Kabanata 29: Ang Diyos Bilang Sentro

48 7 0
                                    

ISAIAH

Hihintayin kita Lia.

Pumatak ang luha ko sa papel. Mabilis kong pinunasan ang mata ko. Hindi dapat ako nalulungkot. Ito rin naman ang gusto ko, ang unahin niya ang Panginoon higit pa sa lahat dahil iyon din ang gagawin ko. Sigurado akong mahuhubog ang pananampalataya niya roon. May rason ang lahat. At alam kong hindi ako ang kailangan niya, kun'di Siya.

Sa dinami-rami na ng mga bahay na nalipatan namin at mga lugar na napuntahan, sanay na sanay na akong magpaalam. Sanay na akong maiwan at iwanan ang iba. Mas mabigat nga lang ang pag-alis niya dahil naging ispesyal siya sa puso ko.

Suminghot ako saglit bago buksan ang pinto. Maigi kong itinupi ang papel at ingat na ingat kong hinawakan ang kaseta. Papasok na sana ako ng bahay nang may biglang humawak sa aking balikat.

"Isaiah, tama?"

Napasulyap ako sa likuran ko upang pagmasdan siya.

"Pastor Jesse. Kayo po pala."

"Aba, akalain mo nga naman at nakita kita. Bumibisita kami sa bawat bahay para maghayag ng Salita ng Diyos. Sakto at napunta kami sa Villoralba. Kumusta ka na? Hindi na ulit kita nakita sa simbahan."

"Ayos lang naman po. Pasensya na rin pastor. Nagkasakit po kasi ang nanay namin sa puso. Magdadalawang linggo na po siya sa ospital kaya't naging abala ako sa pagkayod ng kikitain."

Napabuntong-hininga siya at hinawakan ang balikat ko. "Gano'n pala ang nangyari. Halika at ipagdasal natin ang mama ninyo."

"Maraming salamat po. Pumasok muna po kayo sa loob."

Higit pa sa mga doktor, alam kong ang Diyos pa rin ang tunay na makapagpapagaling kay nanay.

"Kamukhang-kamukha mo talaga ang kaibigan kong si Josiah," bigla niyang nabanggit. "Kung naaalala mo, naikuwento ko siya sa simbahan noong dumalo kayo roon."

Naaalala ko nga. At base sa kuwento niya, naikuwento na rin iyon ni tatay noon. "Hindi ko nga rin po akalain, kung ang ama ko po ba ang tinutukoy ni'yo o nagkataon lang na magkapangalan sila. Pero Josiah din po ang pangalan ni tatay," paliwanag ko.

MAHALIA

Tumingin ako sa labas ng kotse namin. Napakalalim na ng gabi. Magpipitong oras na rin kaming bumibiyahe at sa wakas ay narating din namin ang bayan. Matapos niyon ay tinahak namin ang masukal na daan, malapit sa paanan ng bundok. Patungo iyon sa nayon.

Malapit na akong makauwi.

Wala ng mga taong dumaraan. Tila tulog na ang buong lugar. Binuksan ko ang bintana ng kotse upang makalanghap ng sariwang hangin. Sinalubong ako ng malamig na simoy nito at mga punding ilaw ng poste sa paligid.

Malayong-malayo na 'ko sa Villoralba.

Nagsitayuan ang mga balahibo ko nang daanan namin ang lugar kung saan nangyari ang aksidente. Isinara kong muli ang bintana at hindi napigilang mapahawak sa dibdib ko.

Maraming tao pa ang masisilayan ko bukas. Hindi na dapat ako natatakot. Hindi ko na kailangang tumakbo pa ulit.

"Ma, pa.. bakit po tila nag-iba ang hitsura ng Salomé?" pagtataka ko habang nagmamasid sa paligid.

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon