Trahe De Boda

24 3 0
                                    

"MABUHAY ang bagong kasal!" masayang sigawan sa loob at labas ng simbahan.

Nagpaalam si Carmen sa asawa nang makita si Susan. Dalawa lang silang magkapatid at ulila na sa mga magulang. Matagal na silang may hidwaan. At 'yon ay dahil lang sa inggit.

"Mabuti naman pinaunlakan mo ang aming imbitasyon sa kasal, Susan." Natuwa si Carmen nang makita ang kapatid, dalawang taon din na hindi sila nagkita.

Agad tumaas ang isang kilay ni Susan. "Hindi ako pumunta rito para saksihan ang kasal mo, Carmen. Si Arnold lang ang gusto kong makita."

"Asawa ko, Susan."

Halatang nasaktan si Susan. "Hindi ikaw ang dapat nakasuot ng damit pangkasal na 'yan. Isa kang ahas!"

Kapag may bumabati kay Carmen ay ginagantihan niya ng ngiti. Hindi niya pinahalata sa mga bisita na may hindi sila pagkakaunawaan ng kapatid.

Kababata nila ang lalaking naging asawa niya. Hindi naman niya alam na lihim palang umiibig sa lalaki ang kapatid. "Walang katotohanan ang binibintang mo sa 'kin. Nagmamahalan kami. Tanggapin mo na lang ang katotohanan na hindi ikaw ang gusto ng asawa ko."

"Inakit mo siya! Ako ang una niyang nakilala-" Hindi natapos ang sasabihin ni Susan nang makitang palapit ang lalaking pinag-uusapan.

"Hon, hinahanap ka ng ating mga bisita."

Agad na lumambitin ang mga bisig niya sa leeg ng asawa. Kinintalan niya ito ng halik sa labi.

"I love you."

"I love you, too."

"Hi, Arnold!" nakangiting bati ni Susan sa lalaki.

Nginitian naman ng lalaki si Susan bilang tugon sa bati nito. Lihim na ikinasama ng loob 'yon ng babae.

Tumingin si Carmen sa kapatid. "Susan, aasikasuhin muna namin ang ibang mga bisita. Maraming pagkain. Kumain ka na lang, ha?"

Nang nakatalikod na ang mag-asawa, inis na sinipa ni Susan ang isang silya. Nagngingitngit ang kalooban na sinundan ng tingin ang kapatid. May pagbabanta!

PAGKALIPAS ng isang taon ay biniyayaan ng kambal na anak ang mag-asawa. At upang alagaan ang mga anak, nag-resign sa trabaho si Carmen. Samantalang si Arnold ay na-promote naman sa trabaho nito bilang head manager ng isang malaking kumpanya.

Wala na siyang mahihiling pa. May asawang responsable at mga cute na anak, Wala na siyang balita kay Susan. Pagkatapos kasi ng kasal nilang mag-asawa, hindi na nagparamdam sa kanya ang kapatid.

Ngunit ang masayang pagsasama nilang mag-asawa ay sinubok…

Dinapuan ng malubhang karamdaman si Carmen. Nagkaroon siya ng impeksyon sa dugo. Inalagaan siya ng asawa. Kitang-kita niya sa mukha ni Arnold na nasasaktan ito sa nakikitang paghihirap niya.

"I love you," mahinang sambit ni Carmen.

"I love you, too." Dinala ni Arnold sa mga labi ang kamay ni Carmen at masuyong hinalikan.

"Arnold?"

Napatingin silang mag-asawa sa bumukas na pinto. Pumasok si Susan. Ikinagulat ni Carmen na makita ang kapatid sa pamamahay nila.

"Honey, tumawag pala kagabi ang kapatid mo. Nabanggit ko sa kanyang may sakit ka. Gusto niyang alagaan ka.  Saka, para may makasama ka rito sa bahay kapag nasa trabaho ako. Nagpaalam kasi sa 'kin ang yaya ng mga bata, may sakit daw ang tatay kaya pinayagan ko."

Hindi sumagot si Carmen. Alam niyang ikatutuwa ng kapatid na makita siyang nakaratay sa kama.

Yumuko si Susan at sinadyang ilapit ang bibig sa pisngi ni Arnold. "Hinahanap ka ng mga bata. Hayaan mong makapag-usap muna kami ng kapatid ko."

Tumango si Arnold, saka tumayo. Lumapit ito sa asawa at ginawaran ng halik sa noo. Nang makalabas ng silid ang asawa ay lumapit sa kanya ang kapatid.

"Kumusta ka, Carmen?"

"Ano'ng ginagawa mo rito?" sa halip 'yon ang sinabi niya.

"Kasasabi lang ni Arnold–"

"Ng asawa ko," putol niya sa sasabihin nito. "Kung si Arnold ay napaniwala mong nag-aalala ka para sa 'kin, hindi ako, Susan!"

"Ano ba'ng pinagsasabi mo?" Inis na umupo sa silya si Susan. "Mamamatay ka na nga lang masungit ka pa rin."

Tiningnan niya nang masama ang kapatid. "Alam kong may binabalak ka. Kilala kita, Susan. Walang mahalaga sa 'yo kundi sarili mo lang. Alam ko, hanggang ngayo'y umiibig ka pa rin sa asawa ko."

"Puro ka lang hinala, Carmen." Dumukwang ito sa hinihigaan niyang kama. "Narito ako para may makatulong si Arnold sa pag-aalaga sa 'yo at sa mga bata. Saka isa pa, hindi mo naman masisisi si Arnold kung sakaling tumingin man siya sa ibang babae. Mabuti nga't napagtitiisan ka pa niya. Nakakatakot ang itsura mo, nagawa ka pa rin niyang halikan."

"Dahil mahal ako ng asawa ko!"

"Oo. Pero noon 'yon… " bulong ni Susan. Hindi iyon nakaligtas sa pandinig ni Carmen.

Nanghihina man ay mabilis niyang hinawakan ang braso ng kapatid. "Hindi ka namin kailangan. Lubayan mo ang pamilya ko. Lumayas ka!"

"Bitawan mo ako!" Inis na pumiksi si Susan at tumayo. "Hindi ako aalis, narinig mo? Dahil kailangan ako ng mga anak ni Arnold. Sino mag-aalaga sa mga bata, ikaw? Ni hindi mo kayang alagaan ang sarili mo!"

Hindi nakaimik si Carmen. Malungkot na muling inilapat niya ang ulo sa unan. May katotohanan ang sinabi ng kapatid. Itinuro niya ang saradong pinto. "Gusto kong mapag-isa!"

Nang makalabas sa silid ang kapatid ay napaluha si Carmen. Hindi niya alam kung magtatagal pa ba ang buhay niya. Ayaw pa niyang iwanan ang asawa't mga anak.

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon