Lihim Ni Tina- 1

81 4 0
                                    

MAGLALARO ng basketball sina Cain at Abel nang hapon na 'yon. Ngunit dahil inaayos ang kalsada sa kanilang lugar, napilitan silang dumaan sa shortcut. Iyon ang sinasabing pinagbabawal na teknik. Dahil private property ang daan na 'yon.

"Abel." Kinalabit niya ang kaibigan na abala sa paglalaro ng sumisikat ngayong mobile game.

"Tsk! Namatay tuloy ang hero ko!" reklamo ni Abel. "Isang linggo akong loss strick sa game na 'to, e." Kumamot ito sa ulo.

"Asus, pabuhat ka lang naman sa mga naka-team mo," natatawang biro niya sa kaibigan. Hinawakan niya sa magkabilang balikat si Abel at iniharap sa kinatatayuan ng mala-palasyong bahay. Pag-aari raw 'yon ng pamilya Ebañez. Pero ang ipinagtataka niya, parang bagong gawa lang ang bahay. "Nakikita mo ba ang nakikita ko?"

"Saan?" tanong ni Abel. Naningkit ang mga mata upang matitigan ang tinuturo niya.

Nakalimutan niyang farsighted pala ang kaibigan. Kaya nga ito ang 3-points shooter nila tuwing sumasali sa Liga Basketball. "May babae."

"Babae?" ulit nito sa sinabi niya. Mabilis nitong itinago sa bulsa ang cell phone.

"Akala ko ba ayaw mong matalo sa game?" Kilala niya ang kaibigan. Matinik sa chicks! Kapag usapang babae ay lumilinaw ang paningin nito.

"Okay lang," anito at huminga sa mga palad at pinahid sa ulo na walang buhok. "Babawi na lang ako next week. Sure win 'yon."

Umiiling ang ulo na inakbayan niya ito. Sandali nilang pinagmasdan ang babaeng nakatalikod, tila pilit binubuksan ang bintana malapit sa pinto.

"Lapitan natin at mukhang nangangailangan ng tulong," bulong niya kay Abel. Tumango naman ito.

Nang nasa likuran na sila ng babae ay tumikhim si Abel. Nakuha naman nito ang atensyon ng babae. "Kailangan mo ba ng tulong, miss?"

Parang slow motion na humarap sa kanila ang babae.

Wow! Parang gustong lumuwa sa socket ng mga mata ni Cain nang masilayan ang magandang mukha ng babae. Tila isa itong anghel mula sa langit na bumaba sa lupa upang makilala nila.

"Ako pala si Abel," agad na pakilala ng kaibigan niya. Inilahad nito ang kamay sa harap ng babae. Pero hindi ito 'yon tinanggap.

Nagkatinginan silang magkaibigan nang mapansin nilang tila diretso lamang ang tingin ng babae. Para ngang hindi sila nito nakikita.

"Invisible ba tayo?" mahinang bulong sa kanya ni Abel. Binasa ng laway ang mga labi nito. Parang gutom na handang ngumasab. Binatukan niya ito. "Aray!"

"Umayos ka!" Iniumang niya ang kamao sa mukha nito. "Kita mong bulag, e."

"Ito naman, ekspresyon ko lang 'yon!" Kinamot nito ang ulo. "Saka hindi tayo siguradong bulag siya. Baka nearsighted lang. Naks! Mukhang destiny pa kami."

Kinutusan niya ito nang makitang kinagat ang ibabang labi. Malakas ang loob niyang saktan si Abel dahil maskulado siya at mas matangkad. Nilapitan niya ang babae.

"Ako pala si Cain," pakilala niya sa sarili. Ngumiti sa kanya ang babae. Kitang-kita niya ang maputi at pantay nitong mga ngipin. Pwedeng kunin na commercial model ng toothpaste. Bigla siyang nahiya para sa sarili. Bungal kasi siya kaya ayaw niya itong gantihan ng ngiti kahit sa tingin niya'y bulag ang babae.

