Lihim Ni Tina ( Finale )

58 5 0
                                    

KINABUKASAN, alas kwatro ng hapon. Bihis na bihis sina Cain at Abel. Gustong magpa-impress sa babaeng nakilala nila kahapon. Sayang nga lang at hindi naman 'yon makikita ni Tina dahil bulag ito.

"Naks! Naka-japorms kayo, ah?" Iyon ang kanilang naririnig sa mga kapitbahay na nakasalubong nila sa daan. Ginagantihan naman nila nang matamis na ngiti.

Pasipol-sipol sila habang naglalakad. Dating gawi, dumaan sila sa pinagbabawal na teknik.

Itinapat nila ang palad sa kanilang bibig, huminga at inamoy.

"Naubos ko ang mouthwash ni Ate Bella. Gusto ko kasing amoy fresh ang hininga ko kapag kinausap si Tina."

Napatingin si Cain sa kaibigan. "Ako asin lang. Mabisang panlaban daw 'yon sa bakterya. Kung sana ay inaalagaan ko ang mga ngipin ko no'n, sana hindi ako bungal ngayon."

Natatawang tinapik siya sa balikat ni Abel. "Mabuti na lang at bulag si Tina. Sa ganda niyang 'yon, imposibleng mapansin niya tayo kung nakakakita siya."

Napatango siya. May punto naman ang kaibigan niya. Pero sa kabilang banda, nalulungkot pa rin siya para kay Tina.

Natigil sila sa pag-uusap nang matapat na sila sa isang bahay. May nakita silang isang may edad ng lalaki. Lumabas ito sa gate ng mala-palasyong bahay, ngunit lumang-luma na 'yon.

Nagkatinginan sila.

"Naliligaw ba tayo?" tanong ni Abel sa kanya.

"Hindi," tugon niya. "Nakikita mo ang punong mangga, 'yan ang palatandaan na hindi tayo naliligaw. Pero ang nakapagtataka, wala na ang bahay ng mga magulang ni Tina."

"Kaya nga tinatanong kita kung naligaw ba tayo, e. Imposible namang maging luma agad ang bahay nila, samantalang kahapon mukhang bagong gawa lamang ang bahay."

Nilapitan nila ang nakitang lalaki.

"Sir, nasaan na ang nakatayong bahay diyan?" Itinuro ni Cain ang lumang bahay. Nababalot ng mga ligaw na halaman ang pinto.

Nangunot naman ang noo ng lalaki. Palipat-lipat ang tingin nito sa kanila. "Sandali, sino ba kayo? Hindi ba ninyo alam na private property ito?"

"Alam po namin," nahihiyang pag-amin niya. "Pumunta lang po kami rito upang dalawin ang bago naming kaibigan. Tina ang pangalan niya."

"Tina?" ulit nito. Napansin niyang namutla ang mukha ng lalaki.

"Oo, Tina ang pangalan niya. Tinulungan namin siya kahapon na makapasok sa bahay nila at nawala raw niya ang susi. Ngunit ang nakapagtataka, nawawala ang bahay na pinuntahan namin kahapon."

"Marahil ay kabilang kayo sa mga napaglaruan niya," makahulugang sabi ng lalaki. Dumukot ito sa bulsa upang kunin ang susi at binuksan ang gate. "Sumama kayo sa 'kin. May ipapakita ako sa inyo."

Kahit nalilito ay sumunod sila sa lalaki. Nang buksan nito ang pinto ay tumambad sa paningin nila ang maalikabok at binabahayan na ng mga gagamba ang loob ng bahay. Tanging ang center table lang na natatakpan ng alikabok ang nag-iisang gamit ang nakita nila.

Kung pagmamasdan nang mabuti ang loob ng bahay, mukha na itong haunted house.

"Cain, hindi naman ito ang bahay na pinasok natin kahapon, ah?" bulong sa kanya ni Abel.

Tumango si Cain. May nabuo nang hinala sa kanyang isipan.

"Nabanggit ninyong nakilala niyo kahapon si Tina?"

"Opo, sir," sagot ni Abel.

"Ako pala si Roberto Aguew. Ako ang caretaker ng bahay na ito." Pakilala ng lalaki at tumingin kay Cain. "Pwede ko bang malaman kung ano ang hitsura ng babaeng nakilala ninyo kahapon?"

"Maganda, seksi at mabait. Mahaba ang kanyang tuwid na buhok. Pero may kapansanan siya–" Hindi niya natapos ang sasabihin nang mapansin ang lumang picture na nakasabit sa dingding. Itinuro niya ang picture na may mga sapot ng gagamba. "Siya! Siya si Tina!"

"Siya nga si Tina. Pero matagal na siyang patay. Dalawampung taon nang nakaraan nang mamatay ang nag-iisang anak ng mag-asawang Ebañez. Ayon sa imbestigasyon, kinitil ng dalaga ang buhay malapit sa isang dalampasigan."

"Ano?!" mulagat na reaksyon ng magkaibigan. Parehong hindi makapaniwala sa nalaman.

"P-pero kahapon nakita namin siya at nakausap. Buhay na buhay siya!" aniyang nakaramdam ng lungkot sa sinapit ni Tina.

"Iilan lamang kayo sa mga taong nakakita kay Tina Ebañez. Hanggang ngayon ay hindi pa rin matahimik ang kanyang kaluluwa. Ang totoo niyan, hindi naniniwala ang mag-asawang Ebañez na kinitil ng nag-iisang anak ang buhay nito. Naniniwala ang mag-asawa na pinatay si Tina. Kaya nagmumulto ang dalaga dahil hindi pa nakakamit ang hustisya."

Mayamaya'y biglang pumasok ang malamig na hangin mula sa labas. Bumukas ang mga sirang bintana. Napaubo sila nang malanghap ang alikabok.

"Cain!" tawag sa kanya ni Abel. Nanlalaki ang mga mata ng kaibigan.

"Bakit?" tanong niya rito. Tinakpan niya ang bibig at ilong.

"Tingnan mo!" Itinuturo nito ang center table.

Nakita nila ang bakas ng tatlong baso sa ibabaw ng center table. Bumakas iyon dahil sa makapal na alikabok.

Napalunok si Cain. Walang dudang ang bahay na pinuntahan nila kahapon at ang lumang bahay na kinaroroonan nila ngayon ay iisa. Patunay ang bakas ng tatlong baso. Inalok sila ng inumin kahapon ni Tina.

"Sir, k-kahapon ay narito kami. Inalok kami ng maiinom ni Tina. Kaya pala hindi ko naramdaman na sumasayad sa lalamunan ko ang iniinom na orange juice kahapon."

Muling umihip ang hangin. Nagtayuan ang mga balahibo ni Cain. Naramdaman niyang may malamig na hangin ang dumaan sa kanyang tabi.

Parang iisang mukhang nakatingin ang tatlong lalaki sa maalikabok na sahig. Kitang-kita ng mga ito ang bakas ng pares na sapatos. Sapatos na pambabae! Ang bakas ng sapatos ay naglalakad palabas ng bahay at muling bumalik palapit sa kinatatayuan nila.

Agad naisip ni Cain si Tina. Marahil ay naroon ngayon sa loob ng lumang bahay ang babae at nakikinig sa kanilang usapan.

"Takbo!" sigaw ni Cain. Agad siyang kumaripas nang takbo palabas ng bahay na 'yon. Nasa likuran niya sina Abel at ang caretaker ng bahay.

Sandali! Tulungan nyo akong makamit ang hustisya...pinatay ako! Pinatay ako! umiiyak na sumamo ni Tina sa tatlong lalaki. Ngunit gaya ng dati, dinala lamang ng hangin ang tinig nito.

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon