"A beauty to die for."
Stunning, smart, soft-hearted. Having all these qualities, Carrie even gets called an angel who descended from heaven.
Everyone loves her. Everyone adores her.
Little does Carrie know, someone has taken a different level of d...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
[Warning: This chapter contains blood and graphic depiction of violence. Please read with caution, thank you.]
•••
Umalingawngaw sa tahimik na eskinita ang pagtaktak ng lata ng softdrink na ihinagis sa metal na basurahang pangkolekta ng lata. Pinagpagan ni Ethan ang mga kamay at kinuha ang isang asul na panyo sa bulsa at ipinunas sa bibig na may kaunting bahid pa ng kinaing hotdog sandwich.
Bumuntonghininga siya at sa pang-ilang pagkakataon ay inilibot ang paningin sa kinalalagyan. Ang magkabilang gilid niya ay kinatitirikan ng dalawang matatayog na pader na likurang parte ng Junior at Senior High School buildings ng unibersidad, na sa tingin niya'y halos apat na metro lang ang pagitan. Sa likod niya ay nakatambak ang hindi mabilang na garbage bags at malaking kulay berdeng garbage bin. Nagkalat din ang pira-piraso ng iba't ibang uri ng basura sa sahig galing sa mga nabutas na basurahan at sa mga taong walang disiplina sa sarili.
"Bakit ba ang tagal niya?" bulong ng binata sa sarili habang gusot ang mukha at kumakamot sa kaliwang siko. Bahagya na siyang nangangati dahil sa mga lamok at iba pang insektong umaaligid at kumakagat, bukod pa sa init ng panahon at taglay na sangsang ng nakapalibot na basura sa kaniya.
Naiirita, kinuha niya mula sa sukbit na sling bag ang sariling cellphone at binuksan. Muli niyang binasa ang mensaheng dahilan kung bakit siya nasa lugar na iyon.
+63921*******
Hello, Ethan. May gusto sana akong sabihin tungkol kay Carrie. Magkita tayo sa may dumpster sa pagitan ng JHS at SHS building, 5 PM. Don't bring others.
Received 8:48 AM
"Magpapapunta siya ng five, tapos 5:20 na wala pa rin. Ayos." Napailing na lang ang binata sabay bulsa ng cellphone. Napaisip tuloy siyang muli kung sino talaga itong nagpapunta sa kaniya. Hindi naman ito nagpakilala at hindi niya rin alam kung paano nito nakuha ang numero niya, ngunit nagpunta pa rin siya dahil lang sa sinabi nitong tungkol kay Carrie ang pag-uusapan. Tingin niya nga ay malaki ang tsansa na isa sa mga kaibigan ng dalaga ang kikitain niya ngayon.
Tumingin siya sa relong nasa kanang pulsuhan. Anim na minuto na lang bago mag alas singko y media. Nagdesisyon siyang umalis na lang kapag lumipas ang anim na minutong iyon at wala pa rin ang kausap.
Namayani ang katahimikan sa makitid na espasyong kinatatayuan ni Ethan. Pabalik-balik na siyang naglalakad sa pagkainip. Bahagyang maririnig sa malayo ang sigawan ng mga estudyante, dahil finals na ng basketball league ng unibersidad.
Lumipas ang oras at akmang paalis na si Ethan nang makarinig siya ng mga hakbang papalapit. Hindi nagtagal, nasa harapan na niya ang isang taong humihingal.
"Ikaw..." anas ni Ethan.
Hindi nagsalita ang bagong dating. Dahan-dahan itong naglakad palapit kay Ethan na napaatras naman.
"Ano'ng meron kay Carrie?" tanong ng binata. Nagpahupa naman muna ng hingal ang kausap at bumuntonghininga bago tumitig kay Ethan nang mata sa mata.
"She was sexually assaulted."
"Alam ko 'yon. Ano talagang dahilan kung bakit pinapunta mo ako rito? May ipinapasabi ba siya?"
"Layuan mo na si Carrie."
Nangunot ang noo ni Ethan sa narinig.
"Ha? Bakit?"
Bumuntonghininga muli ang kausap at lumunok ng laway bago sumagot.
"Hindi pa siya maayos. Mas makakabuti kung lalayuan mo muna siya."
"Teka nga, teka..." Humakbang palapit si Ethan habang nakaharap ang kaliwang palad sa kausap. "Bakit... Bakit ako ang kailangang lumayo? Wala naman akong ginagawang masama, ah? Ni hindi pa nga ako nire-reply-an ni Carrie hanggang ngayon. Hindi ko gets ang point mo—"
"Carrie doesn't need you. So, stop trying to get into her life." Pirmi ang pananalita ng nakatayong pigura sa harap ni Ethan. Nagpanting naman ang tainga ng binata sa narinig.
"Ano ba talagang problema mo, ha? Wala kang karapatang diktahan ako kung anong mangyayari sa amin ni Carrie!" Napakuyom ng kamao si Ethan at inilapit lalo ang sarili sa kausap. Samantala, nakatiim-bagang lang naman ito at matalim na nakikipagtitigan sa kaniya.
Nagsusukatan sila ng tingin nang biglang umalingawngaw ang tunog ng natumbang lata mula sa entrada ng eskinita. Inboluntaryong napunta roon ang atensyon ng dalawa, at tumambad sa kanila ang kulay kahel na pusang gumagala sa may basurahan.
Matapos ang distraksyong iyon ay bumalik ang titig ng dalawa sa isa't isa. Magkasalubong ang kilay ni Ethan at maririnig na ng kaharap niya ang malakas na paghingang senyales ng kinukubli niyang kagustuhang saktan na ito.
Dahan-dahang umismid ang mukhang katapat ni Ethan.
"I know about your deeds, Ethan. Kung hindi ka lalayo, si Carrie na ang lalayo sa 'yo." Pagkatapos noon ay itinulak ng taong iyon si Ethan at napaupo ito, habang tumalikod na siya at mabilis na naglakad palayo.
Napangiti na lang si Ethan sa magkahalong gulat at inis.
"Gagawin ko ang gusto ko, at hindi mo ako mapipigilan dahil gagawin ko ang lahat para mapalapit kay Carrie. Tandaan mo 'yan!" nanunukso niyang sigaw na alam niyang narinig ng kausap bago ito lumiko at mawala sa paningin niya.
Agad siyang tumayo habang humihingal, kahit pa wala namang nangyaring nakakapagod sa pagitan nila. Malakas ang kabog ng dibdib ni Ethan at sa isip ay nagtataka sa huling sinabi ng taong tumulak sa kaniya.
"Ano ba'ng alam niya? Nababaliw na yata." Humarap siya sa may basurahan at kinuha ang panyo mula sa bulsa. Pinapagpagan niya ang likuran nang makarinig ng mga yabag mula sa likod.
"Bumalik ka pa, ha," bulong niya at umikot paharap. Ngunit, hindi pa siya tuluyang nakakaharap ay nakaramdam na siya ng isang matigas na bagay sa kaniyang ulo.
Lumagutok ang metal na tubo sa puno ng puwersang paghampas nito kay Ethan. Napaigik ang binata at dagling nanlabo ang paningin, at kasabay ng matinding pagkirot ng kaniyang ulo ang pag-agos ng mapulang dugo mula sa kaniyang noo.
Tuluyang napapikit si Ethan na ni hindi na nasilayan ang taong humampas sa kaniya at humandusay ang katawan sa maruming konkreto.
Matamang tinitigan ng pigurang may hawak na tubo ang walang malay na lalaki sa harapan. Hinigpitan nito ang hawak sa tubo at walang habas na ipinukpok ito sa binata.
Ang pangalawang hampas ay diretso sa noo ni Ethan, at sa sobrang lakas ay bahagyang bumaon ang dulo ng bakal sa bungo nito.
Paulit-ulit pang lumapat ang malamig na metal sa walang kalaban-labang si Ethan.
Walang mintis. Lahat ay dumiretso sa ulo ng binata.
Dugo.
Balot na ng dugo ang mukha ng lalaki nang mapagpasyahang tumigil ng salarin. Humihingal nitong pinagmasdan ang kaawa-awang imahe ng lalaking kanina lang ay naririnig niyang ipinagyayabang na walang makapipigil sa kaniya.
Napadako ang tingin ng salarin sa bulsa ni Ethan. Nakasilip roon ang cellphone nito at napatitig siya sa camerang kumislap pa sa tumatamang sinag ng papalubog na araw. Gumuhit ang isang nakapanlolokong ngiti sa kaniyang labi.
Binitawan niya ang tubo, nagpunas ng kamay na may bahid ng dugo sa suot na damit, at kinuha ang cellphone.
Itinutok niya ang camera sa karima-rimarim na mukha ni Ethan na halos hindi na makilala dahil sa natamong mga sugat at bugbog. Ipinirmi niya ang paghawak upang maging malinaw ang kuha, at...