"Ako pala si Tina," pakilala na rin ng babae. Inilahad nito ang kamay. Mabilis naman niya iyong tinanggap.

Ang soft! Parang bulak sa lambot ang palad nito. Muntik na siyang mabuwal nang itulak siya ni Abel para makipag-hands shake rin sa babae.

"Dito ka ba nakatira?" tanong ng kaibigan niya. Titig na titig ito sa mukha ng babae.

"Oo." Kiming ngumiti si Tina. "Hmm, nawala ko kasi 'yong susi ng pinto. Maaari ba ninyo akong tulungan?"

"Oo!" sabay pa nilang sagot at tumango-tango pa kahit hindi naman iyon nakikita ng babae.

"Salamat."

Itinuro ni Tina sa kanila ang bintana kung saan sila pwedeng pumasok ni Abel. Hindi 'yon nakasara kaya agad silang nakapasok sa loob ng bahay.

"Maraming salamat," masuyong sabi ni Tina nang mabuksan nila ang pinto. "Maupo muna kayo at ikukuha ko kayo ng maiinom. 'Wag kayong aalis, ha?"

"Hindi kami aalis!" mabilis niyang sagot.

Gamit ang blind stick ay kinapa-kapa ng babae ang daraanan nito. Naiwan silang magkaibigan sa malaking sala. Iyon ang unang beses niyang makakita ng magandang kagamitan sa loob ng bahay. Halos lahat ng nakikita niya ay puro antigo!

Ang kaibigan niyang si Abel ay tuwang-tuwa sa chandelier lights. Nawala na talaga sa isip nila ang paglalaro ng basketball.

Napatayo sila nang makita si Tina. May dala itong tray na may nakapatong na tatlong basong pahaba. Mabilis niya itong tinulungan. Kinuha niya sa mga kamay nito ang tray at ipinatong 'yon sa center table.

"Uminom muna kayo. Pasensya na kung 'yan lang ang kaya kong ibigay sa inyo. Wala kasi akong mautusan. Umalis kasi ang mga kasama ko sa bahay." Tila nahihiya pa ito sa kanila. "Siguro naman ay napansin ninyong may problema ako sa paningin."

"Naku, okay lang!" mabilis niyang sagot. Agad niyang ininom ang hinanda nitong orange juice. Kahit nakapagtatakang tila hindi sumayad sa lalamunan niya ang ininom, hindi niya 'yon binigyan pansin. Nasa mukha kasi ng babae ang kanyang atensyon.

Napapitlag silang dalawa nang makarinig ng tunog na tila likha ng kampana. Napatingin siya sa antigong wall clock. Alas singko nang hapon.

"Pasensya na kung hindi ko kayo pwedeng patagalin pa rito. Baka pagalitan ako ng parents ko kapag nalaman na may estranghero kaming panauhin." Kahit hindi sabihin ni Tina sa kanila, bakas sa magandang mukha nito ang pagkabahala. Parang takot na takot.

Naunawaan naman niya ang ibig ipabatid ni Tina. Pagkatapos mainom ni Abel ang juice nito ay nagpaalam na silang aalis. Humirit pa nga si Abel, tinanong nito ang babae kung pwede ba silang dumalaw doon kahit minsan.

"Oo naman," sagot ng babae at kiming ngumiti.

Napahiyaw sila sa tuwa. Bukas na bukas din ay babalik sila sa bahay na 'yon para muling makita ang kagandahang taglay ni Tina.

Nagmagandang-loob pa itong ihatid sila hanggang labas ng bahay pero tumanggi silang magkaibigan. Inaalala kasi nila ang kalagayan nito.

"Sayang si Tina," palatak ni Abel nang naglalakad na sila palayo sa lugar na 'yon. Hindi na rin sila tumuloy sa basketball court para maglaro. "Kay ganda niyang babae, tapos bulag lang."

"Huwag mong nila-lang-lang ang kondisyon ni Tina. Mahirap din ang pinagdadaanan niya. Malaya nga siyang nakakakilos pero nakakulong naman siya sa kadiliman," sabi niyang nalulungkot para sa babae.

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon