Mata ( Finale )

67 5 0
                                    

"Sino ka?" ang tanong sa 'kin ng lalaki. May hawak itong bote ng alak. Tumungga ito. Hinila nito ang isang silya at umupo sa aking harapan. "May pakiramdam akong nagkita na tayo. Ngayon, sabihin mo sa 'kin kung sino ka."

"A-ako si Meghan Echenique, nakatira sa Cavite. I-isa akong secretary sa isang kumpanya." Nagyuko ako ng ulo.

"Kung taga-Cavite ka, bakit pakiramdam ko ay matagal na kitang nakita?" Marahas nitong hinawakan ang aking baba at inangat ang aking mukha. Tinitigan niya ako sa mga mata.

"N-ngayon lang po ako nakarating dito sa Laguna. Pasensya na talaga, hindi ko sinasadyang tingnan ka kanina. Pakawalan mo ako. Wala akong kasalanan sa 'yo. Hindi kita kilala."

Ngumisi lang ito na nagbigay hilakbot sa 'kin. Tumungga ulit ito ng alak. Umupo ito sa silya. "Sinungaling ka. Alam kong kilala mo ako. Ang mga mata mo, pamilyar sa 'kin ang mga mata mo. Kahit minsan ay hindi ako nagkamali sa aking hinala."

"P-pero ngayon lang po talaga kita nakita. Pakawalan mo na ako...maawa ka po sa 'kin." Inilinga ko ang paningin. "Saan mo ako dinala?"

"Narito ka sa aking apartment," anito. Halatang tinamaan na ng espiritu ng alak. Namumungay na ang mapupulang mga mata. Ngumisi ito sa 'kin. "Mamayang madaling araw ay papatayin kita. Kaya kung ako sa 'yo, sabihin mo sa 'kin kung sino ka ba talaga at baka maawa pa ako sa 'yo!"

"Meghan ang pangalan ko at nagsasabi ako ng totoo. H-hindi kita kilala." Mabilis ang tibok ng aking puso, pakiwari ko'y nabibingi ako.

Hanggang dito na lang ba ang buhay ko?

Ma! Pa! tawag ko sa aking mga magulang sa aking isipan. Napahagulgol ako.

"Tumahimik ka!" saway sa 'kin ng lalaki. Dinuro niya pa ako. Tumayo ito at umalis sandali. Pagbalik sa kinaroroonan ko ay may dala na naman itong bote ng alak.

Pawisan ang aking noo habang nakatitig sa relong nakasabit sa dingding. Alas-dose na ng hating-gabi. Kung pwede lang sana huminto ang oras sa mga sandaling iyon. Hindi pa ako handang mamatay. Marami pa akong pangarap sa buhay na nais tuparin.

Napakimbig ako nang marinig ang ingay na likha ng nabasag na bote ng alak. Nakatulog sa silya ang lalaki. Kahit balot ng takot ang aking pagkatao, maingat akong bumaba ng kama. Laking pasasalamat ko na mga kamay ko lang ang nakagapos. Maingat ang aking bawat hakbang, kinuha ko ang aking backpack.

Patalikod akong lumakad para makita kung magigising ang lalaki. Maingat na pinihit ko ang door knob. Lumikha ng ingay ang pinto nang itulak ko ito pabukas. Hindi nagising ang lalaki. Tumakbo ako palayo sa apartment na 'yon. Nakayapak lang ako sa sementong kalsada habang sumisigaw ng saklolo.

Dis-oras na ng gabi. Kahit natatakot sa daan ay patuloy lang ako sa pagtakbo. Isang tricycle ang nakasalubong ko at may sakay na isang matandang babae.

"Maawa na po kayo, tulungan niyo po ako!" Umiiyak kong sumamo nang tumigil sa harapan ko ang tricycle.

"Diyos ko! Ano ang nangyari sa 'yo, Ineng?" ang tanong sa 'kin ng matandang babae.

"May lalaking dumukot sa 'kin at balak akong patayin. Tulungan niyo po ako, pumunta po tayo sa presinto."

Pinasakay ako ng tricycle driver. Umupo ako sa tabi ng matandang babae. Doon ako umiyak nang umiyak. Niyakap ako ng matandang babae, pakiramdam ko ay yakap ako ng aking ina.

"Hindi man nabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng aking apo, sisiguraduhin natin na mapanagot ang lalaking dumukot sa 'yo." Pang-aalo sa 'kin ng matanda.

Nanginginig pa rin ako sa takot kaya hindi na ako nagsalita. Naririnig ko ang usapan ng matanda at ng driver. Napag-alaman kong apo ng matanda ang lalaki.

Nang makarating kami sa himpilan ng pulisya ay sinabi ko sa mga pulis ang nangyari sa 'kin. Kasama ko ang matandang babae nang sumakay sa police mobile car. Sumama ako para ituro kung saan makikita ang apartment ng lalaking dumukot sa 'kin.

"Maswerte ka at nakaligtas ka sa mga kamay ng lalaking 'yon," tukoy ng pulis na kumausap sa 'kin sa suspek. Nakabalik na kami sa presinto. Natutulog pa rin ang suspek kaya agd itong nahuli ng mga pulis. "Isa siya sa most wanted sa Batangas. Ang pangalan niya ay Romeo Balut, edad 28 at residente ng Laguna."

"Most wanted?" Nahigit ko ang aking hininga. Nakakatakot pala ang lalaking dumukot sa 'kin.

"Mahigit dalawang taon na siyang pinaghahanap ng mga kapulisan sa Batangas. May kaso siyang homicide sa nasabing lugar. Pinagnakawan at pinatay niya ang isang nursing student. Ang biktima ay si Ms. Leslie Suarez at residente rin dito sa Laguna. Pinatay siya ng suspek sa Batangas nang dumalo ang biktima sa farewell party ng isang kaibigan."

"L-Leslie Suarez?"

"Yes, miss. Kilala mo ba siya?"

Umiling ako na parang natulala. "H-hindi. Pero ang pangalan ng aking cornea donor ay si Ms. Leslie Suarez."

Maari nga kayang mangyari iyon? Kaya ba pamilyar sa 'kin ang mukha ng lalaki ay dahil ito ang pumatay kay Leslie Suarez na aking cornea donor?

Sumanib kaya ang kaluluwa niya sa 'kin upang mabigyan hustisya ang kanyang pagkamatay?

Nag-aalalang napatingin ako sa matandang babae. Lumabas ito sa opisina ng pulis. Umiiyak ang matanda habang yakap-yakap ng apo nitong lalaki.

"Ano'ng nangyari kay lola?" tanong ko sa tricycle driver.

"Ang lalaking kumidnap sa 'yo ay ang lalaking pumatay sa aking nakababatang kapatid. Ngayon ay pagbabayaran niya ang ginawa niyang krimen kay Leslie! Mabubulok siya sa bilangguan!"

"A-ang tinutukoy mo bang Leslie ay Leslie Suarez?" nanginginig ang aking boses.

"Kilala mo ang aking apo?" tanong sa 'kin ng matanda. Nahabag ako nang makita ang luhaan nitong mga mata. Galit, poot at tuwa ang nababasa ko sa mga mata nito.

Umiling ako at ngumiti. Hinawakan ko ang mga kamay ng matanda at dinala sa aking mukha. Pinadama ko rito ang aking mga mata. "Hindi ko po kilala ang inyong apo, lola. Pero nasa akin po ang mga cornea ni Leslie. Ako po si Meghan Echenique, taga-Cavite. Ako po ang nakatanggap ng cornea donor ng inyong apo."

"I-ikaw?" Nakita kong nangatal ang mga labi ng matanda. Lumakas ang iyak nito habang hinahaplos ang gilid ng aking mga mata. "Ang apo ko!"

"Pumunta po ako rito sa Laguna para hanapin kayo, Lola Lagring. Gusto po ng aming pamilya na magpasalamat ng personal sa inyo at dahil ako ang iyong pinili. Hindi ko akalain na makikita kita at sa ganito pang sitwasyon." Humulagpos ang luha sa aking mga mata.

"Kay buti ng Panginoon. Marahil ay ginamit ka ng aking apo upang mahanap ang taong pumatay sa kanya." Mahigpit akong niyakap ng matanda. "Ngayon ay matatahimik na ang aking apo kung saan man siya naroon. Nabigyan na ng hustisya ang kanyang pagkamatay."

Maging ang kapatid ni Leslie ay niyakap din ako. Para kaming isang tunay na pamilya. Nag-iiyakan sa loob ng himpilan ng pulisya.






Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon