Ang Aspiring Writer 1

64 5 0
                                    

DALAWANG buwan na'ng nakalipas pero wala pa rin natatanggap na balita si Marian mula sa kanyang literary agent. Isa siya sa mga aspiring writers na umaasang ma-publish ang librong isinulat.

Si Mr. Vlad Dee, isa sa mga agent ng isang malaki at kilalang Publishing House sa Pilipinas. Ang Stories From The Heart Publishing House. Kasama ni Marian ang kanyang kapatid nang magtungo sa tanggapan ni Mr. Dee pero siya lang ang humarap sa lalaki.

Nakapagbigay na siya ng labing limang libong piso ayon na rin sa presyong hiningi ng agent niya. Kaya naman sinadya niya sa opisina ang lalaki nang gabing 'yon pagka-out sa kumpanyang pinagsisilbihan.

"Come in!"

Pinihit ni Marian ang doorknob. Agad niyang napansin ang rumihestrong pagtataka sa mukha ng lalaki nang makita siya.

"Marian, anong ginagawa mo rito?" Tumayo ito at sinalubong siya.

"Gusto ko lang malaman kung ano ang balita sa aking manuskrito. Dalawang buwan nang nakalipas pero hindi pa rin ako nakatanggap ng balita mula sa 'yo, Mr. Dee."

"I'm sorry, Marian. Marami kasi kaming clients. Hindi namin kakayanin pagsabayin. Inuuna muna ng 'Publishing House' ang mga stories na sikat sa iba't ibang social media. Ang totoo niyan, hindi ko pa naipasa ang manuskrito mo."

Medyo nasaktan siya sa sinabi nito. Naunawaan naman niya iyon. Baguhan lang siya at wala pang napatunayan. Pero gusto niyang subukan. Huminga siya nang malalim.

"Kung gano'n, kukunin ko na lang ang aking manuskrito pati na rin ang labing limang libong piso na downpayment ko. Maghahanap na lang ako ng bagong agent."

"Hindi pwede," mabilis na sabi ng lalaki sa mahinahong boses.

"Bakit hindi pwede?" Napamaang siya. "You just said it, hindi pa nakarating sa publishing house ang manuskrito ko. Wala naman siguro akong nilabag na batas."

"Ganito kasi 'yon, e. Nabasa ko ang full manuscript ng 'Lies Don't Die'. At masasabi kong sisikat ka bilang romance writer. Pero kung hindi ka makapaghintay, kailangan mong magbigay ulit ng pera. Another fifteen thousand pesos for publicity cost. At ipinapangako ko sa 'yo, maisasalibro ang iyong fiction romance novel."

"Another fifteen thousand pesos?" Pagak na tumawa si Marian. "Nakapagbigay na ako sa 'yo ng fifteen thousand pesos pero hanggang ngayon ay nasa iyo pa rin ang aking manuskrito. Hindi mo na ako maloloko, Mr. Dee. Kaya ibalik mo sa akin ang manuskrito at pera ko. Maghahanap ako ng ibang agent na marunong magpahalaga ng kliyente."

Nang hawakan siya sa mga braso ng lalaki ay pumiksi siya.

"Let's talk about this, okay?"

"Huwag mo akong hawakan!" piksi niya. "Ibalik mo sa 'kin ang pera kung ayaw mong lumapit ako sa authorities! Alam kong pangingikil ng pera sa mga katulad kong baguhan pa lang ang gawain mo."

"Come on, makinig ka kasi muna sa 'kin!" Marahas na binitiwan siya ni Mr. Dee. Tinalikuran siya nito.

Napaigik si Marian, tumama ang likod ng ulo niya sa isang matulis na bagay. Hanggang sa namamanhid na ang kanyang buong katawan. Sandali siyang nangisay sa sahig bago bawian ng buhay.

"M-Marian?" Hindi inaasahan ni Vlad ang kanyang makikita. Nakahandusay sa sahig ang babae at duguan ang ulo. Kinakabahan na lumuhod ang lalaki at hinawakan sa pulsuhan ang babae. Wala na itong buhay. "Ano itong ginawa mo sa 'kin, Marian? Ginawa mo akong kriminal!"

Aksidente ang nangyari. Tumama ang ulo ni Marian sa horn display stand for swords. Iyon ang unang beses na nakapatay si Vlad. Pero nang lumabas ang lalaki sa opisina nito na buhat-buhat sa balikat ang wala nang buhay na katawan ni Marian, tila bihasa na ito sa ganoong krimen.

At dahil private property ni Vlad ang kinatitirikan ng opisina ay malaya nitong inilibing ang katawan ni Marian sa gilid ng tanggapan. May namumuong plano sa isipan ng lalaki. Nabasa na nito ang manuskrito ni Marian at nasabi sa sariling sisikat ang librong 'Lies Don't Die'. Aangkinin nito ang librong isinulat ng babae.

KINABUKASAN ay pinasa ni Vlad ang manuskrito ni Marian sa Publishing House na pinagsisilbihan. Pinalitan ng lalaki ang pangalan ng author.

Ang pangalan ng bagong akda ay si Samantha.

At tulad ng inaasahan ni Vlad, pumatok ang librong sinulat ni Marian. Big hit. Kaya naman tuwang-tuwa ang lalaki. Katunayan ay kinausap na ito ng isang film producer. Gustong gawing pelikula ang librong 'Lies Don't Die' sa panulat ni Samantha.

Samantha doesn't exist. Gaya ng librong sinulat ni Marian, fiction name lang din ito na ginamit ni Vlad.

"Book signing?" Palakad-lakad si Vlad sa loob ng kanyang opisina. Kausap nito sa telepono ang bumubuo ng Stories From The Heart Publishing Corporation.

"Yes, Mr. Vlad Dee. Big hit ang librong isinulat ni Samantha. The team decided to allow readers who idolize Samantha to see her in person and also for book signing," anang kausap nito sa kabilang linya.

"I can't do that. Samantha is a private person. Ako lang ang nakakakita at nakakausap sa  kanya," pagsisinungaling ni Vlad.

"The result of the signing may surprise her. Hindi lamang mayroon siyang pagkakataong magbigay ng inspirasyon at kumonekta sa kanyang mga mambabasa, ngunit magkakaroon siya ng pagkakataong mas maunawaan ang kanyang target na madla. Isa rin ito sa mga pinakamahusay na paraan upang i-market ang kanyang libro."

"Okay, I'll do my best. I will talk to Samantha, and explain to her about it."

Nang mawala sa kabilang linya ang kausap ni Vlad ay nahulog naman ang lalaki sa malalim na pag-iisip. Sinong Samantha ang ihaharap niya sa araw ng book signing?

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon