Pangil Sa Gabi

19 1 0
                                    

KAILANGAN mahanap ni Samantha ang kapatid niya sa ina. Mahigit sampung taon na itong nawawala simula nang dukutin ng mga kidnap for ransom. Kung hindi lang mahalaga ang iniwan na testamento ng kanyang ina, hindi niya nanaisin hanapin pa si Divina.

At dahil sa masugid na pag-iimbestiga, nalaman ni Samantha na buhay pa ang kapatid at naninirahan ito sa isang malayong probinsya.

"Amaya!" sigaw ng konduktor na nagpagising kay Samantha.

"Argh!" ungol niya. Nauntog ang noo niya sa bintana ng bus. Hindi namalayan nakatulog pala siya sa biyahe.

"Amaya!" muling sigaw ng konduktor.

"Sandali!" inis na sabi niya. Sinukbit sa balikat ang kanyang travel bag. Nagtaka pa siya nang mapansin nakatingin sa kanya ang mga pasahero. Ang iba'y nakita niyang nag-sign of the cross pa. Weird!

"Huwag ka nang tumuloy. . ." Tinig mula sa kanyang likuran. "Matagal nang nilimot ang bayan na 'yan."

Napatingin siya sa matandang babae na nakahawak pa sa strap ng bag niya.

"Manang, bitiwan mo ang bag ko."

"Huwag kang bumaba ng bus," patuloy pa nito.

Inis na hinila ni Samantha ang kanyang bag. Hindi binigyan pansin ang matanda at mabilis siyang bumaba ng bus.

Alas seis na ng hapon ayon sa suot niyang relo. Madaling araw siya umalis ng Maynila at ngayon lang siya nakarating sa probinsya ng Amaya.

Ayon sa private detective na binayaran niya, kaunti lang ang naninirahan sa probinsya ng Amaya pero mayaman ang mga naninirahan sa lugar na 'yon. Naisip nga niya, siguro mayaman na ang kanyang kapatid. Hindi na nito kakailanganin pa ang mga pamana na iniwan ng kanilang mga magulang.

Tinitigan niya ang kapirasong papel. "Amaya Uno Sitio–"

"Hindi ka tagarito?"

"Ay kabayo!" Napasapo sa sariling dibdib si Samantha. Nagulat siya nang biglang sumulpot sa gilid niya ang isang matandang lalaki. Marumi ang kasuotan at may nakasabit pang sako sa balikat nito.

"Sino ka?"

Sandaling tinitigan niya ang kaharap. "Samantha ang pangalan ko. At tama ka, hindi nga ako tagarito."

"Umalis ka na. Hindi ka sana nagpunta sa lugar na ito. Malapit nang dumilim!" Tumalikod na ito.

Ano raw?

Umiiling ang ulo na ipinagpatuloy ni Samantha ang paglalakad. Napangiwi ang bibig niya nang biglang mag-alburuto ang kanyang tiyan. Iyon ang palatandaan na gutom na siya.

Habang naglalakad ay iginagala naman ng dalaga ang paningin. Tahimik. Iyon ang unang napansin niya. Malalaki ang mga bahay, bawat gate ay may nakikita siyang modernong sasakyan. Iilan pa lang ang mga taong nakasalubong niya.

"Yes!" natutuwang sambit ng dalaga. Sa 'di kalayuan ay may natanaw siyang isang restaurant.

Wow! namamanghang sambit sa isipan ni Samantha. Maliit lang ang restaurant pero hindi papakabog sa ganda ng disenyo. Terno lahat mula sa kurtina, napkin, at tablecloth. Subalit hindi niya maiwasan magtaka kung bakit tatlo lang silang customer na naroon.

"Waiter!" tawag niya sa lalaking naka-uniform na kulay itim.

Mukhang balisa ang lalaki nang lumapit ito sa kanya. "Pasensya na ho, ma'am, sarado na kami."

"What?" Napasapo siya sa sariling noo. "Alas siete palang ng gabi magsasara na agad kayo?"

"Hanggang alas siete lang ng gabi ang restaurant na ito. Umuwi ka na sa inyo dahil mamaya lang ay narito na sila."

"Sila?" ulit niya sa sinabi nito. "Look, kung hindi na kayo makakapagluto ng pagkain para sa hapunan, bigyan n'yo na lang ako kahit maiinom man lang."

Umalis sandali ang waiter, pagbalik ay may dala itong isang baso at pitsel. Nang makainom ng tubig ay nagpupuyos sa inis ang kalooban na lumabas siya ng restaurant na 'yon.

Nawala rin naman agad ang inis na nadarama niya nang makita ang hinahanap na bahay ng kapatid. Tanaw niya iyon mula sa labas ng restaurant. Napayakap siya sa sarili nang biglang umihip ang malamig na hangin.

NAKATAYO na si Samantha sa harap ng pinto ng bahay ng kapatid. In fairness, kahit medyo may kalumaan na ang bahay hindi naman naitago ang ganda ng pagkakagawa nito.

Humugot siya ng isang malalim na hininga bago kumatok sa pinto.

"Sino 'yan?" tanong ng isang babae mula sa loob ng bahay.

"Ako ito si Samantha Robles," pakilala niya sa sarili. "Ako ang nakatatanda mong kapatid."

"Samantha?"

Nginitian niya ito nang sumilip sa pinto.

"Sandali lang…" Iginala muna nito ang mga mata sa labas bago siya pinapasok.

Hindi niya maiwasan mamangha sa ganda ng bahay ng kapatid. Agad na napansin niya ang mga antigong kagamitan, ngunit hindi pumasa sa panlasa niya ang kulay pula at itim na mga kurtina.

"Natanggap mo ba ang pinadala kong telegrama?"

"Hindi," tugon nito. Mukha itong balisa. "Anong kailangan mo sa 'kin, bakit ka naparito?"

Umupo siya sa sofa. Totoo nga sigurong hindi natanggap ng kapatid ang kanyang telegrama, hindi naman ito magtatanong kung bakit siya naroon kung alam nito ang sadya niya.

"Kapatid mo ako," nakangising sabi niya. "Masama bang dalawin kita?"

"Hindi ka na sana pumunta rito. Hindi ka ligtas sa lugar na ito."

"Bakit? Ano ba'ng meron sa lugar na ito?" Na-curious siya.

Tumingin sa kanya ang kapatid, ang mga mata nito ay may bahid ng takot.

"Labing lima na ang namamatay sa lugar na ito, at iisa lang ang paraan ng pagpatay sa mga biktima!" paglalahad ni Divina sa kanya. "Lahat ng mga biktima ay may mahiwagang marka sa kanilang mga leeg. Natuyo ang mga bangkay, ni patak ng dugo ay walang itinira ang kung sino, o anumang salarin.

Humalakhak si Samantha. Obvious na ang tinutukoy ng kapatid na salarin ay isang halimaw. "Kung bampira o aswang ang tinutukoy mo, mababasa lang sa libro ang tungkol sa kanila. Nasa modernong panahon na tayo. Hindi totoo ang tungkol sa mga Legendary Mythical Creatures."

"Hindi kita pipilitin paniwalaan ang sinasabi ko," sa mahinang boses na sabi nito. "Ano ba talaga ang sadya mo sa 'kin? Sa mahabang panahon na nawalay ako sa piling ninyo na aking pamilya, ngayon lang may naghanap sa 'kin at ikaw pa."

Hindi naman naapektuhan si Samantha kahit may bahid na hinanakit ang boses ng kapatid. Siya ang dahilan kung bakit nawala ito sa park.

"Gusto kong ipabatid sa 'yo, patay na ang mga magulang natin." Nakita niya sa mga mata ng kapatid na nabigla ito sa nalaman. Marahan siyang humakbang palapit dito. "At tulad ng inaasahan, ikaw ang kanilang tagapagmana. Well, hindi naman nakapagtataka dahil anak ka nila. Samantalang ako... anak ni mama sa ibang lalaki."

"A-ano ang b-binabalak mo?" namimilog ang mata na tanong nito sa kanya. "B-bakit may hawak kang patalim?"

Ngumisi si Samantha. "Sa iyo mapupunta ang lahat ng mga naiwan na ari-arian ng ating mga magulang kung. . . mananatili ka pang buhay!"

Hindi nagawang umiwas ni Divina nang sugurin ito ni Samantha.

"Huwag–argh!" Napasapo sa tagiliran nito si Divina.

"Mamatay ka na, Divina! Mamatay ka!" Muling inundayan niya ng saksak sa iba't ibang parte ng katawan ang kapatid.

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon