"A beauty to die for."
Stunning, smart, soft-hearted. Having all these qualities, Carrie even gets called an angel who descended from heaven.
Everyone loves her. Everyone adores her.
Little does Carrie know, someone has taken a different level of d...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Third Person
Isang maaliwalas at asul na kalangitan ang nakapaskil sa itaas habang isang espesyal na pagdiriwang ang nagaganap ngayon sa unibersidad ng Yelton. Nagkalat ang mga makukulay na banderitas sa mga gusali, may mga speaker na nakapuwesto sa bawat sulok na iba't iba ang pinapatugtog, at ang talagang nagbibigay ng masiglang atmospera ay ang mga pagala-galang estudyante sa buong campus.
Martes na, at pangalawang araw ng ikadalawampu't anim na founding anniversary ng naturang institusyon. Taon-taon nila itong ipinagdiriwang sa pamamagitan ng isang linggong pagpapaliban ng klase at pagdaraos ng mga paligsahan, palaro, nakaaaliw na programa, iba't ibang uri ng booth mula sa mga school clubs, at ang bagay na pinakagusto ng mga mag-aaral- kalayaan sa kung ano mang gusto nilang gawin, basta ito'y hindi lumalabag sa mga patakaran.
Katulad ng nakasanayan, sabay na pumasok sina Carrie at Chantal sa unibersidad. Isang simpleng puting jersey ang suot ni Carrie na pinarisan ng skinny jeans, at ganoon din si Chantal. Parehas din silang may sukbit na sling bag at ang mapapansin lamang na pagkakaiba ay ang kulay ng mga bag at ang asul na sumbrero sa ulo ni Carrie.
Kumaliwa sila sa isang pathway kung saan nakapila ang sari-saring mga food booth.
"Chan, kahapon ko pa gusto ng takoyaki. Order ako ng isa, hati tayo?" saad ni Carrie na sinusuri ng tingin ang mga nadaraanang tindahan. Tinanguan lang siya ng kasama na mahinang bumubulong at tila may kinakabisa.
Tumigil sila sa tapat ng takoyaki booth kung saan may lalaking nagluluto at dalawang babaeng estudyante ng nakapila. Saglit na tumitig si Carrie sa menu na nasa isang gilid bago magsalita.
"Kuya, one order nga po ng cheese overload takoyaki."
Napatingin sa kaniya ang lalaking nakaitim na apron at sumignal ng 'OK' gamit ang kaniyang kaliwang kamay.
"Carrie, should we go to the quarters first? Baka kasi hinahanap na ako ni Miss Flores para sa spelling bee ko mamaya," bigkas ni Chantal.
"Oh, ngayon nga pala 'yon." Napatango si Carrie. "But can we wait for just a few minutes? Gutom na kasi ako, ayaw ko namang umuna ka kasi for sure mauubusan kita ng tako," dagdag niya at napakagat pa ng labi bago humagikhik.
Napanguso naman nang bahagya si Chantal sa kaniya at sumulyap sa relo sa pulsuhan bago magsalita.
"Okay, okay. Bilisan natin."
Hindi nagtagal ay naluto na nga ang pagkain ng magkaibigan. Iniabot ni Carrie ang isang kulay lilang papel sa binatang naka-apron kapalit ng isang paper plate na may walong pirasong takoyaki. Nagpasalamat ang dalawa at lumakad na.
Tinitigan munang mabuti ni Carrie ang hawak na pagkain habang naglalakad. Bilog na bilog ang hugis ng mga ito na animo'y gintong bola na may makapal at tunaw na keso sa ibabaw. Inabot niya ang cellphone mula sa bulsa at nilitratuhan ito.
Naputol ang pagpapakabusog ng mga mata niya nang tumusok ng isang piraso si Chantal at diretsahang isinubo sa bibig nito.