Talking Eva 2

51 3 0
                                    

"MAMA!"

     Sabay na napatingin sa hagdan ang mag-asawa. Pinilit naman ngumiti ni Brenda sa anak.

     Bumaba ng hagdan si Bella. Malungkot ang mukha nang lumapit kay Ramon. "Patawad, Papa. Dahil sa 'kin kaya ka nagagalit."

     Hinaplos naman ni Ramon ang mukha ng bata. "Bella, hindi galit si Papa, okay?"

     Tumango ang bata.

     Kinuha ni Ramon ang manika sa kamay ni Brenda. Ibinigay iyon sa bata. "Heto na ang 'yong manika, maglaro ka na muna."

     Tuwang-tuwa naman si Bella. Niyakap nang mahigpit ang manika. Tumalikod ito pero muling humarap kay Ramon. Pinaikot ng bata ang bagay na nasa likuran ng manika.

     Ako si Talking Eva at mahal na mahal kita...

     "She's sweet, isn't she, Papa?" At may ngiti sa mga labi na bumalik ng kwarto.

     Naiiling ang ulo na iniwan ni Brenda ang asawa sa sala. Tinungo niya ang kusina. Haharapin niya ang pagluluto para sa kanilang hapunan.

PAGKATAPOS maghapunan ay umakyat na sa kwarto ang mag-inang Brenda at Bella.

     Patungong garahe si Ramon nang may marinig itong kaluskos. Agad na hinanap ng paningin nito ang pinagmulan ng ingay. Hanggang makarating sa basement.

     "Bella?" tawag ni Ramon sa bata. Nakita kasi nito ang manika na nakaupo sa sirang sofa.

     Isinara ng lalaki ang pinto. May ngiti sa mga labi na dinampot nito ang manika. Palaisipan dito kung paano napunta sa basement ang manika.

     Boo! sabay hagikgik ng manika.

     Nagulat naman si Ramon pero saglit lang dahil napangisi ito. Nakita nito ang malaking drum na walang laman.

     "'Di ba sabi ko sa 'yo, itatapon kita?" Ngumiti si Ramon. "Hindi ka na makikita ni Bella."

     Kapag ginawa mo 'yon, magagalit sa 'yo si Brenda at maging si Bella. Umikot nang marahan ang ulo ng manika.

     "Wala akong pakialam!" sagot ng lalaki. Inihulog nito ang manika sa  loob ng drum. Tumawa pa ito.

     Ginagalit mo talaga ako! Papatayin kita...

     Hindi naman 'yon sineryoso ni Ramon. Paano siyang masasaktan ng isang laruan? Ang nasa isip nito, may nakapaloob sa manika na voice recording.

     Tinakpan ng lalaki ang bunganga ng drum at pinatungan ng sirang silya. Lumabas na ito ng basement at nagtungo na sa garahe.

     Pagkatapos ma-check ang makina ng sasakyan ay lumabas na ng garahe si Ramon. Dumaan ang lalaki sa kusina para magtimpla ng kape.

     Bitbit ng lalaki ang tasa na may kape nang lumabas ng kusina. Tumuloy ito sa sala. Hindi pa man ito nakakaupo sa sofa nang biglang tumunog ang telepono.

     "Hello?" Inilapag ni Ramon ang kape sa center table.

   Pagsisisihan mo ang ginawa mo sa 'kin, Ramon! Matinis na humakhak ang nasa kabilang linya.

     Ang manika! hiyaw ng isang bahagi ng isip ni Ramon. Nakilala nito ang boses ng kausap. Pinagpawisan ang noo nito.

     "Ramon," tawag ni Brenda sa asawa. Malalaki ang hakbang na nilapitan niya ito. "Saan mo dinala ang manika?"

     Ibinaba ni Ramon ang telepono. Hinarap nito si Brenda. "Bakit sa 'kin mo hinahanap ang manika?"

     "Dahil ikaw lang naman ang pwedeng kumuha nito. Kanina pa umiiyak si Bella dahil hindi makita ang manika niya!"

     Sumeryoso ang mukha ng lalaki. "Umamin ka nga sa 'kin, Brenda. May galit ba kayo sa 'kin na mag-ina?"

     "Ano ba'ng pinagsasabi mo?"

     "Nakita mo akong may kausap sa telepono 'di ba? At alam mo ba kung sino ang tumawag? Ang manika!"

     "Nababaliw ka na ba, ha? Paano gagawin 'yon ng isang laruan?"

     "Exactly!" inis na sagot ni Ramon. "May voice recorder ang manika."

     Lalong nalito si Brenda.

     "Hindi ko alam kung hanggang langit ang galit ninyo sa 'king mag-ina para bantaan akong patayin."

     "Ano?" Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. "Pwede ba? Huwag kang gumawa ng kwento. Tinatanong ko lang sa 'yo kung saan mo dinala ang manika. Kung anu-ano nang iniisip mo."

     "Bakit, wala ba talaga kay Bella ang manika?" tanong ng lalaki.

     "Wala nga. Kanina ko pa nga hinahanap. Saka, 'wag mo akong pinagbibintangan ng kung anu-ano dahil walang katotohanan ang pinaparatang mo sa 'min ng anak ko."

Ipagpapatuloy...

    

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon