Inagaw Na Mukha

23 2 0
                                    

MATALIK na magkaibigan sina Hugo at Larry. Parehong umiibig sa dalagang si Perla na bagong salta sa kanilang probinsya.

Nag-aapoy sa galit ang mga mata ni Hugo, hindi matanggap ang naging kabiguan sa pag-ibig. Dahil ang kaibigang si Larry ang maswerteng inibig ni Perla.

Gwapo at matangkad si Larry. Idagdag pang may matikas na pangangatawan ang lalaki. Samantalang si Hugo, bukod sa payat na pangangatawan ay pinagkaitan pa ng kagwapuhan. Tadtad ng tigyawat ang mukha. At kung may hindi man tinubuan ng tigyawat ay ang mga mata lamang nito.

Tumaas-baba ang dibdib ni Hugo. Pinipigil nito ang nangangalit na emosyon habang pinagmamasdan ang magkasintahan.

Parehong tricycle driver ang hanapbuhay ng dalawang binata, ngunit hindi naging basehan iyon para kay Perla upang ibigin si Larry kahit na tumututol ang mga magulang ng dalaga sa pakikipagrelasyon nito sa binata.

“Masaya ako dahil kasama kita sa ating unang anibersaryo bilang magkasintahan.” Mahigpit na niyakap ni Larry ang nobya.

“Lahat gagawin ko makasama lang kita,” nakangiting turan naman ni Perla.

“Flowers for you.” Nahihiya pang ibigay ni Larry ang bungkos ng bulaklak sa nobya.

“Thank you!” Natutuwang inamoy ni Perla ang talulot ng red roses. Tumingkayad ito at mabining hinalikan sa labi ang nobyo. “I love you!”

“Mas mahal kita,” masuyong sabi ng binata. Isang malalim na halik sa labi ang iginawad nito kay Perla.

“Halika, kumain muna tayo. Nakapagpa-reserve na ako ng table para sa atin.” Itinuro ng binata ang isang fast food restaurant sa ‘di kalayuan.

“Sige.” Ang kotse ng dalaga ang ginamit ng dalawa sa pamamasyal. At kasalukuyang naroon sila sa paborito nilang pasyalan.

Palihim na sinundan ni Hugo ang magkasintahan.

MAGHAPONG magkasama ang magkasintahan. Nakaramdam ng pagkainip si Hugo. Ngunit pagpatak ng alas singko ng hapon ay umalis na ang sasakyan ni Perla.

Matalim ang tingin ni Hugo kay Larry. Nakita kasi nito kung gaano kasaya ang kaibigan.

“Hugo?” gulat na bulalas ni Larry nang makita ang kaibigan. “Sabi mo wala kang pasada ngayon?”

“Wala nga,” nakangiting sagot ni Hugo. “Nanghinayang kasi ako sa perang ibabayad ng 'foreigner' kaya malaki ang kinita ko ngayong araw.”

“Wow! Ang suwerte mo, pare!” Tinapik ni Larry sa balikat ang kaibigan.

“Teka, ikaw ba'y pauwi na?” tanong ni Hugo, alam ng binata na nag-celebrate ng anibersaryo sina Larry at Perla.

“Oo.”

“Sumabay ka sa ‘kin, pauwi na rin ako.”

“Salamat, pare.”

Habang daan ay panay ang kuwentuhan ng dalawang binata. Kinakain ng selos ang puso ni Hugo sa nakikitang tuwa sa mukha ni Larry.

“Pare, may binili nga pala akong alak kanina, dumaan ka muna sa aking inuupahang bahay. Samahan mo akong uminom ng alak,” paanyaya ni Hugo sa kaibigan.

“Sige ba,” pagpayag naman ni Larry.

Lihim na ngumiti si Hugo. Maisasakatuparan na nito ang matagal ng binabalak na masama sa kaibigan. Umaayon sa akin ang pagkakataon!

Bago marating ang bahay na tinutuluyan ni Hugo, bumili muna ang magkaibigan ng barbecue sa nadaanan nilang ihaw-ihaw store ni Aling Azon.

***

CHEERS!”

“Suwabe,” sambit ni Hugo nang humagod sa lalamunan ang alak. Inilapag nito sa ibabaw ng maliit na lamesa ang shot glass.

Nagpaalam si Larry na gagamit muna ng banyo.

Nang umalis sa harapan ni Hugo ang kaibigan ay mabilis na binuhos ng binata ang powder na nasa maliit na pakete. Panay ang tingin nito sa pinto ng banyo sa pangambang mahuli ng kaibigan.

“Sa akin na ba ito?” tanong ni Larry nang makaupo sa monoblock.

“Oo,” tipid na sagot ni Hugo.

“Big time ka ngayon, pare! Mamahaling alak it–” Napahawak sa kanyang sentido si Larry. Ilang sandali pa'y napayukayok sa ibabaw ng mesa ang binata.

Tumalab agad kay Larry ang pampatulog na nilagay ni Hugo sa alak.

Mabilis na kumilos si Hugo. Tinalian nito ang mga kamay at paa ni Larry. Pagkatapos ay inihiga sa ibabaw ng pahabang mesa ang walang malay na kaibigan.

May lahing itim na mangkukulam si Hugo. Hindi lang basta mangkukulam, nagtataglay ito ng itim na kapangyarihan.

Si Hugo ang huling salin-lahi na nagmana ng Librong Itim. Nang una'y tinanggihan pa ng binata ang kapalaran bilang bagong pinuno ng mga itim na mangkukulam. Subalit nang mabigo sa unang pag-ibig kay Perla, hindi na ito tumanggi.

At ngayon ay si Larry na kaibigan ang unang biktima nito.

Pinalibutan ni Hugo ng itim na kandila ang katawan ng kaibigan. Bago simulan ang orasyon ay nagdasal muna ito sa panginoon ng kadiliman.

Kahit sarado ang mga bintana at pinto ay biglang humangin nang malakas sa loob ng bahay na tinutuluyan ni Hugo. Sumayaw-sayaw ang maliit na apoy ng mga kandila.

Pagkatapos magdasal ng binata ay kinuha nito ang punyal.

Napaigik si Larry nang bumaon ang punyal sa leeg nito. Nanlaki ang mga mata nang makita ang kaibigan. Nakasuot si Hugo ng itim na kasuotan na may hood. Ang nasa isipan ni Larry sa mga oras na iyon, miyembro ng isang kulto ang kaibigan.

Nagpupumiglas si Larry pero walang nagawa. Ano ang laban ng binata? Nakagapos ang mga kamay at paa nito.

“H-Hugo, b-bakit?” tanong ni Larry sa kaibigan bago malagutan ng hininga.

Hindi nagsalita si Hugo. Mahigpit ang hawak nito sa punyal na nakatarak sa dibdib ni Larry. Mabilis na kinuha nito ang itim na baso at sinahod ang dugong umagos sa sugat ng kaibigan.

Binuklat ng binata ang itim na libro. Malakas ang boses na binasa ang nakasulat sa libro sa lenggwaheng ito lang ang nakakaunawa.

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon