Kabanata 09: Bagong Pagkakaibigan

135 14 4
                                    

MAHALIA

"Lia, pasyal ka ulit dito sa susunod kapag may oras ka. Tapos, tumugtog ka ulit," wika ni Isaiah. Nandoon kami sa harapan ng pintuan nila, nag-uusap saglit bago umuwi. "Napakaganda ng boses mo."

"Salamat Isaiah," nakangiti ngunit nahihiya kong tugon. "Salamat din sa pagpapapasok sa akin sa bahay ni'yo." Tila matagal ko na silang kakilala kahit na ngayon lamang kami nagkuwentuhan. Sobrang gaan sa puso. Kahit sa kaunting bagay na mayroon sila ay ibinahagi pa rin nila sa akin iyon.

"Ang sarap din ng pagkain. Napakabait ng nanay ninyo at ng mga kapatid mo." Kanina'y bahagya ring hinilot ng nanay nila ang balakang ko. Totoo ngang magaling siya dahil guminhawa ang pakiramdam ko.

"Walang anuman Lia," wika niya at ngumiti muli.

Napansin kong medyo tahimik ang kapatid nilang babae. Kanina pa siya hindi umiimik kaya naman hindi ko inaasahan nang bigla niya akong lapitan. "Ate, balik ka rito ha," tipid niyang sabi kasabay ng isang mahinhin na ngiti habang nakahawak sa braso ko. Hinawakan ko na lang din ang kamay niya at saka tumango nang may kasamang pagngiti.

Pero umalis din siya agad. "Tahimik lang talaga 'yong si Felice. Pero halatang nagustuhan ka niya."

"Felice pala ang pangalan niya."

"Oo. At ako nga rin, nagustuhan kita."

Napatingin ako kay Isaiah. "Ibig kong sabihin, gano'n din sina nanay at sina Filip. Alam kong naging komportable rin sila sa 'yo dahil dama nila ang pagmamahal mo kay Hesus," tuglong niya. "Salamat ulit sa pagbisita Lia. Hatid na kita?"

Nakatataba naman ng puso. Tinuro ko ang bahay ni Lola Cielo na ilang lakad lang naman ang layo, pero hindi rin naman masyadong malapit dito. "Hayan lang ang bahay ni lola, kahit h'wag mo na akong ihatid."

"Pero gabi na, tapos may madadaanan ka pang mga tambay," wika niya.

"Ayos lang ba sa 'yo? Kung gugustuhin mo, sige." Pumayag na lang din ako.

Nagpaalam ako sa kanilang nanay at nagpasalamat, gano'n din kay Felice at Elon. Napakadaldal ni Elon sa tuwing magkasama sila ni Filip, pero kaninang dumating ako, hindi ko pa siya narinig magsalita. Siguro'y hindi pa siya masyadong komportable sa akin.

Noong malapit na kami sa bahay ni Lola Cielo ay saktong kararating lang din pala ni Lisay, akmang papasok na sana siya sa loob. Pinagmasdan niya kami, nagtataka siguro kung sino ang kasama ko.

"Lisay, si Isaiah nga pala," pagpapakilala ko ngunit--

"Magkakilala kayo?" sabay nilang naitanong ni Isaiah.

Nagkatinginan kami ng katabi ko, pagkatapos ay bumaling ako kay Lisay.

"Magkatrabaho kami," sabay nilang iwinika ulit. Napakaliit pala talaga ng mundo.

"Magandang gabi, 'Say. Diyan ka rin pala nakatira? Kung gano'n, magkaano-ano kayo ni Lia?" nagtatakang tanong ni Isaiah.

"Magpinsan kami," mabilis niyang tugon at tumingin sa akin. "Eh kayo? Bakit kayo magkasama ng ganitong oras?"

"Pumasyal lang si Lia sa bahay namin kaya't hinatid ko siya ngayon." Tinuro ni Isaiah ang bahay nila kung saan kami nanggaling.

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon