ISAIAH
"Gising na Kuya Isaiah." Naramdaman ko ang marahang pagyugyog sa balikat ko. "May sasabihin akong importante sa 'yo."
"Mamaya na lang 'yan Felice. Dalawang oras pa lang ang tulog ko eh."
"Kung hindi ko sasabihin ngayon, kailan?"
"Tungkol saan ba 'yan?" tanong ko ngunit hindi interesado. Antok na antok pa ako at wala pa 'kong lakas. Nag-iba ako ng puwesto at tumalikod sa kaniya.
"Tungkol 'to kay Ate Lia at sa lola niya."
Mabilis namang bumukas ang dalawa kong mata at umupo sa napakasikip kong higaan. Gulo-gulo pa ang buhok ko at naniningkit ang mga mata.
"Hindi kita maabala kuya dahil sa sobrang abala mo kababantay kay nanay nitong mga nakaraang araw. Kumukuha lang talaga ako ng tamang tyempo."
Pinagmasdan ko ang nanay namin na mahimbing pa ring natutulog sa kama ng ospital. Hindi ko na namalayan ang mga araw. Pero tiyak na higit isang linggo na 'kong natutulog dito upang bantayan siya. Puro puti ang paligid at araw-araw kong nakasasalubong ang mga taong may sakit sa mga pasilyo.
"Si.. si Lia? Kumusta na sila ng lola niya?" tanong ko. Nakokonsensya ako dahil hindi ko man lang nagawang magpaalam. Hindi ako naging tapat sa kaniya tungkol sa sitwasyon namin. Hindi ko na rin siya nagawang idala ulit sa simbahan tuwing Linggo.
"H'wag kang mabibigla kuya ah. Pero nabalitaan ko kasing kamamatay lang pala ni Lola Cielo nitong nakaraang linggo at nailibing na rin pala siya," mahinang kuwento ni Felice upang hindi namin magising si nanay.
Mas lalong nagising ang diwa ko sa narinig. Kay bilis naman ng mga pangyayari.
"Ano'ng ikinamatay niya? Sino'ng kasama ni Lia roon? Silang dalawa lang ba ni Lisay ang nag-asikaso sa burol at pagpapalibing?" nag-aalalang tanong ko at tumayo para kumuha ng mga damit. Kailangan ko nang mag-ayos upang umuwi muna ng Villoralba.
"Umuwi raw ang mga magulang ni Ate Lia sabi ng mga kapitbahay natin. Marami ring nakiramay. Sayang naman kuya at hindi tayo nakapunta. Ngayon ko lang din nalaman. Nalulungkot ako para sa kanila."
Hindi ko man lang siya nadamayan. Kahit isa man lang sa mga araw na 'yon, wala ako sa tabi niya. Bakit ngayon pa sumakto?
"Felice, ikaw na muna ang magbantay kay nanay. Uuwi na muna ako at.. at pupuntahan ko na rin si Lia. Si Filip, ayos lang naman ang lagay niya kina Carol, hindi ba? Babalik din ako agad," nagmamadaling sabi ko at akmang papasok na sana sa banyo.
"Pupuntahan mo ba siya?" nagtatakang tanong nito.
"Oo naman. Kahit bilang isang kaibigan lang, gusto kong nandiyan ako upang may masandalan siya." Kahit napakarami kong responsibilidad, kahit napakaraming mga balakid, hindi ko gustong mawalan ng oras sa kaniya. Parte siya ng buhay ko. Isa siya sa mga inspirasyon ko. Mahalagang-mahalaga siya sa buhay ko.
"Mahal mo talaga siya kuya, ano? Nakapanghihinayang talaga at hindi pa ito ang tamang panahon para sa inyo. Hindi ko alam kung maaabutan mo pa siya, pero bilisan mo na lang at baka hindi pa sila nakaaalis."
∞
MAHALIA
"Anak, pagpatak ng ala-singko ay bibiyahe na tayo. Naligpit mo na ba lahat ng mga gamit mo?" tanong ni mama mula sa labas ng aking kuwarto.
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."