino nanggagaling ang pamilyar na boses na 'yon. Lumakas ang tibok ng puso ko. Hindi ko maipaliwanag kung bakit bigla akong nakaramdam ng kaba.
"Nandito na po ako," wika ko nang buksan ang pinto.
"Heto na pala si Lia. Mabuti naman at nandito ka na apo. Binisita ka ng kaibigan mo," nakangiting wika ni Lola Cielo. Nasa sala silang lahat.
Pinagmasdan ko si Lisay na abala sa paglalagay ng inumin sa mga baso. Katabi niya ang isang babaeng nakaupo sa silyang sinusuportahan ng dalawang gulong. Katulad ng buhok ko, hanggang baywang din ang kaniya. Ilang beses akong lumunok ng laway. Adaly. Kilalang-kilala ko siya.
Mahaba ang suot niyang palda na umaabot hanggang sa paa. Hindi upang takpan ang balat niya, kun'di dahil sa wala na siyang mga binti.
"Adaly." Halos mapatid ang boses ko kahit na bulong lamang ang kumawala sa bibig ko. Ano'ng ginagawa niya rito? Hindi ko inaasahan ang pagdating niya.
Tila unti-unting pinipiga ang puso ko ngayong nakita kong muli ang pinakamatalik kong kaibigan.. sa ganitong klase ng permanenteng sitwasyon.
∞
"Paano ka nakapunta rito sa Villoralba?" mahinang tanong ko kay Adaly habang nagpupunas ng mga gamit-gamit sa kuwarto. Ramdam kong pinagmamasdan niya 'ko mula sa likuran. Hindi ako totoong naglilinis, sadyang nahihiya lang akong harapin siya.
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."