Dear Leila,
Magandang gabi. Sinusulat ko ang liham na ito habang pauwi ako sa Maynila galing sa Mindoro. May lihim akong sasabihin sayo pero ipangako mo na hindi mo sasabihin kahit kanino. Pangako?
Noong isang gabi nagising ako bigla pagkatapos kong napanaginipan si Mama. Hindi ko nakita ang mukha niya pero sigurado akong siya 'yun. Parang biglang bumigat ang dibdib ko habang tinitingnan ang liwanag niya. Pinapanood ko lang sang bawat kilos niya hanggang sa inabot niya ang kanyang mga kamay sa akin na para bang gusto niyang hawakan ko ang mga iyon. Parang gusto niya akong sumama sa kanya.
Pero bago pa man maglapat ang mga kamay namin ay nagising na ako. Napabangon ako at mula sa salamin sa dingding ng aking kwarto ay nakita ko ang pagpatak ng aking mga luha na hindi ko sadya.
Sobrang miss na miss ko na si Mama. Gusto ko na siyang makasama at mayakap ulit. Gusto ko na sanang hawakan ang mga kamay niya at sumama sa kanya kung saan man siya naroroon ngayon.
Nararamdaman ko na ang pagod. Nanghihina na ang mga tuhod ko at mabagal na ang pagtibok ng aking dibdib.Pero bago pa man tuluyang himinto. Nais kong humingi ng tawad sa iyo. Ito ang araw na dapat ay masaya ka pero dahil sa akin kabaligtaran ang nangyari. Maniwala ka man o hindi, hindi ko sinasadya na papuntahin ka sa rooftop. Wala sa plano ko na mahuli mo ng iyong nobyo na may kahalikan na ibang babae dahil ang gusto ko lamang mangyari noon ay ibigay sayo itong aking kwaderno na naglalaman ng lahat ng liham ko para sayo. Dahil iyon lamang ang naiisip ko na pinaka magandang regalo na maiibigay ko sa iyo at sa aking sarili sa ating kaarawan.
Sa aking huling kaarawan.
Gusto ko na matupad lahat ng mga sana ko. Lahat ng mga pangarap ko. At ikaw ang lahat ng iyon Leila.
Dahil sa tuwing iniisip kita, perpektong buhay ang nararamdaman ng aking puso at nakikita ng mga mata ko.
Parang pinagmamasdan ko ang pagbukad ng isang bulaklak sa gitna ng malawak na hardin.
Katulad ng pagkislap ng mga bituin sa kalangitan na walang ibang dulot kundi pag-asa.
Para akong nakatitig sa isang malawak na karagatan at walang takot na baka mabasa o madala ako ng mga alon nito.
Katulad ng kapanatagan ng aking loob sa tuwing pinagmamasdan ang papawala ng kulay kahel na mga ulap.
Parang paglitaw ng buwan sa kadiliman ng gabi.
At ngayon nasisilayan ko na ang liwanag nito.
Kung gayon, siguro ay ito na ang wakas.
Ngunit ang ating kwento ay magsisimula pa lamang.
Umasa kang maghihintay ako.
Hanggang sa muli nating pagtatagpo.
Nagmamahal ,
Lucas

BINABASA MO ANG
Dear Leila | COMPLETED
General FictionKaya bang talunin ng pag-ibig ang reyalidad? Halika takas tayo!