dirleyla12
Sumakay ulit kami ng tricycle ni Lucas pauwi namin sa bahay. Kung kanina ay ako ang tulog sa biyahe ngayon ay siya naman. Nakahilig Ang ulo niya sa balikat ko habang dahan dahan kong sinusuklay ang buhok niya gamit ang aking mga daliri.
Pagkarating namin sa bahay ay dumeretso na si Lucas sa kwarto para matulog. Hinayaan ko na siya dahil mukhang pagod na pagod ito at mas makabubuti kung magpahinga na siya. Samantala, tinulungan ko muna si Lola Claret sa pagtitiklop ng mga damit nila ni Mang Mario nadatnan ko kasi itong nagtitiklop roon sa may sala.
"Mukhang malalim ang iniisip mo Ineng ah" maya maya pa ay sambit ni Lola Claret matapos kaming balutin ng katahimikan. Napatingin ako sa matanda at gusto kong humanga sa paraan niya ng pagtutupi ng damit. Napakaayos ng mga ito kahit na hindi siya nakakakita samantalang ako sobrang linaw na ng mata ay hindi pa magkaintindihan sa ginagawa ko.
Huminga muna ako ng malalim bago ako sumagot. "La, paano niyo po nalaman na si Mang Mario na talaga 'yung lalaki na para sa inyo?" tanong ko at napatigil si Lola Claret sa pagtutupi ng damit at saka umayos ng upo.
Kanina pa kasing gumugulo sa isip ko ang tanong na 'yun. Sigurado akong mahal ko si Lucas pero hindi ko mapigilang mapa isip kung siya na ba talaga? Paano kung hindi? Itutuloy ko pa ba? Dahil nakakatakot na baka maulit ulit yung nangyari samin ni Jaron. Buong akala ko ay kami na talaga ang para sa isa't isa kaya binigay ko sa kanya lahat pero sa huli nasayang lang lahat.
At ayoko na ulit masayang ang oras ko sa taong hindi naman talaga para sa akin.
"Sa totoo lang Ineng, hindi ko din alam....... ang sigurado laang ako ay mahal ko siya, hindi ko na inisip kung para baga talaga siya sa akin o hindi dahil ang mahalaga laang sa akin ay mahal ko siya. Buong buhay ko wala akong nakikita kundi puro dilim pero nung dumating si Mario parang biglang lumiwanag lahat. Hindi ako naniniwala noon na may pag-ibig na madating sa akin, pero dumating siya. Minsan kailangan laang talaga nating maniwala. Kung mahal mo maniwala kang para siya sa'yo" mahabang sambit ni Lola Claret.
"Pero paano po kung hindi siya para sa'yo? Hindi kayo para sa isa't isa?" tanong ko ulit. I love this conversation with Lola Claret. Ang sarap lang sa pakiramdam na may nakaka usap ako tungkol sa mga bagay na yun. Litong lito na kasi ako, hindi ko alam kung anong gagawin ko.
"Ineng ang pag-ibig hindi laang inabigay sa taong nakatadhana para sa iyo, inabigay ang pag-ibig sa lahat ng tao na makikilala mo, dahil doon mo malalaman kung sino talaga ang para sa iyo. Ngayon kung hindi talaga siya iyong para sa iyo, naniniwala akong mayroong dahilan kung bakit nagtagpo ang mga landas ninyo, kaya kayo man ang nakatadhana sa isa't isa o hindi........ mahalin mo pa rin kaysa dumating ang araw na magsisi ka dahil hindi mo kaagad ipinaramdam ang pag-ibig mo sa kanya. Lagi mong tatandaan na hindi natin hawak ang mundo, hindi natin kontrolado ang pag-ikot nito kaya habang may oras, magmahal ka…. piliin mo lagi ang magmahal"
Tanging pagngiti na lang ang naisagot ko kay Lola Claret. I know hindi niya iyon nakikita pero gaya nga ng sabi niya dati nararamdaman naman niya.
Nagpatuloy kami sa pagtutupi ng damit at ng eksaktong tapos namin ay lumabas mula sa kusina si Isay. Nandito pala siya.
"Ahh Lola mauwi na ho ako" pagpaalam nito kay Lola Claret at saka nagmano dito at saka ngumiti ng mapatapat siya sa gawi ko kaya ngumiti rin ako sa kanya bago siya tuluyang lumabas ng bahay nina Lola Claret. Hindi pa rin maayos ang paglalakad niya at mayroon pa ring nakatali na puting tela sa paa niya na nabalian nung mahulog siya sa puno.
Wala pang limang minuto ang nakakalipas ng si Mang Mario naman ang lumabas at may dala dala itong isang bag at parang may hinahanap.
"Si Isay umuwi na?" tanong nito at pareho kaming tumango ni Lola Claret sa kanya. "Naku naiwan ng batang iyon ireng bag niya" sambit ni Mang Mario. Bag pala ni Isay iyong hawak niya. Hindi ko alam pero parang biglang may nagtulak sa akin magvolunteer na ihatid iyong bag kay Isay.
BINABASA MO ANG
Dear Leila | COMPLETED
General FictionKaya bang talunin ng pag-ibig ang reyalidad? Halika takas tayo!