Corpse ( Finale )

28 3 0
                                    

SA unang araw ng lamay ni Isabel Mahayag, walang patid ang iyak ng pamilyang naiwan ng dalaga. Halos hindi naman umaalis sa tabi ng kabaong nito ang lalaking sana'y mapapangasawa.

Bakas sa mukha ng mga taong nagmamahal sa namayapang dalaga ang pighati at pagdadalamhati. Makailang ulit na nawalan ng ulirat ang ina nito na hindi matanggap ang maagang pagkawala ng nag-iisang anak. Nakaalalay naman sa ginang ang asawa nito. Lahat ng 'yon ay nasaksihan ni Rammel.

Gustuhin man magsumbong ng binata sa pamilya ni Isabel sa kahayupang ginawa ng alkalde sa bangkay nito, natatakot naman siya para sa sariling kaligtasan. Ang pagiging tikom ng kanyang bibig ang dahilan kung kaya siya inuusig ng sariling konsensya.

Dalawang gabi na siyang ginugulo sa kanyang panaginip ni Isabel. Maliit lang ang inuupahan niyang silid, at sa apat na sulok nito ay tila nakikita niya rin ang hindi matahimik na kaluluwa ng babae. Halos mabaliw siya sa nakakakilabot nitong panaghoy na pilit nagsusumiksik sa kanyang pandinig.

Sa ikatlong araw ay hindi na pumasok sa punerarya si Rammel. Nanatili lang sa loob ng silid ang binata. Nangingitim ang ilalim ng mga mata dahil walang maayos na tulog. Hindi makakain nang maayos at laging balisa.

"Patahimikin mo na ako! Wala akong kasalanan sa 'yo!" umiiyak na pakiusap ni Rammel sa isang aparisyon na nakaupo sa gilid ng kama.

NAKATANGGAP ng tawag mula sa isang concern citizen ang police station sa San Lazaro. Natagpuan ang katawan ng isang binatang nagngangalang Rammel Santos na wala nang buhay. May laslas ito sa kaliwang palapulsuhan.

"Tsk!" palatak ng imbestigador habang sinisiyasat ang bangkay ng biktima. "Napakabata pa ng lalaking ito para sayangin ang kanyang buhay."

Si Ferdinand Duren–isang pamosong imbestigador at ang kasama nitong si SPO2 Anton Moravia ang unang awtoridad na nagresponde sa tinawag sa kanilang naganap na krimen sa loob ng maliit na apartment na 'yon.

Hawak pa ng biktima ang ginamit na blade upang sugatan ang sarili. Duguan itong nakahandusay sa sahig.

Isang notebook ang nakita ni SPO2 Moravia sa tabi ng bangkay. Iniabot nito ang bagay na 'yon sa kaibigang imbestigador.

"Isa itong diary," anang imbestigador nang buklatin ang notebook.

"May kinalaman kaya ang nakasulat dito sa diary ang nagawa na pagpapatiwakal ng biktima?" makahulugang wika ng station commander na si SPO4 Domingo Ramirez. "Ano sa palagay mo, Mr. Duren?"

"Kailangan pa rin ng masusing imbestigasyon. Hindi pwedeng maging basehan ang diary para patunayan na may katotohanan ang paratang ng biktima kay Mr. Alberto Cayabyab, may-ari ng Heaven Funeral Parlor. Maging ang alkalde sa lungsod na ito."

MARAMING tao ang nakiramay sa huling lamay ni Isabel. May nagmamatyag na mga pulis sa paligid ng tahanan ng pamilya Mahayag. Hindi mapaghahalataan ang mga ito sapagkat nag-iba ng anyo. Ang iba'y ayos matanda at ang iba nama'y may kapansanan.

Mayamaya'y may humimpil na isang magarang sasakyan sa harap ng bakuran ng tahanan ng Pamilya Mahayag. Bumaba ang personal drayber ng alkalde at dalawang bodyguard upang ibigay ang pera na tulong para sa pamilya ng namatayan.

"Pakisabi kay mayor, nagpapasalamat kami sa tulong na ibinigay niya sa aming pamilya," wika ng ina ni Isabel. Maluha-luha pa ang ginang pagkatapos makadaupang palad ang mga bagong dating.

"Hindi na ho kami magtatagal. Naparito lamang kami upang ibigay ang tulong ni mayor," anang isang lalaki na mukhang goons.

Nang mawala na ang mga tauhan ng alkalde, nilapitan ni Ferdinand si SPO2 Moravia. "Tumawag ka sa headquarters."

Tumango naman ang pulis.

Nang araw na makuha ng mga alagad ng batas ang diary ni Rammel Santos ay agad nagsagawa ng imbestigasyon ang imbestigador na si Ferdinand Duren at ilang NBI agents.

Si Mayor Eduardo Suarez; napatunayang may necrophilia disorder.

Necrophilia disordersekswal na interes o pakikipagtalik sa mga bangkay. Ito ay isang bihirang paraphilia na nakikita halos eksklusibo sa mga lalaki. Sa ilang mga kaso, sila mismo ang pumatay sa biktima, ngunit kadalasan ay nakakakuha sila ng access sa mga bangkay sa pamamagitan ng mga funeral parlor, mortuaries, morgue, o libingan.

Edad disi-otso ito nang magsimulang sumailalim sa isang psychiatric therapies.

Samantalang si Alberto Cayabyab ang may-ari ng punerarya, nilalakad na ang kasong pwedeng isampa rito. Kabilang na rito ang pagpapasara ng Heaven Funeral Parlor.

Naalarma ang mga alagad ng batas nang magkagulo sa lamay. Nagsimulang magbulungan ang mga taong nakikiramay.

"Nawawala ang bangkay ng anak ko!" histerikal ng ina ni Isabel. Umiiyak ito habang yakap ang kabaong ng anak. "Sino ang kumuha sa katawan ng anak ko?!"

Nagkaroon agad ng ideya si Ferdinand. Kinimbatan nito ang kaibigang pulis. Mabilis na sumakay ang dalawa sa police mobile car at pinaharurot ang sasakyan. "Sa bahay ni Mayor Eduardo Suarez!" pagbibigay alam ng imbestigador sa station commander gamit ang surveillance earpiece.

Malayo pa'y nakita na nila ang flashers ng tatlong police mobile car. May ilan ding sasakyan ng mga taga-media.

"Ano kaya ang nangyari?" tanong ni SPO2 Moravia kay Ferdinand. Ito ang may hawak ng manibela ng sasakyan.

Sabay na bumaba ng sasakyan ang dalawa. Lakad-takbo na nilapitan ang kumpol ng mga taong nag-uusyoso. Agad nginitian ng police officer si Ferdinand na kilala nitong pinakamahusay na imbestigador. Ilang beses nang nailathala ang larawan ng lalaki sa mga pahayagan dahil marami na itong nalutas na kaso.

"Good, Lord!" halos pabulong na sambit ni Ferdinand nang makita ang dalawang katawan na nakahandusay sa sementong sahig.

"Ang alkalde ay nahulog mula sa rooftop ng kanyang bahay," anang police in-charge. "Ang babaeng biktima ay wala pang–"

"Si Miss Isabel Mahayag," putol ni Ferdinand sa sasabihin pa sana nito. Makahulugan na sinulyapan nito si SPO2 Moravia. "Isinama niya sa huling hantungan ang taong nagkasala sa kanya."

Naliligo sa sariling dugo ang alkalde. Bakas ang sindak sa dilat na mga mata at basag ang bungo. Samantalang nakakubabaw naman sa katawan nito ang walang saplot ng nawawalang bangkay ni Isabel Mahayag.

Mayor Eduardo Suarez died under very mysterious conditions and unexplained circumstances.

This phenomenon cannot be explained by anyone...

2023©MissContessa.

Midnight Stories Vol. 1✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon