MAHALIA
"Kumusta?" nakangiting tanong ni Isaiah. Nasa parke kami ngayon kung saan ko nakitang naglalaro si Filip noong isang araw.
"Maayos naman. Kailangang-kailangan ko pa naman ngayon 'yong mga narinig ko kanina sa loob ng simbahan, kaya salamat talaga sa inyong dalawa ni Felice," tugon ko at nginitian sila pabalik.
"Gano'n ba, mabuti na lang pala at inaya kita."
Tama ka.
"Kahit linggo-linggo ka pang sumama sa amin ate, puwedeng-puwede," nagagalak namang wika ni Felice. Sumang-ayon naman ako kahit na alam kong hindi maaari dahil may iniwan akong simbahan sa nayon.
"Felice!"
Napasulyap kami sa mga babaeng dumating na dali-daling lumapit sa puwesto namin.
"Nandito ka pala! Nandito rin si Kuya Isaiah at.."
Agad namang tumingin si Isaiah sa ibang direksiyon at tila umiiwas. Ipinakilala naman sa akin ni Felice na kaibigan at kaklase niya ang mga 'to.
Sabik na sabik silang nagyakapan habang naghahagikgikan. Gano'n pala sila kalapit sa isa't isa. "Ano'ng ginagawa niyo rito Felice?"
"Namamasyal lang at nagpapahangin. Katatapos lang naming magsimba kasama si Ate Lia."
Muli silang tumingin sa akin. Binati ko sila at binati rin naman nila ako pabalik, pero 'yong isang babaeng maikli ang buhok, hindi nangalahati ang ngiti nang tingnan ako. Mukhang hindi siya natutuwang masilayan ako.
"Kuya Isaiah, pansinin mo naman ang mga kaibigan ko." Mahinang kinurot ni Felice ang braso ng kaniyang kuya.
"Aray," daing niya at humarap sa kanila. "Magandang umaga. Saan kayo papunta?"
Agad na umupo sa gitna namin 'yong babaeng maikli ang buhok at tumabi kay Isaiah, dikit na dikit ang mga braso nila. "Dito na lang kami kuya tutal ay nandito ka rin naman," kinikilig niyang sabi.
Medyo nagulat ako, pero natawa rin kapagkuwan. Tiningnan naman ako ni Isaiah na mukhang humihingi ng tulong.
"Ah, eh, doon na muna siguro kami sa kabilang upuan. Tara na Caroline, tumayo ka na r'yan. Iwan na muna namin kayo ate at kuya, ayos lang ba?" tanong naman ni Felice na mukhang naiintindihan ang nararamdaman ng kuya niya.
"Ayos na ayos," sagot naman ni Isaiah. Tila nakahinga siya nang maluwag nang maglakad na sila paalis.
"May nobya na ang Kuya Isaiah mo?"
"Wala pa. Kapitbahay namin 'yang si Ate Lia. Sobrang bait niya."
"Kahit naman may nobya o wala, wala ka pa rin namang tiyansa sa Kuya Isaiah niya 'no."
"Saka mukhang may babaeng bagay na sa kaniya, at hindi ikaw 'yon Caroline. Hahahaha!"
"Para namang hindi ko kayo kaibigan eh. Hangga't wala pa siyang nililigawan, may pagkakataon pa ako."
"Hindi naman tipo ng kuya ko ang mga disi-siyete. Grabe ka naman sa kaniya."
Nagtawanan sila. Hindi pa sila tuluyang nakalalayo kaya't narinig pa namin ang usapan nila. Nahiya tuloy ako lalo sa katabi ko. Mukha ba akong nobya niya? May pagitan pa rin naman sa amin dahil mahaba ang upuan.
"Gusto mo?" alok ni Isaiah sa akin at tinuro ang nagtitinda ng sorbetes na medyo may kalayuan sa puwesto namin.
Tumango naman ako na parang isang masayang bata.
BINABASA MO ANG
Iniibig Kita
Spiritual"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin."