1870 ( Finale )

65 5 2
                                    

"PAKAWALAN ninyo ako!" ungol ni Contessa. Nakahiga ang dalaga sa isang lumang papag. Napabalikwas siya ng bangon at pinakiramdaman ang sarili.

Takot na takot siya sa mga sandaling 'yon. Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakulong. Ang masaklap pa, wala naman siyang kasalanan. Patakbong nilapitan niya ang maliit na pinto ng selda. Lumang-luma na 'yon.

"Maawa po kayo! Palabasin n'yo ako rito!" sumamo niya. Hinanap ng mga mata niya ang tatlong lalaki. Ngunit ni anino ng mga ito'y hindi niya makita. Malakas niyang niyugyog ang selda. Napasigaw siya nang bigla itong bumukas.

Padapang sumubsob sa lupa ang dalaga. Saktong nakatayo siya nang marinig ang boses ng kaibigan niyang si Mitch.

"Si Contessa! Hayon ang kaibigan ko!" Itinuturo pa siya ni Mitch. Mahigpit siyang niyakap ng kaibigan. "God, mahigit tatlong oras ka na naming hinahanap."

"Buti naman at natagpuan n'yo ako." Umiyak siya nang umiyak sa balikat ni Mitch. Nanginginig ang buong katawan niya sa takot. "Nakulong ako, Mitch. Kinulong ako ng tatlong sundalo!"

"Nakulong? Anong pinagsasabi mo?"

Kumalas siya sa pagkakayakap sa kaibigan. Itinuro niya ang selda. "Diyan nila ako kinulong-" Hindi na niya natapos ang sasabihin sa nakita. Mga patay na punong kahoy ang nakatayo sa inaakala niyang selda. Maging ang inakala niyang tindahan ay nawawala rin doon.

"Ano ba ang nangyari sa iyo, Contessa? Kanina pa kami paikot-ikot dito sa kagubatan. Naku, buti na lang talaga nakita ka namin bago dumilim."

"Mitch, may nakita akong tindahan dito kanina at ilang kabahayan. May mga naninirahan dito. Pero ang pinagtataka ko'y wala na sa kinatatayuan nito ang tindahan at selda na pinagdalhan sa 'kin ng tatlong sundalo."

"Maaaring nagambala mo ang mga kaluluwang naninirahan sa lugar na ito." Isang malagom na boses ang narinig niya mula sa likod ni Mitch.

"Ikaw?" Napamulagat siya nang makita ang isang lalaking naka-uniporme na kulay asul. Isa itong pulis. "Ikaw ang lalaking tinatawag nilang heneral. Ikaw ang nag-utos sa dalawang sundalo na ikulong ako sa Carcel y Presidio Correccional!"

"Imposible ang sinasabi mo, Contessa," ani Mitch. "Siya si Mike, pinsan ng magiging asawa ko. Kasama namin siya sa paghahanap sa 'yo."

"Kamukhang-kamukha niya ang lalaki-oh, never mind!" Napahawak siya sa kanyang sentido nang bigla itong kumirot.

"Itong kinatatayuan natin, ay ang dating bayan ng Iraya. Maliit lang iyon kumpara sa ibang bayan, taong 1870. Ang bayan ng Iraya-tinatawag namin itong ghost town. Hindi lang ikaw ang nakarating sa lugar na ito, marami pa. Marahil ay pinaglaruan ka ng mga ligaw na kaluluwa."

"Ibig sabihin, 152 years na ang nakalipas? Pero parang katulad natin sila, buhay na buhay. Nabanggit nga sa akin ng isang lalaki ang taong 1870. Totoo ba 'yang sinasabi n'yo? Mga multo ang nakasalamuha ko kanina?"

Tumango ang pulis na pinsan ni Jorge.

Naalala ni Contessa ang kanyang cell phone. Ibig sabihin, hindi totoong binaril iyon ng lalaki. Kinapa niya ang kanyang bulsa. Ngunit nadismaya siya nang makita ang aparato. Nangingitim, tanda ng pagkasunog. May butas sa gitna. Iyon ang tama ng bala nang barilin ito ng heneral.

"Kung totoong multo ang naninirahan sa lugar na ito, bakit totoong may tama ng bala ang cell phone ko? Binaril ito kanina ng pinuno ng dalawang sundalo sa pag-aakalang isang mapanganib na sandata ang cell phone ko."

Wala siyang narinig na tugon mula sa tatlo. Umalis na sila sa lugar na iyon at palaisipan sa kanila ang nangyari sa kanyang cell phone.

Mga multo ba talaga ang mga taong nakasalamuha niya?

Ang selda kung saan siya dinala ng tatlong sundalo?

Bumalik ba talaga siya sa taong 1870, o dahil lang sa gutom at matinding uhaw?

Paano maipaliliwanag ang nangyari sa cell phone niya?









Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon