Murderer ( Finale )

46 3 0
                                    

ACCESS GRANTED!

"I got it!"

"Anak, merienda ka muna." Pumasok sa kanyang silid ang ina. Inilapag nito sa bedside table ang hawak na tray. "Anong ginagawa mo?"

"Kilala ko na kung sino ang blood donor ko, Ma."

Halatang nabigla ang kanyang ina. Tumayo ito sa tabi niya at yumuko upang makita ang screen ng laptop. Ipinakita niya rito ang pangalan ng isang lalaki.

Nanlaki ang mga mata ni Mia sa nakita. Nang i-click niya ang pangalan ni Mr. Vlad Dee sa name list ng mga voluntary blood donors, tumambad sa kanyang paningin ang profile picture at address kung saan ito nakatira.

Giving blood is a heroic life–saving act of solidarity to improve the quality of life for patients suffering from life-threatening conditions and to support medical and surgical procedures.

At nagpapasalamat si Mia na isa siya sa mga naligtas ang buhay sa tiyak na kamatayan.

Subalit, paano matatawag na 'hero' ang taong naging dahilan para humaba pa ang buhay niya kung ito'y isang mamamatay tao?

Si Mr. Vlad Dee ang lalaking madalas makita sa kanyang balintataw. Tila nagsisilbi siyang saksi sa mga krimen na ginawa nito.

"O, bakit ganyan na lang ang itsura mo?" usisa sa kanya ng ina. Ibinalik nito ang paningin sa screen ng laptop. "Taga-Cavite lang pala ang taong 'yan. Malapit lang dito sa 'tin ang Naic."

"Ma, siya ang lalaking nakikita ko sa aking balintataw. Isang kriminal ang aking naging blood donor!" aniyang hindi kumukurap, nakaturo ang isang daliri sa screen ng laptop.

"Maghunos dili ka, anak. Baka kamukha lang 'yan ng–"

"I'm positive!" Tinuro niya sa ina ang malaking balat ng lalaki sa kaliwang pisngi nito. "Hinding-hindi ako nagkakamali, Ma. Siya iyong lalaking responsable sa patayang naganap dito sa Tanza."

"Ano ngayon ang binabalak mo?"

"Hindi ko alam, Ma. Pero kailangan nang magwakas ang kasamaan niya."

"Mahabaging Diyos!" reaksyon ng kanyang ina. "Baka ikaw naman ang mapahamak. Hayaan nating mga alagad ng batas ang mag-imbestiga sa mga krimen na kinasangkutan ng lalaking 'yan!"

"Hindi ko matukoy kung ano ang nangyayari sa 'kin, Ma. Premonition o baka naman hallucination? Tiyak, pagtatawanan ako ng mga pulis 'pag sinabi ko sa kanilang nakikita ko ang krimen na ginagawa ng salarin."

"Wala kang gagawin, tapos!"

Hindi nagsalita si Mia. Tahimik niyang nasundan ng tingin ang inang naglalakad palayo sa kanya.

KINAGABIHAN….

Mahigpit ang kapit ni Mia sa handrail ng hagdan. Nakatingala ang mukha ng dalaga habang nakatirik ang mga mata.

"Mia!" sigaw ni Perla, agad dinaluhan ang anak.

Nanlalaki ang mga matang nakatitig sa kisame si Mia. Nakikita niya ang lalaki, nakasuot ito ng itim na long-sleeves, kulay puting sumbrero at may hawak na patalim. Mailap ang mga mata nito, nag-aabang ng bagong bibiktimahin.

"Ma!" hinihingal na sambit ni Mia. "Nakita ko na naman siya. Kailangan natin siyang puntahan!"

"Per–"

"Wala na tayong oras, Ma!" sansala niya sa sinabi ng ina. "Naroon siya sa tagong bahagi ng simbahan!"

"Saang simbahan?"

"Sa Naic!" Halos takbuhin niya ang hagdan pababa. Kinuha ang kanyang cell phone at tinawagan ang numero ng Naic Police Station.

Walang nagawa si Perla kundi sundan ang anak na ngayon ay palabas ng gate. Dali-daling ni-lock nito ang pinto at hinabol ang anak.

At dahil malapit lang sa kalsada ang bahay nila, agad silang nakasakay ng bus na ang rota ay papuntang Naic.

Police Station Naic Cavite.

"Concerned citizen. Ayon sa kanya, naroon daw malapit sa simbahan ang Top 1 notorious serial killer. Ihanda ang mga tauhan!"

"Sir, yes, sir!"

Sampung armadong mga pulis ang lumabas ng police station, sakay ang mga ito sa tatlong police mobile car.

Sa kabilang banda, nakababa na ng bus ang mag-ina. Sapo ang ulo at pasuray-suray na naglalakad si Mia habang papalapit sa simbahan. Nakikita niya sa balintataw ang isang babaeng naglalakad habang abala sa pakikipag-usap sa cell phone nito.

At ang lalaki!

May sumibol na takot sa dibdib niya nang makita ang lalaki sa madilim na bahagi ng simbahan. Kumikislap sa dilim ang hawak nitong patalim.

"Tulong!"

Nakakakilabot ang sigaw na iyon ng babae. Kinabahan si Perla para sa kaligtasan nilang mag-ina. Gustuhin mang hilahin ang anak palayo sa lugar na iyon ay hindi magawa.

Nakatalikod sa kanilang mag-ina ang lalaki. Agad inilabas ni Mia ang baseball bat na itinago niya sa eco bag.

"Bitiwan mo siya!" Hinampas ni Mia sa likod nito ang lalaki ng hawak niyang baseball bat. 

Napahiyaw sa sakit ang lalaki. Nabitiwan nito ang biktima.

Umiiyak na tumakbo palayo ang babae, may sugat ito sa leeg.

"Saklolo! Tulungan ninyo kami!" hilakbot na sigaw ni Perla. Nakita nito kung paanong bigwasan ng suntok ng lalaki sa sikmura ang anak.

"Papatayin kita!" bulyaw kay Mia ng lalaki. Malagom ang boses nitong nagbigay kilabot sa buong pagkatao ng dalaga.

Nanlaki ang mga mata ni Mia nang makita ang hawak na kutsilyo ng lalaki. Inundayan siya nito ng saksak pero naiwasan niya. Babae siya, walang laban kumpara sa lakas nito. Sinubukan niyang agawin sa kamay nito ang patalim at buong lakas na tinuhod ito sa hinaharap.

Sinamantala ni Mia ang pagkakataon, ubod lakas na sinipa niya ito dahilan para mabuwal at padapang bumagsak sa sementong sahig.

Sinubukan ng lalaki bumangon ngunit muling napadapa ito sa semento. Mayamaya, nangisay ito.

Nanginginig ang buong katawan ni Mia na humakbang palayo sa lalaki. Mahigpit niyang niyakap ang ina at humagulgol ng iyak sa dibdib nito.

"Hayon sila!" sigaw mula sa kung saan.

Mga pulis.

Agad na dinaluhan naman silang mag-ina ng apat na pulis.

"Patay na ito!" ayon sa isang pulis matapos itihaya ang katawan ng lalaki. Nakadilat pa ang mga mata nito.

Nakatarak sa dibdib ng lalaki ang kutsilyo na ginagamit nito sa pagkitil ng buhay ng mga biktima.

Isinama sa police station silang mag-ina at maging ang babaeng huling biktima ng salarin para sa ilang katanungan. Hindi naman sinampahan ng kaso si Mia. Lumalabas na aksidente ang pagkamatay ng salarin.

At simula nang mamatay si Mister Vlad Dee; top 1 notorious serial killer sa Cavite, hindi na rin ginagambala ng mga pangitain si Mia.




Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon