Kabanata 27: Paraiso

37 6 0
                                    

MAHALIA

Pero bakit? Bakit kailangan niyang sabihin iyon? Na hindi pa siya ang tamang lalaki para sa akin? Naguguluhan ako. Pakiramdam ko'y pinutol niya agad ang pag-iibigang hindi pa man lubusang nagsisimula.

"Saan ka galing kagabi?" seryosong tanong ni Lisay habang pinupunasan ang basa niyang buhok. Halos mapalundag ako dahil abala ako sa kaiisip.

Tinakpan ko ang pinakukuluan kong sabaw at pilit siyang nginitian nang malapad. Darating din kasi ngayon ang mga magulang ko kaya't ipinagluto ko sila. "Dinala ako ni Isaiah sa Cayo. May inihanda sila para sa 'kin doon."

"Talaga? At para sa'n naman?"

"Nakalimutan mo na ba Lisay?" tanong ko at sumandal sa mesa. Hindi pa kasi niya 'ko binabati mula kahapon. "Kaarawan ko."

Naglakad-lakad siya sa kusina at kumuha ng plato. Amoy na amoy sa buong bahay ang niluto kong ulam. Tiyak na matutuwa si lola.

"Kumain ka na muna bago pumasok sa trabaho Lisay," wika ko at pinatay ang apoy sa kalan. Alas-siyete na ng umaga at kadalasan ay gising na si Lola Cielo sa mga oras na 'to, nagdidilig o 'di kaya ay nagwawalis sa labas.

Medyo nakapagtataka rin at hindi magiliw si Lisay ngayong araw. Hindi ko tuloy mapigilang magtanong. "Ayos ka lang ba? Pagod ka ba sa trabaho?" Matamlay ang mukha niya at tila walang ganang kumain. "Kung may maitutulong man ako Lisay, sabihin mo lang."

"Malapit ka na ba kay Isaiah?" bigla niyang naitanong. Hindi ako nakasagot agad.

Inalala ko naman ang mga sandaling nakasama ko siya. Ang mahigpit niyang yakap, ang pagdampi ng labi ko sa pisngi niya, ang paghalik at paghawak niya sa kamay ko. Hindi kami nagkikita araw-araw, pero sa tuwing ramdam ko ang presensya niya, sa tuwing naririnig ko ang kaniyang boses, para bang nakasilong ako sa isang komportableng kanlungan. Para bang matagal ko na siyang kilala.

"Sana, katulad na lang talaga kita Lia." bulong nito. Kahit mahina'y nagawa ko pa ring marinig. Sumulyap ako sa kaniya, dahan-dahan ang pagsubo niya sa pagkain, bagsak ang mga balikat, at malungkot ang mukha.

"Bakit naman Lisay?" nag-aalalang tanong ko at tinabihan siya sa pag-upo. Hindi ko gustong maramdaman niya ang ganito. Hindi naman ako ibang-iba sa kaniya.

Pero alam ko naman talaga ang rason kung bakit siya nagkakaganito. "Pasensiya ka na Lisay, pero mahal ko si Isaiah at umamin din siyang mahal niya ako."

Hindi niya inubos ang pagkain at agarang tumayo upang ayusin ang kaniyang uniporme. "Alis na 'ko. Mahuhuli pa 'ko sa trabaho."

"Lisay." Napabuntong-hininga ako. "Hindi mo madidiktahan ang mararamdaman ng isang tao."

Hinabol ko siya at hinawakan ang kaniyang braso, pero mabilis niyang tinampal ang kamay ko. Napaurong ako dahil sa pagkabigla.

"Mabuti ka pa, nakukuha mo lahat ng gusto mo nang walang paghihirap. Napakamakasarili mo Lia! Sana hindi ka na lang umuwi!"

Hindi ko napigilang masaktan sa mga salitang ibinabato niya sa akin. Gano'n na lamang ba ang pagkamuhi niya? Akala ko'y magiging masaya siya para sa akin dahil kapatid ang turing namin sa isa't isa.

"Nasa 'yo na ang lahat. Maging ang mapalapit agad sa lalaking mahal ko, kayang-kaya mo," huli niyang sinabi bago maglakad paalis ng bahay.

Hindi ako nakagalaw nang ilang segundo at pinagmasdan na lamang ang likod niya.

Kung alam mo lang Lisay, malabong maging kami ni Isaiah sa ngayon, dahil tulad ng sinabi niya, hindi pa siya ang tamang lalaki para sa akin. At nasaktan ako nang sobra dahil doon.

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon