Life After Death 1

98 6 0
                                    

ISANG romance novel writer si Jasmine Montenegro. At sa edad na bente-uno, marami na siyang natanggap na parangal.

Ang isa sa kanyang romance novel ay naging isang pelikula noong 2019 na pinamagatang Lason Mong Halik. Na nakilala sa Ingles bilang Poison Love.

Kung gaano siya kagaling sa pagsusulat ng romance novel ay kabaliktaran naman sa nangyayari sa kanyang buhay-pag-ibig. Hindi niya na mabilang kung ilang beses siyang niloko ng nobyo. Paulit-ulit siya nitong sinasaktan, pero paulit-ulit din niya itong tinatanggap. Dahil sa paniniwalang may pag-asa pa itong magbago at ma-realize nito na siya ang totoong mahal.

Ngunit ngayon, hindi niya na masikmura ang panloloko ni Allistar sa kanya. Isang buwan na lang sana ay ikakasal na sila. Pero hindi na 'yon matutuloy dahil nahuli niya ang nobyo na may kaulayaw na ibang babae sa kama nito. Hindi kasi alam ng lalaki na dadawin niya ito sa tinutuluyang condo.

Kung nasaktan siya noon sa mga panloloko ni Allistar, doble ang sakit na nararamdaman niya ngayon. Dahil best friend niya ang babaeng kaulayaw nito sa kama.

"Mga ahas!" Umiiyak na hinampas ni Jasmine ang manibela. Lumikha iyon ng ingay sa kalsada habang nagmamaneho siya. "Mga taksil!"

Hindi niya alam kung saan siya patungo. Ang gusto niya lang ay makalayo muna pansamantala. Nabaling ang tingin niya sa kanyang cellphone. Kanina pa niya naririnig na tumutunog ang caller tone nito.
Si Allistar; ang nobyo niyang taksil!

"Ang kapal ng mukha niya! Nagawa pa niyang tumawag sa 'kin pagkatapos ko silang mahuli ng ahas kong kaibigan!"

Hindi niya sinagot ang tawag. Hilam sa luha ang mga matang nagpatuloy siya sa pagmamaneho ng sasakyan. Muli na namang tumunog ang cellphone niya. Nang silipin niya kung sino ang caller, nakita niya ang pangalan ng kanyang ina.

Gamit ang isang kamay ay pinahid niya ang luha sa mga mata. Tumikhim siya upang alisin ang bara sa lalamunan niya. Ayaw niyang marinig ng kanyang ina na umiiyak siya. Maraming beses na siya nitong pinagsabihan na layuan ang nobyo, pero hindi siya nakinig. Sinunod pa rin niya ang damdamin niya para sa lalaking iniibig. Ngunit sakit at sama ng loob ang naging kapalit sa tapat niyang pag-ibig.

"Hello, Ma?"

"Anak, sabi ng Ate Judy mo'y wala ka raw sa condo mo nang puntahan ka niya. Nasaan ka ba?"

Sandali siyang natahimik. Hindi niya alam kung saang lupalop ng mundo siya napadpad. Malalim siyang napahugot ng hininga. Sumilip siya sa bintana ng sasakyan.

"Nasaan ka bang bata ka, ha?"

"Nasa De Matagpuan Sitio," sagot ni Jasmine. Iyon ang nabasa niya sa nakitang road signs sa tabing kalsada.

"Hindi ba kabilin-bilinan ko sa 'yong 'wag na 'wag ka nang pumunta sa kung saan-saang lugar? Isang buwan na lang ay ikakasal na kayo ng nobyo mo. Alam mo namang may mga pamahiin tungkol sa mga-"

"Na lapitin sa disgrasya ang mga taong ikakasal na," dugtong niya sa sinabi ng ina. "We're in the twenty-first century. Hindi dapat kayo naniniwala sa mga pamahiin na 'yan."

"Anak, walang mawawala kung susundin mo ang sinasabi ko sa 'yo. Mabuti na 'yong nag-iingat." Narinig niya ang buntong hininga ng ina sa kabilang linya. "Umuwi ka na at pupunta kami ng ate mo sa 'yong condo."

"Ma." Nais niya sanang sabihin sa ina na hindi na matutuloy ang magiging kasal nila ni Allistar. Ano kaya ang magiging reaksyon ng kanyang ina? Matutuwa? O magagalit dahil niloko na naman siya ng nobyo?

"Ano 'yon, anak?"

"I love you!" sa halip iyon ang nasabi niya.

"I love you too, anak."

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon