Trahe De Boda ( Finale )

23 3 0
                                    

LINGID sa kaalaman ni Arnold, unti-unting nilalason ni Susan si Carmen. Ibang gamot din ang pinapainom nito sa kapatid.

Kapag umuwi ng bahay si Arnold mula sa trabaho ay tulog na ang asawa. Pero hindi nakakalimot ang lalaki na pasalamatan ang kapatid ni Carmen dahil sa pag-aalaga nito sa asawa't mga anak.

Gusto pang mabuhay ni Carmen, ngunit lalo lamang siyang nanghihina araw-araw. Hanggang sa sumuko na ang katawan niya. At makalipas ang isang buwan, binawian siya ng buhay.

Labis na nasaktan si Arnold sa pagkawala ng minamahal na asawa. Halos ayaw nitong lumayo sa kabaong ni Carmen habang karga ang kambal na anak.

Naging abala naman si Susan sa pag-estima sa mga nakiramay. Nang marinig nito ang iyak ng isa sa kambal ay agad na lumapit kay Arnold. Kinuha ng babae ang mga bata at hinimas sa likod ang humahagulgol na lalaki.

"Tama na, Arnold. Kahit tumangis ka ng dugo, hindi na maibabalik ang buhay ng aking kapatid. Tanggapin na lang natin ang kanyang kamatayan nang sa gayon ay makatawid agad siya sa kanyang paroroonan."

"Mahal na mahal ko si Carmen. Hindi madali para sa 'kin basta na lang tanggapin ang pagkawala niya."

Sandaling natahimik si Susan. “Masakit din sa akin ang pagkawala ni Carmen, dahil kapatid ko siya. Siya na lang ang matatawag kong pamilya." Kunwa'y umiyak ang babae. Niyakap nito ang mga pamangkin.

Si Susan naman ang dinamayan ni Arnold. Hinaplos nito ang likod ng babae. Sabay na lumuha habang pinagmamasdan ang payapang mukha ni Carmen.

At sa araw ng libing ni Carmen, kinausap ni Susan ang dalawang tauhan ng Soul Funeral Homes.

"Ito ang paboritong bestida ng aking kapatid. Gusto kong palitan ninyo ang kanyang kasuotan bago siya ilibing."

Pumayag naman ang dalawang lalaki. “Sige ho, ma’am."

"Sandali lang!" pigil ni Susan sa dalawang lalaki. Sinenyasan nito ang dalawa na lumayo sa kabaong ng kapatid. "Paano ba ‘yan, Carmen, ito na ang huling araw mo sa mundo. Magiging akin na ang iyong asawa mo't mga anak. Maging ang wedding gown na suot mo, ang lahat ng sa 'yo. Dahil balang araw… ako naman ang magsusuot ng trahe de boda mo!"

Hindi umalis sa poder ni Arnold si Susan. Ginampanan ng babae ang naiwang tungkulin ni Carmen. Mula sa pag-aalaga ng mga bata at pagluluto. Hindi naman ito nahirapan dahil kumuha ng kasambahay ang lalaki.

Abala si Susan sa kusina nang makita ito ni Arnold.

"Hi!" masiglang bati ni Susan sa lalaki. “Ang aga mo yatang umuwi?"

Ngumiti si Arnold. "Hindi ako nag-overtime. Saka, gusto kong makasama ang mga bata. Ilang buwan din na ginugol ko ang oras sa opisina para lang makalimutan ang pagkawala ng aking asawa. Maraming salamat nga pala Susan, hindi mo pinabayaan ang mga anak ko. Nariyan ka para asikasuhin kaming mag-aama."

"Naku, wala ‘yon. Mahal ko ang mga bata. Parang kailan nga lang ‘no? Isang taon nang hindi natin nakakasama si Carmen."

"Oo nga, e." Ngumiti ang lalaki. "Kahit paano'y unti-unti ko nang natatanggap ang pagkawala ng aking asawa."

"Nagluto pala ako ng spaghetti. Paborito ng mga bata.” Pag-iiba ni Susan sa usapan.

Nagkatitigan sina Susan at Arnold nang marinig ang iyak ng isa sa kambal.

"I think, kailangan ko nang kumuha ng bagong yaya ng mga bata," wika ni Arnold.

"Tingin ko, hindi yaya ang kailangan mo, Arnold.” Ibinababa ng babae ang hawak na sandok. Namumungay ang mga mata na tinitigan nito ang lalaki. Mapang-akit ang mga labi nitong binasa pa ng laway at siniil ng halik si Arnold na bahagyang nagulat. "Ang kailangan mo'y isang babae na makakasama sa buhay… bagong asawa, Arnold. At ako ang babaeng ‘yon."

"Marahil ay tama ka… kailangan ko nga ng isang babaeng makakasama sa buhay. At ikaw iyon, Susan." Lalaki si Arnold, may pisikal na pangangailan.

Dinala ni Arnold sa kwarto nilang mag-asawa ang babae. At doon ay paulit-ulit na inangkin ito.

NAGING magkasintahan sina Arnold at Susan. Pagkalipas ng ilang buwan ay nagpasyang magpakasal ang dalawa.

Kay ganda ni Susan sa suot nitong trahe de boda. Iyon ang trahe de boda na sinuot ni Carmen sa araw ng kasal nilang mag-asawa, iyon din ang trahe de boda na suot ni Carmen habang nasa kabaong ito.

Dahil nais ni Susan makuha ang lahat nang pag-aari ng kapatid. Kaya kahit ang trahe de boda ng kapatid na suot sana sa araw ng libing ay nagawa nitong nakawin.

Habang naglalakad palapit sa altar, biglang nahirapan sa paghinga si Susan. Para bang pinipiga ang katawan nito. Pawisan ang noo at namumula ang mukha at leeg.

Pinilit ngumiti ni Susan kay Arnold kahit nahihirapan huminga. Mainit. Napakainit. Iyon ang nararamdaman nito sa mga sandaling iyon.

"Napakaganda mo," masuyong bulong ni Arnold sa nobya. “Bagay sa ‘yo ang trahe de boda na suot mo."

Ngumiti lang si Susan. Hindi alam ni Arnold ang tungkol sa trahe de boda. Hindi ito nakilala ng lalaki dahil dinagdagan ng disenyo ni Susan.

"Ang baho!" Nagtakip ng ilong ang mga dumalo sa selebrasyon ng kasal.

"Saan nanggaling ang amoy-patay na ‘yon?"

"Amoy nabubulok na patay na hayop!"

Naging balisa si Susan. Naririnig nito ang mga hiyawan ng mga naroon sa loob ng simbahan.

"Love, may dinaramdam ka ba?” nag-aalala na tanong ni Arnold kay Susan.

"Nahihirapan akong huminga. Ang init ng pakiramdam ko. Para akong nasusunog!" Pinagpawisan ng malapot ang buong mukha ni Susan.

"Gusto mo bang itigil natin ang kasal, dadalhin kita sa ospital?”

Umiling si Susan. "Kailangan matuloy ang kasal natin."

Nag-alala si Arnold nang makita ang braso ni Susan. Maraming marka ng pula ang balat ng babae. Ngunit biglang napatakip ng ilong si Arnold. "Ang baho! Parang nabubulok na patay na hayop! Parang nanggagaling sa suot mong trahe de boda ang mabahong amoy, love.”

"W-wala akong naamoy...” Napaluha si Susan. Binalot ng kahihiyan. Umaalingasaw ang mabahong amoy sa suot na trahe de boda nito.

Nang magsalita ang pari ay sabay na napatingin sina Susan at Arnold sa altar.

"Susan, do you take this man to be your husband, to live together in (holy) matrimony, to love him, to honor him, to comfort him, and to keep him in sickness and in health, forsaking all others, for as long as you both shall live?"

"Love!" hilakbot na sigaw ni Arnold. Bigla na lang nabuwal sa kinatatayuan nito si Susan. "Tulong! Kailangan ko ng tulong!"

Sa tulong ng mga kaibigan at pamilya ni Arnold, agad dinala sa malapit na ospital si Susan.

Subalit nang araw na 'yon ay namatay si Susan. Ayon sa imbestigasyon, na ang ikinamatay nito ay severe allergic reaction–an allergy to embalming fluid na ginamit sa bangkay ni Carmen habang suot ang trahe de boda.

Ang mga kemikal nga ba ang sumakal sa buhay ni Susan, o isang kamay mula sa libingan?

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon