Third Person
"Ang tanga-tanga mo... Tanga!"
Napasabunot sa sariling buhok si Gideon habang nakahiga sa sahig ng pagmamay-aring condo unit. Sapo-sapo ang ulong kumikirot, pinilit niyang tumayo at ibinagsak ang sarili sa pinakamalapit na sofa.
"Putang inang buhay 'to..."
Walang kaalam-alam ang binata kung paano siya nakarating sa sariling silid. Tandang-tanda niya pa ang mga huling sandali kagabi—ang pambabastos niya kay Carrie at ang pakikipambuno niya sa galit na galit na si Kold.
Dinama niya ang mukha at napangiwi nang kumirot ang kaniyang pisngi, ilong, at gilid ng labi. Paniguradong puno siya ng galos at pasa dahil sa mga suntok na natanggap niya kagabi. Tila nararamdaman niya pa nga ang mahigpit na pagsakal ni Kold sa lalamunan niyang isa rin sa dahilan kung bakit hindi siya nakalaban. Hindi niya inaasahan na ganoon pala kalakas ang lalaki.
Gulong-gulo ngayon ang isip niya kung paano haharapin ang ginawang eskandalo. Tiyak siyang maraming nakakita sa ginawa niya at malaki ang tsansang makarating ito sa mga magulang niyang mga respetadong personalidad sa larangan ng real estate.
Habang patuloy na nag-iisip ng gagawin ay biglang tumunog ang kaniyang cellphone na hindi niya napansing nasa bulsa pa pala. Napailing na lang siya nang makitang may basag na ang salamin nito.
May mensahe siyang natanggap, at agad niya iyong binuksan.
Napalunok na lamang si Gideon sa nabasa.
•••
Dala-dala ng ihip ng hangin ang matinis na siyap ng mga ibon sa paligid at kaluskos ng hinahanging dahon ng mga puno. Bukod roon ay mahihinang hikbi na lamang ng isang dalaga ang maririnig.
Napaliligiran ng malawak na damuhan sina Carrie at Jasper, at nakalinya sa lupa ang mga marmol na tablang inukitan ng pangalan. Tahimik at payapa sa lugar na ito, saktong-sakto sa mga gustong magpahinga—ito rin kasi ang nagsisilbing permanenteng himlayan ng mga indibidwal na sa isang punto ay masayang namuhay kasama ng mga mahal nila.
"I know you'll be disappointed kung makikita n'yo lang ang mga nangyayari sa akin ngayon..."
Humugot ng hininga si Jasper na kanina pa hinahaplos at tinatapik ang likod ng lumuluhang kaibigan. Pareho silang nakaupo sa damuhan, katapat ang lapida ng isang nagngangalang Miguel Franco Alonzo. Sa ibabaw nito ay may nakasinding kandila at isang basket ng puti at lilang rosas.
"Uminom ka muna ng tubig, Carrie," anas niya at binuksan ang isa sa mga bote ng tubig na dala rin nila. Inilapit niya ito kay Carrie na basang-basa na ang mga pisngi at braso, magulo na rin ang buhok.
"T-Thank you." Nanginginig pa ang kamay nito nang kunin ang tubig. Sinundan naman agad iyon ni Jasper ng panyo. Inilihis niya ang tingin at tumanaw sa asul at maaliwalas na kalangitan, na bagamat may nakatirik na araw ay hindi masakit sa balat ang init dahil alas-otso pa lamang ng umaga.
BINABASA MO ANG
To All The Boys I've Killed Before
Mystery / Thriller"A beauty to die for." Stunning, smart, soft-hearted. Having all these qualities, Carrie even gets called an angel who descended from heaven. Everyone loves her. Everyone adores her. Little does Carrie know, someone has taken a different level of d...