MAHALIA
Nagkakagulo ang lahat ng mga tao sa nayon. Sa isang iglap lang, gumuho ang buhay naming dalawa.
Tumilamsik ang ilang dugo sa damit ko habang naiipit sa gulong ng trak ang mga binti ni Adaly. Sigawan at iyakan ang namumutawi mula sa bibig ng mga taong nagkalat sa paligid. Hindi ako makagalaw dahil sa labis na panghihina. Ano'ng.. ano'ng nagawa ko?
Nang dumating ang ambulansiya'y tinulungan akong makatayo ni Uriel. Dumating din ang mga magulang ko at isa na si mama sa mga sumakay roon sa ambulansiya.
Inilayo ako ni Uriel sa mga tao at tinulungang makauwi sa amin. Tahimik lamang kaming naglakad at tanging ang mabibigat na paghinga lang ang naririnig ng bawat isa. Walang umiimik. Hindi makapaniwala sa nangyari.
"Bakit.. bakit mo nagawa 'yon Ate Lia?" balisang-balisang tanong niya habang tumutulo ang mga butil ng pawis sa kaniyang noo.
Hindi ko magawang buksan ang bibig ko. Kritikal ang kondisyon ng kaibigan ko ngayon. Makaliligtas ba si Adaly? Mapuputulan ba siya ng mga paa? Ano nang mangyayari sa 'kin? Hindi ko alam. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong klase ng takot, pagsisisi, at pangamba sa buong buhay ko.
"Magiging ayos siya, hindi ba, 'di ba Uriel?"
Matamlay lamang siyang tumango at mabilis na pinunasan ang luhang bigla na lamang pumatak sa pisngi niya. Wala pa ring tigil sa panginginig ang buong katawan ko. Hindi ko sinasadya. Hindi ko namalayan ang paparating na trak. Hindi ko.. hindi ko ginustong may mapahamak.
Mariin akong napapikit at wala sa sariling pinaglalandas ang mga palad. Pakiramdam ko'y sasabog na ang utak at dibdib ko sa matinding pangambang dumadaloy sa buong katawan ko ngayon.
Umupo kaming dalawa ni Uriel sa harap ng tahanan namin kung saan may silong. Umalis siya saglit upang kuhanan ako ng tubig. Kaharap ko ang tarangkahan at hindi ko maiwasang pagmasdan ang mga taong nagkakaguluhan doon sa 'di kalayuan.
Paulit-ulit akong humihingi ng kapatawaran sa Panginoon. Takot na takot ako't ang tanging hinihiling ko na lamang ay maglaho sa paningin ng mga tao rito sa nayon.
Ilang saglit pa'y sinugod ako ng nanay ni Adaly at malalakas na sampal ang agad niyang ibinungad sa akin. Napahandusay ako sa sahig, walang tigil sa pag-iyak habang paulit-ulit na humihingi ng tawad sa kanila.
"ANO'NG GINAWA MO SA ANAK KO LIA?"
Biglang lumabas si Ate Oleen at takang-takang tiningnan ang kaguluhang nangyayari sa labas ng bahay.
Lumuhod ako at nagmakaawa. "Patawarin ni'yo po ako! Hindi ko.. hindi ko ginusto ang nangyari kay Adaly. Aksidente po ang lahat. Patawarin ni'yo po ako." Pero walang humpay niya akong sinampal at sinabunutan. Pakiramdam ko'y napupunit ang balat ko sa sakit.
Pumagitan sa amin si Ate Oleen upang protektahan ako. "Tigil na! Bakit ni'yo ba sinasaktan ang kapatid ko?"
Kagagawan ko ang lahat kaya't marapat lamang ang nangyayari sa 'kin ngayon. Hindi ko na alam ang mangyayari sa sarili ko sa mga susunod na araw. Pakiramdam ko.. pakiramdam ko'y hindi na makatatanggap pa ng kapatawaran ang isang taong tulad ko.
∞
Tahimik lamang kaming umuwi ni Lisay nang sunduin si Adaly ng mga kuya niya. Hindi ko alam ang iniisip niya tungkol sa akin matapos marinig ang lahat ng 'yon. Pero may kutob akong hindi 'yon maganda.
"Bakit mo nagawa 'yon Lia?"
Saglit akong napahinto. Huhusgahan din ba niya 'ko tulad ng iba?
"Hindi ka ba nakokonsensiya sa lagay ni Adaly ngayon? Hindi na niya mararanasang makapaglakad ulit dahil sa 'yo."
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."