Talking Eva 1

55 4 0
                                    

HIWALAY na si Brenda sa unang asawa na ama naman ng nag-iisa niyang anak na si Bella. Nagtatrabaho siya sa Human Resource Development. Isa siyang call center agent.

   Linggo. Ikalimang kaarawan ng anak niyang si Bella. Dapat ay tatlo silang aalis para kumain sa labas. Pero ayon sa bagong kinakasama ni Brenda ay may tatapusin pa itong report na iniuwi nito sa bahay kagabi.

   "Ramon, aalis na kami," paalam ni Brenda sa asawa.

   "Sige," tipid na sagot ng lalaki. Nakatutok ang mga mata nito sa monitor ng computer.

   Manager sa isang electronics company si Ramon. Nakilala ito ni Brenda nang minsan ay sumama siya sa isang kaibigan na um-attend ng binyag. Anim na buwan ang naging relasyon nila bilang magkasintahan bago nagpasyang mag-live in.

   Mabait naman si Ramon, tanggap nito ang naging nakaraan ni Brenda. Ngunit napapansin niyang tila malayo ang loob nito sa anak niya. Para bang ayaw nitong bigyan pagkakataon ang bata na mapalapit ang loob dito. Kahit ganoon ang lalaki, hindi naman nito sinasaktan ang bata.

   Huminga nang malalim si Brenda bago isara ang silid nilang mag-asawa. Nginitian niya ang anak na nakatayo sa tabi niya.

   "Anak, busy si Papa. Tayong dalawa lang ang aalis."

   Tumango ang bata. "Mama, bili mo po ako ng doll, ha? Birthday ko naman po ngayon 'di ba?"

   Hinaplos ni Brenda ang mukha ng anak. "Oo naman, anak. Pupunta tayo sa Mall, mamasyal, kakain, maglalaro at tapos bibilhin natin ang doll na gusto mo."

   "Promise, Mama?" Nangingislap sa tuwa ang mga mata ni Bella. Yumakap ito sa binti ni Brenda. "Mama, 'yong gusto kong doll 'yong may kulay red na ribbon sa buhok. Iyong gumagalaw ang mga mata."

   Nginitian ni Brenda ang anak. Ang tinutukoy nitong manika ay iyong nasa isang antique shop na nasa kabilang kanto lang. Isinama niya kasi isang beses ang anak sa antique shop ni Mang Isko nang bumili siya ng antigong salamin, regalo niya sa isang kaibigan nang birthday nito.

   "Sige, bibilhin natin ang doll na gusto mo. Pero mamaya na kapag pauwi na tayo, okay?"

   "Okay po. Mama!" tumatango na sagot nito.

   Hinawakan ni Brenda ang maliit na kamay ng anak. At lumabas na ng bahay. Agad naman siyang may nakitang tricycle kaya nagpahatid sila sa terminal ng mga jeep.

TUWANG-TUWA ang anak ni Brenda nang naroon na silang mag-ina sa bakuran ng bahay nila. Mahigpit nitong yakap ang kahon na pinaglagyan ng manika.

   "Anak, pagpasok natin sa bahay, umakyat ka agad sa kwarto mo, ha?"

   "Bakit po, Mama?"

   Hinaplos ni Brenda ang mukha ng anak. "Huwag mong ipakita ang bagong doll mo kay Papa, Ramon."

   Tumango naman ang anak.

   Nabigla pa si Brenda nang pagpasok ng bahay ay naroon sa sala ang asawa, nanonood ito ng balita sa telebisyon.

   "Bella, ano 'yang dala mo?" agad na tanong ni Ramon nang makita nito ang bata na paakyat ng hagdan.

   "Kaarawan niya ngayon kaya binili ko siya ng regalo." Sinenyasan ni Brenda ang anak na umakyat ng kwarto.

   "Pwede ko bang makita ang regalo mo, Bella?" Hindi siya pinansin ng asawa.

   "O-opo, Papa." Bumaba ng hagdan ang bata at lumapit sa amain. Umupo ito sa sofa at kinuha sa kahon ang manika. "It's a talking doll, Papa."

   Ako si Talking Eva at mahal na mahal kita...

   Ngumiti ang bata.

   "Doll na naman?" sambit ni Ramon, ang mga mata nito ay nakatuon kay Brenda. "Marami na siyang doll at nakatambak lang sa kwarto niya. Magkano naman ang manikang 'yan?"

   Huminga nang malalim si Brenda. "Mura lang naman ang bili ko sa manika na 'yan. Sa antique shop ni Mang Isko sa kanto."

   "Magkano nga?"

   "Huwag kang mag-alala. Ang perang pinambili ko sa manikang 'yan ay galing sa sahod ko last month," sa halip ay iyon ang sinagot niya.

   "Ang tanong ko, kung magkano?" ulit ni Ramon. Kinuha nito ang manika sa kamay ni Bella. "Tiyak akong mahal ang presyo nito."

   Ako si Talking Eva at mahal na mahal kita...

   Inihagis ni Ramon ang manika sa sahig.

   Nagtampo ang bata kaya umalis ito sa sala. Umiiyak na umakyat ito sa hagdan.

   Inis na dinampot ni Brenda ang manika. "Ramon, how could you?!"

   "Hindi mo masabi sa 'kin kung magkano ang bili mo sa manikang 'yan."

   "Bakit, kailangan pa ba 'yon, Ramon?" masama ang loob na turan niya. "Hindi mahalaga kung magkano ang presyo ng manikang ito. Ang mahalaga'y ang damdamin ng bata. Kaarawan niya ngayon at deserve niyang makatanggap ng regalo. Anak ko si Bella at mahal ko ang anak ko!"

   "Pero hindi ko siya anak!" mariing sabi ni Ramon. "Kapag nakikita ko siya, naaalala ko lang na wala akong kakayahan magkaroon ng anak."

   Sandaling natahimik si Brenda. Sa kabilang banda'y naunawaan naman niya ang damdamin ng asawa. Baog si Ramon. Mula nang araw na malaman nito ang kondisyon ay unti-unting lumayo ang loob nito sa anak niya.

   "Mahal kita, Ramon. Kami ni Bella. Pwede mo namang mahalin ang anak ko na parang isang tunay na anak."

   Si Ramon naman ang natahimik.

   "Hindi mo ba napapansin, sinisikap ng anak ko na mapalapit sa 'yo? Bakit hindi mo bigyan pagkakataon si Bella na mahalin ka bilang pangalawa niyang ama?" Masama ang loob na inilapag ni Brenda ang manika sa sofa. "Akala mo ba hindi ko napapansin ang ginagawa mong pambabalewala sa anak ko? Nananahimik lang ako. Gusto kong ikaw mismo ang makaramdam na mahal ka ng anak ko."

   Tila nakaramdam naman ng guilty si Ramon sa sinabi ni Brenda. Hindi na nito pinigilan ang babae nang tumalikod at umalis sa sala para sundan ang bata sa kwarto.

   Kinuha ni Ramon ang manika at pinihit ang bagay na nasa likod nito.

   Ako si Talking Eva at hindi kita gusto...

   Nangunot ang noo ni Ramon sa  narinig. Muli nitong pinihit ang bagay na nasa likod ng manika.

   Ako si Talking Eva at ayoko sa 'yo...

   "Ayoko rin sa manika!" sabi ni Ramon.

   Tila nang-uuyam na ngumiti si Ramon. Na-amuse ito dahil tila nakikipag-usap dito ang manika.

   "Ako si Ramon Demo Malucoh, and I will get rid of you!"

   Matinis na humagikgik ang manika. My name is Talking Eva, don't you dare...

   Natigilan si Ramon. Um-english na rin ang manika. "Isa ka lang laruan. Sisirain kita at susunugin." Tumawa pa ang lalaki.

   Ako si Talking Eva at galit ako sa 'yo. Huwag mo akong subukan, tiyak 'di mo magugustuhan ang kaya kong gawin sa 'yo... Umiling-iling ang ulo ng manika.

   Hindi maunawaan ni Ramon ang naramdaman sa mga sandaling 'yon. Bigla kasing may sumigid na takot sa dibdib nito. Galit na ibinato ng lalaki ang manika malapit sa hagdan.

   Saktong bumaba naman ng hagdan si Brenda. Nakita niya ang manika. Dinampot niya 'yon at pinukol nang masamang ang asawa. "Ano ang ibig sabihin nito, Ramon?"

   Nabahala naman si Ramon. Agad na nilapitan ang asawa. "Eh, hindi ko nagustuhan ang sinasabi ng manika. Pakinggan mo."

   Tumatahip sa galit ang dibdib ni Brenda. Pinihit nito ang bagay na nasa likod ng manika.

   Ako si Talking Eva at mahal na mahal kita...

   "P-pero hindi iyan ang sinabi ng manikang 'yan kanina."

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon