Epilogo

123 13 7
                                    

1 CORINTO 13:4‭-‬7
Ang taong may pag-ibig ay mapagtiis, mabait, hindi marunong mainggit, hindi hambog o mapagmataas, hindi bastos ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa, hindi natutuwa sa kasamaan, kundi nagagalak sa katotohanan, matiyaga, laging nagtitiwala, laging may pag-asa, at tinitiis ang lahat.

Iniibig Kita

"Mahalia, may nag-iwan nga pala ng bulaklak para sa 'yo," wika ng isa kong kasamahan na nars na nakasalubong ko sa pasilyo ng ospital. Pauwi na ako at nagliligpit na ng mga gamit.

"Kanino raw po galing?"

"Kanino pa ba, eh 'di sa guwapong lalaking inineksiyonan mo kanina," natutuwang tugon nito sa akin habang nagbibiro.

"Talaga po?" pagtataka ko, dahil kanina, noong tinurukan ko siya ng antibayotiko, wala naman akong napansin na may dala siyang bulaklak.

Dali-dali naman akong nagtungo sa kuwartong itinuro ng kasama ko, at doon ay nakita ko nga ang pumpon ng mga bulaklak. Sabik na sabik ko itong binuhat na para bang isang sanggol at inamoy. Kulay puti ang mga rosas at sa gilid nila'y mga maliliit na bulaklak na kulay lila.

Mayroon din itong kasamang maliit na papel na naglalaman ng maikli niyang mensahe.

Kasing-ganda at dalisay mo ang mga bulaklak na 'to.
- Isaiah

Malapad na ngiti ang gumuhit sa aking mga labi. Napakahilig talaga niya sa mga sorpresa. Kahit ilang taon na ang nagdaan, hindi pa rin nagbabago ang pagiging romantiko niya sa akin.

Sa ilang taon ng aming relasyon, hindi rin nawala ang respesto niya sa akin. At dahil sa pag-ibig niyang nagmumula kay Hesus, minamahal niya ako nang tama, at malayo sa tukso.

Mag-iisang taon na akong nagtatrabaho rito sa ospital bilang isang nars. Habang si Isaiah naman ay magtatatlong taon ng guro. Nagtuturo siya ng elementarya sa isang pampublikong paaralan.

Hindi pa rin tuluyang gumaling ang sakit niya sa puso. Pero gayon man, malaki pa rin ang pasasalamat ko sa Panginoon. Ang sabi ng mga doktor noon, operasyon lang ang makapagpapagaling sa kaniya. Pero ngayon, ang dating malalang kondisyon niya, unti-unti nang gumagaling.

Patunay lang na may kagalingan sa Panginoon.

Pinagmasdan ko muna ang sarili kong repleksiyon sa salamin bago umalis. Nasisiyahan ang puso ko dahil hindi na ako ang dating Lia na ikinahihiya ang mga maling nagawa ko sa nakaraan.

Habang tumatanda ako, mas nakikilala ko rin kung sino ang Panginoon.

Sa mga oras na nagkakamali at nagkakasala ako, isa lang ang naririnig ko mula sa Kaniya. At iyon ay ang iniibig Niya ako.

Ang pag-ibig Niya ang nagpabago sa akin.

Nang dahil sa pag-ibig Niya, nagawa Niya akong patawarin.

At nang dahil sa pag-ibig Niya, natutunan ko rin kung paano umibig nang tama.

Umuwi na ako matapos niyon, pero hindi muna ako dumiretso ng bahay. Nagtungo muna ako sa bahay-ampunan.

Pero nakapagtataka dahil sarado ang tarangkahan. Kadalasan kasi, bukas pa ito kapag hindi pa takipsilim dahil labas-masok ang mga bata habang naglalaro.

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon