Inagaw Na Mukha ( Finale )

26 3 0
                                    

UMINIT ang pakiramdam ni Hugo matapos basahin ang isang pahina ng Librong Itim.

Hinubad ng binata ang lahat ng kasuotan. Nanginginig ang mga kamay na dinukot nito ang puso ni Larry. Itinaas nito ang kamay, taimtim na nanalangin sa sinasamba na panginoon ng kadiliman.

“Panginoon, dinggin ang aking hiling. Inaalay ko sa ‘yo ang puso ng aking kaibigan! Malaya mong madadala sa iyong nagliliyab na kaharian ang kanyang kaluluwa. Dinggin mo ang aking panalangin, tuparin ang aking hiling!”

Umihip ang malakas na hangin. Nanatiling nakapikit ang mga mata ni Hugo.

“Ang aming wangis ay iyong ipagpalit…” sa pagpapatuloy pa ng lalaki.

Unti-unting nawala ang hangin. Ngunit may nararamdaman si Hugo, kakaibang init na tila mga kamay na may matutulis na kuko ang humahaplos sa mukha nito.

“Inumin mo ang kanyang dugo…” isang nakakatakot na tinig ang bumulong sa binata.

Iminulat ni Hugo ang mga mata. Mabilis na kinuha ang itim na baso na naglalaman ng dugo ng kaibigan. Walang namutawing salita sa bibig na agad ininom ang pulang likido. Sinaid ang laman ng itim na baso.

Nilapitan ni Hugo ang bangkay ni Larry. Humalakhak ito nang makitang walang mukha ang kaibigan.

Ang mukha ni Larry ay tila binalot ng balat ng isang uri ng hayop. Walang mga mata, ilong, tenga at bibig. Hindi ito ang inaasahang makita ng binata. Buong akala nito ay magpapalit ang mukha nilang dalawa.

Halos madapa sa kanyang pagmamadali si Hugo na marating ang sariling silid. Agad na humarap sa salamin at gano'n na lang ang kasiyahang nadama nito sa nakita.

“Nasa akin na ang mukha ni Larry! Ako na ngayon si Larry!” Namimilog ang mga mata ng binata habang hinahaplos ang sariling mukha. “Sa wakas! Magiging akin na rin si Perla. Magiging akin na ang pag-ibig niya!”

Masayang lumabas sa kanyang silid si Hugo. Binalikan nito ang bangkay ni Larry. Nag-isip nang mabuti. Kailangan maitago ang bangkay upang manatiling lihim ang nagawang krimen.

Alas tres na ng madaling araw ayon sa orasan na nakasabit sa dingding. Mabilis ang naging pagkilos ni Hugo. Lumabas ng bahay ang binata na may dala-dalang shovel, tinungo ang likod-bahay. Tanging ang tanglaw ng pulang buwan ang nagbibigay liwanag sa kinaroroonan ngayon ng binata.

Humihingal na nagpahinga sandali ang binata. At nang matiyak na sapat na ang lalim ng lupang hinukay ay muli itong pumasok sa loob ng bahay.

Palinga-linga sa paligid si Hugo habang hila-hila ang bangkay ni Larry na nakabalot sa itim na tela. Nakakatakot ang alulong ng mga aso. Tila ramdam ng mga hayop na may masamang nagaganap.

“Rest in peace, Larry!” nakangising turan ni Hugo sabay pitik sa upos ng sigarilyo. “Wala na akong karibal sa pag-ibig ni Perla. Ako na ngayon ang magpaparamdam ng pagmamahal sa kanya na noon ay ikaw ang gumagawa.”

Tila walang nangyari nang gabing iyon. Dahil agad nakatulog ang binata.

***

KINABUKASAN, maagang nagising si Hugo. Kanina pa ito nakatayo sa harap ng salamin, titig na titig sa sariling repleksyon. Hindi pa rin makapaniwala na pag-aari nito ang mukha ni Larry. Ang dating pangit na mukha, ngayon ay guwapo na!

Nagulat ito nang marinig ang tunog ng cell phone na pagmamay-ari ni Larry. Si Perla ang tumatawag. Alanganing sagutin ni Hugo ang tawag ng dalaga.

“H-hello, Perla?” napalunok si Hugo, nag-aalala na baka makilala ni Perla ang boses nito.

“Love, puwede ba tayong magkita?”

“O-oo naman,” lihim na natuwa ang binata. Isipin pa lang na mayakap at mahalikan ang mapulang labi ng dalaga ay parang nakalutang sa ulap ang pakiramdam nito.

“Magkita na lang tayo sa ating tagpuan. May mahalaga akong sasabihin sa ‘yo.”

Nangunot ang noo ni Hugo. “Maaari ko bang malaman kung ano ang mahalagang sasabihin mo sa ‘kin?”

“Mamaya na lang, love.” Narinig pa ng binata ang mahinang tawa ng dalaga sa kabilang linya. “Tiyak akong matutuwa ka sa sasabihin ko sa ‘yo.”

“O sige,” kinikilig na sagot ni Hugo.

Mabilis na nagpalit ng kasuotan ang binata. Halos ipaligo nito ang ginamit na pabango.

PANAY ang sipat ni Hugo sa suot na relong pambisig. Trenta minutos na itong nakatayo sa gilid ng kalsada, nag-aabang ng bus na maghahatid sa paroroonan.

“Kapag minamalas ka nga naman!” himutok ng binata. Napamura ito nang muntik mahagip ng rumaragasang itim na sasakyan.

Huminto ang itim na sasakyan at bumaba ang dalawang lalaki na nakasuot ng itim na bonet. Tanging mga mata lamang ng mga ito ang nakikita.

“Sino kayo? Anong kasalanan ko sa inyo?” Nagpupumiglas si Hugo, inipon ang lakas para lang makawala sa mga kamay ng dalawang lalaki.

“Huwag ka nang pumalag. Sumama ka sa amin. Iisa lang naman ang iyong patutunguhan. Kamatayan!”

Kinilabutan si Hugo sa sinabing iyon ng isa sa dalawang lalaki. Pilit na isinakay ng mga ito sa sasakyan ang binata.

“Sino kayo?!” tapang-tapangan na tanong ng binata. Ngunit malakas na tawa lang ang isinagot ng mga ito.

“Hello, boss?” Nabaling ang tingin ni Hugo sa driver ng sasakyan. “Yes, boss. Katunayan ay kasama namin si Larry Makaguapo. Ang kasintahan ng inyong anak.”

Si Perla? sa isip ni Hugo. Si Perla lang ang kilala nitong nobya ni Larry.

“Sige, dispatsyahin n’yo na ang lalaking ‘yan!” utos ng kausap ng lalaki sa kabilang linya. “Siguraduhin ninyong hindi na mabubuhay ang lalaking ‘yan. Malaki ang kasalanan ng ulopong ‘yan sa ‘kin. Ang animal! Binuntis ang kaisa-isang anak kong si Perla!”

“Kami na ang bahala, boss. Sisigurahin naming mabubura sa mundo ang mukha ng lalaking ito!”

Kinilabutan si Hugo sa mga narinig. Papatayin siya ng mga lalaking dumukot sa kanya!

“Tsk! Sa dinami-rami ng babae sa mundo, anak pa ng boss namin ang pinatos mo. Sayang ka, Larry. Ang gwapong lalaki mo pa naman, tapos pagpi-piyestahan lang ng mga uod sa ilalim ng lupa.”

“Nagkakamali kayo! Hindi ako ang inaakala ninyong si Larry! Ang pangalan ko ay Hugo Dimapanguet! Pakawalan n’yo ako!”

Ngunit kahit anong paliwanag ng binata, hindi ito pinakinggan ng mga dumukot dito. Pinagtawanan lang ng mga ito ang binata.

Mayamaya lang ay huminto ang sasakyan sa isang bakanteng lote. Panay ang pagmamakaawa ng binata na huwag papatayin dahil hindi siya si Larry.

Umalingawngaw ang tatlong putok ng baril. Duguan at walang buhay nang bumagsak sa damuhan ang katawan ni Hugo.

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon