Voodoo Doll ( Finale )

18 4 0
                                    

HILAKBOT na napasigaw si Milagros sa kanyang nakita. Sunog na sunog ang buong katawan ni Don Benedicto nang makita niya ito. Marahil ninanais na makalabas ng silid dahil naroon ang nangingitim nitong katawan malapit sa pinto. Wala ng apoy sa katawan ng kanyang asawa ngunit umuusok pa rin ito.

"Ano ba itong ginawa ko?" Napasapo sa kanyang dibdib si Milagros. Napaluha siya sa mapait na sinapit ng asawa. Ninais niya itong patayin ngunit hindi sa paraang labis itong mahihirapan.

Hindi niya kayang pagmasdan ang sunog na katawan ng asawa. Umiiyak na dahan-dahang ipininid niya ang dahon ng pinto. Halos patakbo siyang bumaba ng hagdan.

Anong gagawin ko sa bangkay niya? Hindi ako maaaring makulong. Ang kanyang kamatayan ay dapat manatiling isang lihim! hiyaw ng isang bahagi ng utak niya.

Kumuha siya ng bote ng alak sa wine rack at saka lumabas ng mansiyon para bumalik sa tagpuan nila ni Gregor. Kailangan niya ang tulong nito. Hindi niya alam ang gagawin.

Habang tinutungga niya ang bote ng alak, patuloy sa pagluha ang kanyang mga mata. Kinakabahan, natatakot at masaya.

Oo, masaya siya dahil wala nang hadlang sa pag-iibigan nila ni Gregor. Malaya na silang ipahayag ang kanilang pagmamahal sa isa't isa. Matutupad ang hiling nilang dalawa na magkasama sa iisang bubong.

"Milagros, bakit ka umiinom ng alak?" Boses mula sa kung saan.

Tumigil siya sa pag-iyak. Hinanap ng kanyang mga mata ang nagmamay-ari ng boses na narinig niya. Alam niyang si Gregor iyon.

"Gregor, nasaan ka?"

Mula sa likod ng malaking puno ay lumabas ang lalaki sa pinagtataguan nito.

"Oh, Gregor!" Tumakbo si Milagros para salubungin ang lalaki. Niyakap niya ito nang mahigpit. "Bakit ngayon lang?"

"Paumanhin, mahal ko. Nagkaroon ng problema sa bukid. Napilitan akong ibenta ang kabayo ko kaya hindi kita nabisita," paliwanag nito. "Bakit ka naglalasing?"

"Kailangan ko ng tulong mo, Gregor," nanginginig ang boses na simula niya. Kinakabahan siya sa maaaring maging reaksyon ng lalaki. "M-may ginawa ako."

"Anong ginawa mo?" tanong ni Gregor at bahagyang inilayo ang katawan ng babae.

"Si Benedicto, a-ang asawa ko…"

"Milagros, may ginawa ka sa kanya?"

Marahan siyang tumango. "Magulo ang utak ko kanina."

Bigla siya nitong hinawakan sa magkabilang balikat. "Anong ginawa mo sa kanya? Nasaan si Don Benedicto?"

"Nasa mansiyon siya," sagot niya. "Hindi ko sinasadya, naguluhan ako. Mahal na mahal kita at gusto kitang makasama."

"Nag-usap na tayo 'di ba? Maghihintay tayo hanggang sa siya'y mamatay."

"Pero lagi niyang sinasabi sa akin na hindi niya ako kayang iwan!" mariing sabi niya. "Nahihirapan ako, Gregor. Ayaw niya akong pakawalan. Gusto niyang mabuhay dahil ayaw niya akong iwan."

"Pinatay mo siya?"

"Lumapit ako sa matandang babaeng nakatira malapit sa mansiyon. Humingi ako ng tulong sa kanya at binigyan niya ako ng voodoo doll na gawa sa kahoy.

Namilog ang mga mata ni Gregor.

"Ginawa ko lang iyon dahil gusto kong maging malaya na makasama ka. Mahal na mahal kita, Gregor."

"Lumapit ka sa matandang 'yon? Hindi mo ba alam na bali-balita sa ating lugar na isa siyang mangkukulam?"

"Alam ko!"

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon