ISAIAH
Madaling-araw akong gumising ngayon dahil gusto kong salubungin ang pagsikat ng araw at ang pag-iiba ng kulay ng kalangitan. Nasa ikalawang palapag ako ng bahay, nagmamasid sa labas ng bintana habang humihigop ng kape.
Mapakakanta ka na lang talaga ng, Panginoon, napakadakila Mo, sa sobrang ganda ng tanawin.
Ang sarap pa naman sa balat ng malamig na hangin, may mainit pa 'kong kape!
"Isaiah, bakit ba hindi ka sumasagot? Panglimang tawag ko na 'to. Bumaba ka na, mahuhuli na kayo sa klase!"
Bigla naman akong natauhan nang marinig ang lumalakas na boses ni nanay. Teka, kanina pa ba niya 'ko tinatawag? Mabilis akong napatayo sa kinauupuan at bumaba.
Pero bago 'yon ay humigop muna ulit ako ng kape, pero hangin na lang ang nalunok ko. Ubos na pala, pambihira.
At hayon, pagbaba ko sa sala'y pingot sa tainga ang natanggap ko.
"Aray naman 'nay! Kay ganda ng umaga oh!" reklamo ko. "Pero mas maganda ka."
Natawa naman siya at hinampas ang braso ko.
"Ako ba, guwapo na ba 'ko sa uniporme ko?" tanong ko naman habang inaayos ang mga butones ko sa harap ng salamin.
Bigla namang sumabat si Filip. "Aba, siyempre naman. Kanino ka pa ba magmamana kun'di sa 'kin." Ang yabang talaga ng batang 'to. 'Di hamak na mas guwapo naman ang kuya niya.
Ang karaniwang senaryo'y hinahatid ko sa eskuwelahan sina Filip sakay ng bisikleta.
Nagpaalam ako kay inay bago kami umalis at nagpasalamat sa baon na hinanda niya para sa amin. "Nasaan na si Felice?" tanong ko kay Filip.
"Nauna na kuya. Aywan ko ba ro'n kay Ate Felice, siguro dahil 'yon sa manliligaw niya kaya't ayaw na niya tayong kasabay," paliwanag niya.
Kumunot naman ang noo ko. "Anong manliligaw? Disi-sais pa lang 'yon ah. Ano 'yon, dadaigin niya 'ko?"
"Oh, ilong mo umuusok," sabi niya at tumawa. "Ano ka ba, hula ko lang 'yon kuya. Eh sa nagdadalaga na si Ate Felice eh, kaya hindi malabo," dugtong pa niya.
"Eh ikaw? Wala ka pa bang nililigawan?" pabiro ko namang tanong.
Bigla na lamang niya 'kong hinampas mula sa likod ng bisikleta. Hindi na 'ko magtataka kung kanino 'to nagmana. "Kadiri ka kuya! Dose anyos lang ako!"
At dahil do'n ay patuloy pa kaming nag-asaran sa daan.
Habang nagtatawanan sa kalsada'y narating din namin ang bahay ng kaibigan niyang si Elon. Magkakalapit lang naman ang mga bahay rito sa Barangay Villoralba. Masigla siyang lumabas mula sa kanilang bahay. Sinuntok niya 'ko sa braso bilang pagbati.
Mula kay nanay, Filip, at pati ba naman kay Elon ay parang malapit na 'kong maging bugbog-sarado nito. Biro lang. Hindi naman masakit.
"Sumakay ka na rito sa harap, Elon na paalon-alon ang buhok," wika ko at mas ginulo pa ang kaniyang buhok. Pero mabilis akong nakonsensiya kaya't inayos ko rin naman agad.
Paano ko nga ba nakilala ang batang 'to?
Ang totoo'y hindi ko naman talaga siya kakilala, at mas lalong hindi niya kaibigan si Filip noon. Kaaway, kumbaga.
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."