Nagtataka man ay pinagkibit balikat ko na lang ang biglang pagbabago na naman ng mood nito. Bigla na naman itong naging bugnutin. Ganoon na ba talaga siya ka atat na mapag-isa? Bakit mangani-ngani siyang ihatid ako? Oh well, baka hindi na niya kayang itago ang lungkot na kanyang nararamdaman. Marahil ay pilit lang niyang tinatago ang kanyang emosyon kapag magkaharap kami. Sabagay ganoon naman talaga ang mga lalaki. Ayaw ipinapakita ang kanilang kahinaan.
Kahit papaano ay naiintindihan ko ang pinagdadaanan niya. Pamilyar sa akin ang ganitong eksena. Sa ilang araw kong kasama si Xander ay parang nakikita ko ang kuya ko noong mga panahong iniwan siya ni Ate Ella. Wala akong kaalam-alam sa tunay niyang pinagdadaanan noon ngunit hindi nakaligtas sa akin ang napapadalas niyang pag-inom tuwing malalim na ang gabi. Mula sa bintana ng aking silid ay nakikita ko siya sa hardin habang nag-iisang umiinom.
Hindi lingid sa akin na ginagawa niya iyon para itago sa amin ang kanyang problema. Madalas ko rin siyang makitang malungkot at tulala. Isang araw ay naglakas loob akong tanungin siya kung may problema siya, ngumiti lang ito ng pilit at sinabing na-mimiss lang daw nito si Ate Ella. Noon ko nalaman na umalis pala ng bansa ang matalik niyang kaibigan para doon magtrabaho. Noon ko na-realize na mahal niya ito ngunit ayaw lang nitong aminin.
Si Xander ay tila ganoon din ang ginagawa ngayon. Lagi na lang alak ang pinagbabalingan niya. Parang naapektuhan na nga yata ang utak nito sa kakainom dahil kung minsa'y matino minsan nama'y napakamainitin ang ulo.
Ganoon ba talaga kapag nasasaktan? Paiba-iba ng mood? Tulad ngayon bigla na lang siya nainis at iniwan ako dito sa sala. Nainis kaya siya dahil naunsiyami na naman ang kanyang inaasam na pag-iisa rito? Kung mag-isa nga naman siya rito ay wala na siyang ibang iintindihin kundi ang sarili niya. Sakit lang ba ako sa ulo? My brother used to say that I'm a pain in the ass. Ganoon din kaya ang tingin niya sa akin?
Tumayo ako at lumapit sa sliding window. Naririnig ang malakas na hampas ng hangin at ulan. Halos hindi na nga makita ang paligid. Buti na lang at matibay ang pagkakagawa ng bahay kundi ay baka nilipad na ang bubong nito. Pati ang hampas ng alon sa dalampasigan ay naririnig sa kabila ng ilang metrong layo nito mula rito sa bahay.
Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga. Pumihit ako pabalik sa paanan ng hagdan kung saan ko inilapag ang maleta at bag ko. Wala naman akong magagawa kundi ipanhik ulit ang mga 'to sa kwarto. Pagpasok ko sa mga gamit ko'y binuksan ko agad ang bag at kinuha ang dala kong paperback novel. Magbabasa na lang ako kaysa naman mabaliw ako sa sobrang inip. Hindi bale sana kung may kausap ako o kakwentuhan. Buti pa si Kuya Jeremy hindi boring kasama. Itong si Xander kakausapin ka lang kapag gusto niya. May saltik yata sa ulo. O epekto lang 'yun ng pagiging heartbroken niya?
Bumaba ako sa kusina para magtimpla ng kape. Malamig ang panahon kaya kahit hindi ako mahilig sa kape ay nagdesisyon akong magtimpla para maibsan kahit papaano ang lamig na nadarama ko. Inilapag ko ang libro sa mesa at nagsalang ng kape sa coffee maker. Hinila ko ang upuan sa tapat ng mesa at umupo roon. Binuklat ang libro kung saan nakaipit ang bookmark. Habang naghihintay ay nagbasa muna ako.
Pagkatapos lang ng ilang minuto ay kumuha ako ng tasa mula sa cupboard at nagsalin ng kape. Dinampot ko ang libro sa mesa at tumuloy sa sala habang hawak ang tasa sa isang kamay. Tinikman ko ito. Ibang ang lasa nito kumpara sa instant coffee. Ito siguro ang sinasabi nilang kapeng barako. Tama! Malamang ito nga 'yon. Para saan pa't dito sa Batangas nanggagaling ang ganoong klase ng kape. Tinikman ko ulit ito. Tunay nga na matapang ang lasa nito ngunit masasabi talagang masarap. Inilapag ko ito sa mesa. Pagkatapos ay umupo sa sofa at ipinagpatuloy ang pagbabasa ng libro.
BINABASA MO ANG
Rescuing His Rebound (Hidden Desire)
RomanceHe doesn't have any idea why his girlfriend left him. They've been a couple for six years already. But when he finally decided to propose to her on his birthday he found out that she's gone. He kept looking for her, but she was nowhere to be found...