XIX.I - Evasion

44 3 30
                                        

Third Person

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Third Person

Maririnig pa rin ang pagbuhos ng ulan sa labas at bagama't hindi na malakas ang paghangin ay nagdudulot pa rin ng lamig sa bawat isang nasa loob ng mansion.

May nanginginig sa lamig. May nanginginig sa takot. May nanginginig sa galit.

Sa silid kung saan natulog ang apat na magkakaibigan, nakatalukbong ng kumot sina Carrie at Chantal na magkayakap sa kama. Yakap naman ni Jasper ang isang unan at bahagyang humihilik habang nakahiga sa kutson na inilatag sa sahig, at katabi niya si Kold na nakapikit ngunit nakakunot ang noo at pabaling-baling sa magkabilang direksyon ang ulo. Sa kabila ng mababang temperatura, nagbubutil ang pawis sa noo nito dahil sa bangungot na dinaranas.

"Kuya! Let's play! Ice, ice, water!"

Bumalik na naman siya sa araw na iyon. Tila isa siyang hindi nakikitang bisita na nakatayo sa gilid habang pinapanood ang batang Kold na nakikipaghabulan sa isang batang babae at batang lalaki.

"Karrina! Si Kuya Kold na ang taya, run away!"

Naninikip ang dibdib niya sa nakikita. Bakit ba nandito na naman siya? Bakit lagi siyang bumabalik sa araw na pilit niyang kinakalimutan?

Ginagawa pa lamang ang bahay nila noon. Nasa lapag at nakasandal sa pader ang malalaking salamin na ikakabit bilang mga bintana. Maalikabok ang paligid at nasa unang palapag ang mga magulang nila.

Gustuhin man niyang pumikit at mawala sa kinalalagyan ay walang magawa si Kold kundi pagmasdan kung gaano kasaya ang mga bata—kung gaano siya kasaya noon.

Masaya naman siya bago aksidenteng maitulak si Karrina papunta sa mga nakatayong salamin. Masaya pa siya bago makitang mabasag ang isang salamin na ikinatumba ng iba pa.

Masaya pa siya bago makitang duguan at puno ng matatalas na bubog ang bunsong kapatid na umiiyak sa sahig.

"Aaahhh!"

Napahawak siya sa tainga at sumigaw dahil tila naririnig niyang muli... umaalingawngaw muli sa kaniyang pandinig ang pagkabasag ng mga salamin.

Lagapak.

Lamat.

Luha.

"Koldson, anong nangyari? Anong ginawa mo sa kapatid mo?"

Tuluyang nandilim ang lahat at sa kabila ng pag-asang pagmulat niya ay maliwanag na, isa pang nakakapanikip-dibdib na eksena ang bumungad kay Kold.

Kitang-kita niyang muli ang batang siya. Naglalakad ito palapit sa kuwarto ng inang nagluluksa, bitbit sa likod ang malaking teddy bear ni Karrina na binihisan niya pa ng damit nito.

Bilang bata, ang nasa isip niya noon ay gusto niyang pasayahin ang ina dahil alam niyang nalulungkot ito sa nangyari sa kapatid. Gusto mang pigilan ni Kold and batang siya na dalhin pa ang laruan sa ina ay hindi naman siya makaalis sa puwesto.

To All The Boys I've Killed BeforeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon