Kabanata 03: Liwanag

222 24 7
                                    

ISAIAH

Katatapos ko lamang magdasal at magbasa ng ilang mga kabanata sa Bibliya kanina. Nakasanayan ko nang gumising ng madaling araw kahit pa maikli lang ang tulog ko tuwing gabi.

"Salamat po sa kalakasan, Ama," bulong ko habang nag-iinat ng katawan.

Araw-araw ay pitong oras ang iginugugol ko sa pag-aaral at walong oras naman sa pagtatrabaho. Mas marami pa ang pagod kaysa sa pahinga. Kung wala lang ang Panginoon sa buhay ko, malamang ay matagal na rin akong sumuko.

Nandito ako sa ikalawang palapag ng bahay, sa kuwarto namin ni Filip. Pero wala ang paslit dahil tumabi kina nanay. Nilabas ko ang ulo ko sa bintana upang pagmasdan ang isang malaking bahay sa 'di kalayuan.

Nakasindi pa rin ang lampara nila na nakadikit doon sa kanilang tarangkahan. Ang yaman siguro ng mga nakatira ro'n. Napakaganda at napakalaki ng bahay.

Hindi ko alam kung sino ang mga nakatira ro'n. Hindi kami lumaki rito kaya't iilan pa lang ang mga kakilala kong kapitbahay. Pero ang alam ko, nakilala na ni nanay ang matandang babae na nagmamay-ari sa malaking bahay na 'yon.

Malakas akong napabuntong-hininga at binagsak ang katawan sa sahig. Pakiramdam ko, kahit anong pagtatrabaho ang gawin ko, hindi pa rin sumasapat. Gaya ngayon, wala kaming kuryente. Mas magiging magaan talaga kung nandito lang sana si tatay.

Pinatong ko ang dalawa kong paa sa pasamano at sa magkabilaan ko hiniga ang mga kamay ko. Unti-unti na ring nabibigyan ng liwanag. Direktang tumatama sa 'kin ang patay-sinding ilaw ng poste rito kaya naman..

Biglang bumukas ang pinto ng kuwarto. "Ano ba namang posisyon 'yan kuya? Para kang kinukuha ng langit!" biro ni Filip at humagalpak sa katatawa.

"Tumigil ka nga. Tulungan mo na lang ako," wika ko at nag-ayos ng posisyon. Umupo ako at hinarap siya. Singkit pa ang mga mata niya dahil kagigising lang.

"Saan naman?"

"Kay Aling Ria."

Tinitigan niya ako na para bang nakakita siya ng isang napakaguwapong nilalang, este isang estranghero sa kanilang bahay. "Sigurado ka ba r'yan? Hindi tayo pagbibigyan n'on, 'no."

Una kong tinulak si Filip upang una siyang kumatok sa bahay nina Aling Ria. Bilang ganti'y tinulak din niya ako.

"Aray, ang lakas n'on ah!"

Wala kaming sinabi kay nanay. "Oh sige, ako ang kakatok pero ikaw ang makikiusap," suhestiyon niya. Aba, matalinong bata.

Pero bago pa man siya kumatok ay bumukas na ang pinto. Si Aling Ria agad ang bumungad sa amin, nakapamaywang at nakataas ang isang kilay. "Ano'ng kailangan ni'yo?" masungit niyang tanong.

"Magandang umaga po, Aling Ria! Makikiusap lang po sana kami kung--"

"Hangga't walang bayad, hindi kayo magkakaroon ng kuryente," masungit niyang tugon at akmang papasok na sana.

Pasimple naman akong kinukurot ni Filip sa likod at hinihila ang laylayan ng damit ko habang bumubulong-bulong ng, "Umuwi na tayo, tara na."

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon