Corpse

25 1 0
                                    

PAWISAN ang buong mukha ni Rammel nang magising. Dinalaw na naman siya ng masamang panaginip. Paulit-ulit ang eksena kung saan ay ginagambala siya ng hindi matahimik na kaluluwa ng isang babae.

Bumaba siya ng kama at dali-daling kinuha ang kanyang diary. Dito niya isinulat ang kababalaghan na nakita sa isang punerarya kung saan siya nagtatrabaho bilang embalsamador.

Nanginginig pa ang kamay ni Rammel na may hawak ng ballpen. Binuklat niya ang ikalawang pahina ng kanyang diary.

Heaven Funeral Parlor –ang negosyo ni Mr. Alberto Cayabyab sa isang probinsya sa North. Biyudo na ang lalaki.

Ang malaking bahay ni Alberto ay hinati at inilaan sa negosyong funeral parlor. May sikretong pinto sa bahay nito na patungo sa embalming room, display room ng mga kabaong, chapel at pagawaan ng kabaong.

Ang kwentong multo? Pinagtatawanan lang 'yan ni Rammel. Kung totoong may multo, bakit wala siyang nakikita samantalang napapaligiran siya ng mga bangkay araw-araw?

Ngunit nagbago ang pananaw ni Rammel.

Nobyembre 1, 2016 may bagong bangkay na dinala sa punerarya. Isang magandang dalaga na nagngangalang Isabel Mahayag, edad bente at ikakasal sana sa susunod na linggo. Ngunit sa kasamaang palad ay namatay ito sa aksidente, samantalang nakaligtas naman ang nobyo nito.

Maingat na binuksan ni Rammel ang pinto ng embalming room. Nagulat siya nang makita si Sir Alberto, ang lapad ng ngiti nito habang kausap ang alkalde sa lungsod ng San Lazaro.

"Narito ang aking bayad," nakangising inabot ng alkalde ang isang bungkos ng pera kay Alberto. "Tatlong oras kong makakasama sa pribadong silid ang magandang dilag. Magaling ka talagang pumili ng babae."

"Suwerte ka sa isang ito," tukoy ni Alberto sa bangkay ng dalagang nakahiga sa embalming table. "Malinis at wala pang karanasan sa tawag ng laman."

"At dahil diyan... may karagdagang pera kang matatanggap." Muling inabutan ng pera ng alkalde ang lalaki na walang masabi kundi ang panlakihan ng mga mata.

Patuloy sa pag-uusap ang dalawang lalaki habang inililipat sa body bag ang bangkay.

Napalunok ang binata habang lihim na nakikinig sa pag-uusap ng dalawang lalaki. Nang makitang palabas ng embalming room ang mga ito'y dali-daling nagtago siya sa display room ng mga kabaong.

Kinilabutan siya nang makita ang itim na body bag na nakasampay sa balikat ni Sir Alberto. Nakasunod naman sa likuran nito ang alkalde.

Maaga ng dalawang oras si Rammel dahil hindi makakapasok ang kasamahan na isa ring embalsamador. Hindi alam ng may-ari ng punerarya na kanina pa naroon ang binata.

Isang maliit na card ang nakita ng binata sa sahig, dali-daling kinuha niya iyon at binasa.

Isabel Mahayag ang pangalan ng bangkay. Itinago niya ito sa bulsa ng pantalon at palihim na sinundan ang dalawang lalaki.

Ang bahay ni Alberto ay may isang pribadong silid na tanging ang alkalde lamang ang gumagamit. Dito isinasakatuparan ng matandang lalaki ang pakikipagtalik sa mga babaeng bangkay na matipuhan.

Pasipol-sipol pa si Alberto nang lumabas sa pribadong silid. Hindi nito napansin ang tauhan ng punerarya na kanina pa nagmamatyag. Isinabit nito ang susi sa pako na nasa gilid ng pintuan at nagtungo naman sa sariling silid para bilangin ang perang natanggap mula sa alkalde.

Anong gagawin ng alkalde sa bangkay? nagulumihanang tanong sa sarili ni Rammel. Hinintay niyang makalayo ang amo bago lumabas sa pinagtataguan.

Hindi siya mapakali dahil sa labis na kuryusidad. Inilapit niya ang tenga sa nakapinid na pinto. Nakarinig siya ng mga ungol na nagmumula sa loob ng silid. Kinuha niya ang susi, maingat na binuksan ang pinto at sumilip. Muntik siyang mapasigaw sa nakita.

Ang alkalde na iginagalang at tinitingala ng mga tao ay nakikipagtalik sa isang malamig na bangkay! Tila isa itong baliw na hayok sa tawag ng laman. Sapo ang sariling bibig ay umalis ang binata.

NATAGPUAN ni Rammel ang sarili sa banyo na nasa loob ng embalming room. Halos yakapin ang inidoro habang sumusuka. Pinagpapawisan siya ng malapot at halos hindi makahinga sa sobrang bilis na pintig ng kanyang puso.

Isang buwan pa lang siya sa punerarya. Kaya pala nawawala ng ilang oras sa embalming room ang mga babaeng bangkay dahil may ginagawang kahayupan ang amo niyang si Alberto at ang demonyong alkalde.

Baliw siya! tukoy ng binata sa alkalde. Walang matinong lalaki ang magagawang makipagtalik sa isang bangkay!

Napasigaw siya sa gulat nang biglang bumukas ang pinto ng banyo. "S-sir?"

"Rammel?" Halatang kinakabahan ang anyo ni Alberto. "K-kanina ka pa ba nandito?"

"K-kararating ko lang po." Tumayo ang binata mula sa pagkakasalampak sa sahig ng banyo. "Um-attend po kasi ako sa binyag at medyo nakainom kaya dumiretso na ako rito. Isang oras na lang po at magsisimula na ako sa trabaho."

Kung may totoo man sa sinabi niya, 'yon ang nakainom siya ng alak. Nakasanayan na kasi niyang uminom bago magsimulang magtrabaho.

Pumasok sa banyo si Alberto. Sinilip nito ang inodoro at inamoy pa ang binata. Kabado naman si Rammel habang nasa tabi niya ang amo.

"Bakit ho, sir?" patay-malisya na tanong pa niya. Takot siyang ipahalatang nabisto niya ang pagiging ganid at kabaliwan nito. Mukhang pera!

"Wala," tugon nito at sinuyod siya ng tingin. Mayamaya'y lumabas ito ng banyo. "Rammel, tulungan mo muna si Clarisse sa paglalagay ng makeup sa dalawang bangkay. Mamayang alas siyete ng gabi ay ihahatid na sa kani-kanilang pamilya ang mga ito."

Hindi siya sumagot pero tumango naman bilang tugon. Dali-daling nilinis niya ang banyo at lumabas na rin ng embalming room.

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon