ISAIAH
Kinabukasan ay pumunta ako sa kabilang barangay upang makabayad ng upa kay Aling Ria. Nais ko rin kasing dalawin ang katapat nitong bahay, ang kina Lia.
Dala-dalawa nga ang tirahan nila, pero wala namang nananahan. Kaya't alam kong babalik din iyon ulit, puwera na lang kung ibebenta nila ang mga ito balang-araw.
"H'wag naman sana," bulong ko sa sarili. Lumapit ako sa kanilang tarangkahan at binuksan ang buson nila. Isang kahon iyon na tanggapan ng mga sulat. Hindi ko kasi alam kung paano siya padadalhan ng sulat sa Salomé dahil hindi siya nag-iwan ng impormasyon.
Medyo marami-rami na ang mga nailagay ko roon, umaasang mababasa rin niya lahat ng mga ito pag-uwi niya. Habang isinisilid ko roon ang mga bago kong sulat, nakakita ako ng isang sobre na tiyak ay hindi nagmula sa akin. Tiningnan ko ang pangalan at nakitang galing pala ito kay Lisay.
Kumusta na kaya siya ngayon? Hindi rin kami nakapagpaalam nang maayos sa isa't isa. Pero ganoon talaga ang buhay. May mga kaibigang umaalis, mayroon din namang mga dumarating.
Matapos kong magawa ang pakay ko ay saka ako nagtungo sa terminal ng mga bus. Ang totoo niya'y luluwas ako ng probinsya namin para.. para hanapin si tatay.
Nagbabakasali ako na makikita ko siya roon, at uuwi ako nang kasama siya.
Nagbayad ako ng pamasahe sa konduktor matapos niya 'kong bigyan ng tiket. Naghanap naman agad ako ng mauupuan.
Mabigo man ako o magtagumpay ngayong araw, ang mahalaga'y sumubok ako.
Maya't maya pa ay umandar na ang sinasakyan kong bus. Inihiga ko muna ang ulo ko at pumikit dahil tiyak na mahaba-habang oras pa ang ibabiyahe ko.
∞
Pagmulat ng mga mata, pinagmasdan ko agad ang tanawin sa labas. Mga bundok-bundok at mga taniman ng palay na ang dinadaanan namin. Wala ng mga nagsisitaasang mga gusali. Ibig sabihin ay malapit na ako.
Tiningnan ko ang oras sa aking relo. Alas-onse na ng umaga. Apat na oras din pala akong nakaupo dahil ala-siyete ako umalis.
Ilang saglit pa ay huminto na ang bus sa isang lugar na matao at punong-puno ng mga sasakyan. Iyon na ang terminal at nagsimula nang magsibabaan ang mga tao.
"Ale, dito na po ba ang San Simon?" tanong ko sa isang pasaherong kasabayan ko sa pagbaba.
"Ah, sasakay ka pa ng isang dyip hijo at isang traysikel," tugon niya.
"Salamat po."
Mumunting mga alaala ang nagragasa sa isipan ko pagtapak ko pa lamang sa lugar. Kakaiba ang pakiramdam. Tila bumalik ang kabataan ko.
"Siyempre naman. Lumaki rin ako rito," bulong ko sa sarili at napangiti.
Kay raming mga taong dumaraan kahit pa malapit nang magtanghaling-tapat. May mga estudyanteng palabas at papasok pa lamang ng eskuwela.
Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa at sumakay na agad ng dyip. Saka na lang ako kakain kapag alas-dose na.
"Manong, pakibaba na lang po sa sakayan papuntang San Simon."
May madadatnan ba kaya ako roon? Hindi ko alam. Pero may pag-asa sa puso ko at ramdam kong unti-unti iyong lumalaki habang umaandar ang sinasakyan ko. May boses din sa aking isip na nag-uudyok sa akin na magpatuloy lamang.
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."