1870 - 2

58 4 0
                                    

HUMINGA nang malalim si Contessa. "I'm sorry. I don't understand what you're saying. I'm here to ask, I'm lost. And I want to buy a drink, I'm thirsty."

"Hindi ko naunawaan ang iyong winiwika!" galit na wika ng matandang lalaki. "Ang iyong pananalita, walang pagkakaiba sa mga mananakop!"

Hindi na lamang pinansin ng dalaga ang sinabi nito. Lumapit siya sa isang lalaking nasa counter. Mestizo ang lalaki. Bumagay dito ang bigote na may pakulot sa bawat dulo. Hanggang balikat ang buhok na nakapusod at may nakapatong na salakot sa ulo. Naka-jacket ito na bukas sa bandang dibdib, fitted jeans na kupas at boots. Parang hinete ng kabayo. Ay, ewan! Masisiraan yata siya ng ulo 'pag tumagal pa siya rito!

Hindi na mahalaga ang napansin niyang kakaiba sa mga naninirahan sa lugar na iyon. Bibili lang siya ng tubig, at aalis. Mukhang hindi siya matutulungan ng mga ito.

"Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo, magandang binibini?" tanong sa kanya ng lalaking nasa counter.

Kikiligin sana siya kung ang nobyo niya ang nagsabi niyon. Pasalamat na lang talaga si Juan Miguel, mahal niya ang katipan kahit walang kalambing-lambing sa katawan.

"Pabili ako ng isang bottled water," aniya at umupo. "Gusto ko, malamig."

"Bottled water?"

"Oo. Bigyan mo ako ng tubig."

"Paumanhin binibini, wala akong na maibibigay sa iyo. Itong mga banga na iyong nakikita, may laman itong alak." Iminuwestra pa ng lalaki sa kanya ang mga banga. Malalaki 'yon kumpara sa mga banga na nakita niya sa siyudad.

"Sige, bigyan mo na lang ako ng alak." Wala siyang choice, nauuhaw na siya. Bukod dito'y kumakalam na rin ang kanyang sikmura. "Gusto ko, malamig."

"Wala akong malamig na alak."

"Sige, kahit hindi malamig. Kanina pa kasi ako nauuhaw."

Gamit ang isang malaking sandok na gawa sa bao ng niyog, nakita niya itong nagsalin ng alak sa isang basong gawa sa kawayan.

"Heto ang iyong inumin."

Inilapag nito ang baso sa harap niya. Akmang iinumin na niya 'yon nang pigilan siya sa kamay ng lalaki. Sigurista!

Dinukot niya ang pera sa bulsa ng shorts niya. Limang daang piso iyon. Nakangiting inabot niya ito sa lalaki. "Sa iyo na ang sukli."

"Ano 'to?"

"Pera," sagot niya. "Iyan ang bayad sa binili kong alak."

Nakita niyang sinenyasan nito ang ilang kalalakihan at kababaihan na naroon. Pinakatitigan ng mga ito ang perang binayad niya.

Weird! Ngayon lang ba sila nakakita ng pera? tanong niya sa sarili. Napamulagat siya nang punitin iyon ng lalaking nasa counter.

"Mister, bakit pinunit mo ang pera? Five hundred pesos ang sinayang mo."

Maigting na tawanan ang narinig niya mula sa mga ito.

"Wala ka bang ginto o pilak?" tanong ng lalaki sa kanya.

Tsk! Magkano ba ang presyo ng alak ng lalaking ito?

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon