Voodoo Doll 3

19 3 0
                                    

NANG buksan ni Milagros ang pinto, nakita niya ang kanyang asawa na nakadapa sa ibabaw ng kama habang sapo ang leeg.

"A-anong nangyayari sa 'yo?" Tinulungan niyang tumihaya ang asawa.

"Kanina nahihirapan akong huminga. Para akong nalulunod," ani Don Benedicto. Inalalayan ito ni Milagros na maupo sa gilid ng kama. "Nagugutom ako. Maaari mo ba akong bigyan ng pagkain?"

"S-sige, sandali lang."

Agad na lumabas ng silid si Milagros.  Napakunot ang noo niya nang makarinig ng mahinang ungol. Maingat siyang humakbang patungo sa sala. Nasapo niya ang sariling bibig nang makitang gumalaw ang ulo ng voodoo doll. Totoo nga ang sinabi sa kanya ng matandang mangkukulam, nagkaroon ng buhay ang manika.

Napakagat-labi siya. Nanginginig ang kamay na dinampot niya ang voodoo doll at dinala sa kusina. Itinago niya ang manika sa kulay itim na garbage bag. Nagulat siya nang marinig ang sigaw ng kanyang asawa.

"Milagros, wala akong makita! Tulungan mo ako!"

Namilog ang mga mata niya nang makitang gumagalaw ang garbage bag kung saan niya itinago ang voodoo doll. Patuloy naman sa pagsigaw ang kanyang asawa. Humihingi ito ng tulong at sinisigaw na hindi makakita. Agad niyang kinuha ang manika at pinunasan ang mga mata. Tinitigan niya 'yon nang mabuti, kamukhang-kamukha ng asawa niya ang manika.

"Milagros!"

Inilagay niya ang voodoo doll sa lababo at nagmamadaling inihanda ang pagkain ng asawa. Ininit lang niya ang pagkain at agad na umakyat sa ikalawang palapag ng mansiyon.

Inilapag ni Milagros ang tray sa bedside table. Nang lapitan niya ang asawa'y mahigpit itong yumakap sa kanya.

"Akala ko mabubulag na ako kanina. Wala akong makita, pero nang kinusot ko ang mata ko, bumalik ang paningin ko. Natatakot ako, Milagros. Hindi pa ako handang mamatay dahil nag-aalala ako sa iyo. Ayokong iwan ka."

Lihim na nagngingitngit ang kalooban ni Milagros. Nakikita niyang naghihirap ang kanyang asawa dahil sa karamdaman nito. At kung magtatagal pa ang buhay nito, patuloy lang sila sa palihim na pagkikita ni Gregor. Hindi na niya kaya ang set-up na iyon. Gusto niyang makasama si Gregor. Pareho silang makikinabang sa ari-arian na ipinamana sa kanya ng kanyang asawa. Makukuha lang niya 'yon kapag namatay na ito.

Kailangan na niya talagang kumilos!

Matapos pakainin ang asawa ay lumabas na siya ng silid. Maraming silid sa mansiyon, ngunit mas pinili niyang matulog sa maluwag na sala. Ayaw niyang matulog sa tabi ng asawa na walang ginawa kundi umungol at dumaing. Pagod na siya.

Hawak-hawak niya ang voodoo doll at iniisip kung paano niya mapapatay ang kanyang asawa nang hindi ito mahirapan. Hanggang sa makatulog siya.

Kinabukasan, abala na naman si Milagros sa rancho. Siya lang ang nag-aalaga ng mga baka, kambing, kabayo, baboy at manok. Gusto na niyang sumuko pero nanghihinayang lang siya dahil malaki ang kinikita ng rancho sa tuwing may bumibili ng bagong silang na baka at kambing. Nagtitinda rin siya ng gatas ng kalabaw at baka.

Sa susunod na buwan, maghahanap na siya ng magiging trabahador sa rancho. At kapag magkasama na sila ni Gregor sa iisang bubong, may katuwang na siya sa pamamahala nito. Alam niyang hindi sila maghihirap ni Gregor sa araw-araw nilang buhay.

Limang araw na ang nakalipas, hindi pa rin alam ni Milagros kung ano ang gagawin sa voodoo doll. Limang araw na rin niyang hindi nakikita ni Gregor kaya naman nag-aalala siya. Naisip niyang baka may ibang babae ito. Pero nangako sa kanya ang lalaki na wala itong ibang babae na mamahalin kundi siya lang.

Sumilip siya sa bintana. Mula rito, tanaw niya ang malaking gate. Gusto niyang pumunta sa tagpuan nila ni Gregor, baka sakaling dumating ang lalaki.

"Milagros… nasaan ka?"

Inis na umalis siya sa bintana. Tinatawag na naman siya ng asawa para lang sabihin sa kanyang mahal na mahal siya nito. Lagi nitong sinasabi sa kanya na hindi pa ito handang iwan siyang mag-isa. Mula nang magsama silang mag-asawa'y puro paghihirap na ang naranasan niya. Ayaw naman nitong iba ang mag-alaga rito, ang gusto'y siya pa. Pagod na pagod na nga siya sa rancho, dagdag pasakit pa ang walang silbi niyang asawa.

Upang hindi marindi sa boses ng asawa, nagpasya siyang umalis sa mansiyon. Bitbit niya ang voodoo doll at isang bote ng alak. Habang naglalakad papunta sa rancho, tinutungga niya ang alak. Hihintayin niya si Gregor sa kanilang tagpuan.

Ramdam na ni Milagros ang espiritu ng alak nang maubos niya ang laman ng bote. Kumalat na ang dilim sa paligid at tanging tanglaw lang ng buwan ang nagsisilbing liwanag sa paligid. Pumunta siya sa kubo kung saan nakalagay ang mga gaas at posporo. Gumawa siya ng bonfire malapit sa batis. Dahil sa kalasingan, naisipan niyang ihagis ang voodoo doll sa nagbabagang apoy.

Tila nawala ang kalasingan niya nang makitang gumagalaw ang voodoo doll na para bang sinusubukan nitong makaalis sa nagniningas na apoy. Itim na itim ang usok at may naririnig siyang nakapanghihilakbot na mga ungol.

Naisip niya ang asawa. Tiyak nagliliyab na rin ang katawan nito. At posibleng masunog ang buong mansiyon. Kumuha siya ng sanga ng kahoy at sinubukang alisin ang manika sa apoy. Gumagalaw pa rin ito. Mabilis niya itong itinapon sa batis. Tumakbo siya pabalik sa mansiyon.

Nang marating niya ang mansiyon, sumandal siya saglit sa nakasarang pinto. Nahihirapan siyang huminga dahil sa sobrang bilis ng tibok ng puso niya. Parang dinadaga ang dibdib niya sa sobrang kaba.

Nang mahimasmasan, agad siyang pumasok sa mansiyon. Ang kanyang mga mata'y nasa ikalawang palapag kung saan naroon ang silid nila ng kanyang asawa. Nakita niya ang maitim na usok na lumalabas sa bawat gilid ng dahon ng pinto.

Nanginginig ang kanyang mga tuhod habang umaakyat sa hagdan. Nang nasa harap na siya ng silid, nanginginig ang kamay niya habang hawak ang door knob. Kinakabahan siya sa maaaring makita niya.  Maingat niyang tinulak ang dahon ng pinto.

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon