000

193 6 0
                                    

THEON'S POV

"H-Hello?" pagsagot ko sa tumatawag sa akin nang hindi man lang tinitingnan kung sino 'yon dahil abala ako sa paggamot ng mga sugat ko.

"Theon."

Natigilan naman ako sa ginagawa ko at noon lang tiningnan kung sino ang tumatawag sa akin.

"Nyx!" pagtawag ko sa pangalan ng girlfriend ko.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa sahig malapit sa pintuan at lumipat ng pwesto sa sofa.

"Gusto sana kitang makita." Gumuhit naman ang mga ngiti sa labi ko dahil sa sinabi niya.

"Gusto na rin kitang makita," buong puso kong sambit. "Kailan mo ba tayo gustong magkita?" tanong ko habang binubuklat ang notebook na may kalendaryo na nasa maliit na lamesa sa harapan ko. "Puno ang schedule ko ngayong buwan, pero pwede ko naman 'yong i-cancel lahat."

Narinig ko naman siyang tumawa nang mahina sa kabilang linya. "Sira, huwag mong ika-cancel."

"Kaya naman na nila Raye 'yon, hahahaha," natatawa kong dagdag.

Natawa naman ulit siya dahil sa sinabi ko. "Hindi rin naman ako magtatagal diyan kaya huwag mo nang tangkaing i-cancel ang mga mission mo sa org niyo," seryoso niyang sabi.

Bumagsak naman ang mga balikat ko nang marinig ang una niyang sinabi.

"Kinakailangan ko nang ibaba ang tawag. Sasabihan na lang kita kung kailan tayo magkikita."

Hindi na niya ako pinagsalita pa at agad na binaba ang tawag. Napabuntong-hininga na lang ako saka hinagis sa katapat kong single sofa ang hawak na phone.

Hindi man lang siya nag-I love you.

Ilang segundo ang lumipas ay muling tumunog ang phone ko kaya napabalikwas ako ng tayo mula sa pagkakaupo at sinagot agad ang tawag.

"Nyx! Akala ko nakalimutan mo nang mag-I love you sa akin, e," dire-diretso kong sabi.

"Hahahahahahahahahahaha!" Nagulat naman ako nang makarinig ako ng malalakas na tawa sa kabilang linya kaya mabilis kong tiningnan ang pangalan ng tumawag sa akin.

Nakakainis, akala ko si Nyx.

"Hahahahahaha! What the fuck!"

"Kahiya ka, dude! Hahahahahaha!"

Nakaramdam naman ako ng matinding hiya dahil sa sinabi ko kanina. "B-Bakit ba kasi kayo t-tumatawag nang ganitong oras?" pag-iiba ko agad ng usapan.

"Nakalimutan ko kasing mag-I love you sa 'yo, Theon my loves." Sinadyang palambutin ni Vlad ang boses niya upang magkunwaring babae.

"Hahahahahaha, tarantado ka talaga, Vlad!" pagmumura naman ni Raye.

Muli na naman silang tumawa, tuwang-tuwa sa pang-aasar sa akin.

"K-Kung wala kayong sasabihing importante, ibababa ko na itong tawag," pagtatapos ko sa usapan at basta na lang binaba ang tawag.

Pinatay ko rin ang phone ko upang hindi na ito tumunog pa.

Nakakahiya naman 'yon. Baka isipin nilang ako pa talaga ang nagmamakaawa sa girlfriend ko para lang sa I love you.

~~~

Ilang araw, na umabot ng ilang linggo, hanggang sa tatlong buwan ang lumipas, ay hindi na tumawag pa ulit si Nyx.

Palakad-lakad ako sa labas ng parking lot ng building kung saan ako nagta-trabaho. Malapit nang dumilim at hindi pa rin ako umuuwi kahit kanina pa naman ang uwian namin.

Nakatanggap ako ng text mula sa unknown number. Malakas ang kutob kong si Nyx ang may-ari ng numero na 'yon base sa pagkaka-construct niya ng mensahe.

At ang sabi sa text ay maghintay ako rito sa labas ng parking lot. Isang oras na rin ang nakalilipas nang matanggap ko ang text na 'yon.

"Theon!"

Dahan-dahan kong nilingon ang babaeng tumawag sa pangalan ko at tiningnan ang kabuuan nito.

Kitang-kita ng matalas kong mata ang natural na ganda niya. Ang mahaba niyang pilik-mata, makakapal na kilay na naka-arko pataas, ang matangos niyang ilong, at ang mapupula niyang labi ay bumagay sa kaniya. Bumagay din sa kulay niya ang suot na kulay puting tank top, puting jeans, at beige na trench coat na pinaresan niya ng flat shoes. Nakabagsak naman ang kulay dark blue niyang buhok na pakulot ang nasa ibaba.

"Sorry, ngayon lang ako nakarating."

Hindi naman ako naka-react agad dahil natulala ako sa kaniya. Hindi ako makapaniwalang nasa harapan ko na siya ngayon. Matapos ang halos walong buwan na hindi namin pagkikita ay ngayon ko lang ulit siya nasilayan.

"Nyx." Unti-unti akong lumakad palapit sa kaniya. "Na-miss kita." Akmang yayakapin ko siya nang iharang niya bigla ang kamay niya sa dibdib ko.

"Theon, ano kasi..." Tiningnan naman niya ako ng diretso sa mga mata ko. "Hindi ako magtatagal dito. Alam mo naman 'yung tungkol sa trabaho ko, 'di ba?"

"A-Aalis ka agad?"

Tumango naman siya. "Oo, pero hindi mo naman na kailangan pang mag-alala dahil kaya nga ako naparito ngayon upang makipaghiwalay na sa 'yo."

Hindi naman ako makapaniwala sa sinabi niya, walang preno, dire-diretso. Pinilit kong basahin ang ekspresyon sa mukha niya subalit parang wala lang sa kaniya ang binitawan niyang salita.

"N-Nyx, b-bakit?" Sinikap kong pigilan ang paggaralgal ng boses ko ngunit sadyang hindi ko kaya. "M-May nangyari ba sa trabaho mo kaya nasabi mo 'yan? M-May nagawa ba akong mali? M-May pagkukulang ba ako?" Hindi naman siya sumagot. "Nyx, mahal kita." Hindi ko na napigilan pa ang luha ko nang sunod-sunod itong bumagsak.

"Theon, kinakailangan kitang hiwalayan," seryoso pang sabi niya.

Kusa akong lumapit sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilaang balikat. "P-Pero bakit? B-Bakit, Nyx?"

Umiwas naman siya ng tingin sa akin. "Hindi ko alam kung kailan ako makakabalik ulit dito o kung makakabalik pa ba ako rito. Kaya para hindi ka na umasa pa sa akin, minabuti kong maghiwalay na lang tayo."

"Maghihintay ako!" puno ng determinasyong sabi ko. "Kahit gaano pa katagal... maghihintay ako, Nyx!"

Umiling naman siya at inalis ang kamay ko sa balikat niya. "Mahihirapan ka lang."

"Nyx naman... please, huwag mo naman akong hiwalayan, oh." Nagulat siya nang bigla akong lumuhod sa harapan niya at hinawakan ang mga kamay niya. "Aalis ako sa org kung kinakailangan. Sasama ako sa trabaho mo para hindi na tayo magkahiwalay pa!" sambit ko. "Nyx, mahal kita. Gagawin ko ang lahat, huwag mo lang ako hiwalayan."

"Theon, tumayo ka nga riyan," utos niya sa akin.

"Hindi! Hindi ako tatayo rito hangga't hindi mo binabawi ang sinabi mo," pagmamatigas ko pa.

Bigla namang tumunog ang phone niya kaya binawi niya ang mga kamay niyang hawak ko. Gumuhit ang magkahalong ekspresyon ng gulat at takot sa mukha niya nang makita kung sino ang tumatawag.

"Kailangan ko nang umalis," paalam niya at mabilis akong tinalikuran.

Nagmadali naman ako sa pagtayo upang habulin sana siya ngunit dahil mas mabilis siyang tumakbo kaysa sa akin ay hindi na siya nasundan pa ng paningin ko, hindi ko na siya nakita pa.

Walang hinto sa pagtulo ang luha ko habang naglalakad ako pabalik sa parking lot kung nasaan ang kotse ko.

Hindi ako makapaniwalang nagtapos na ang labinlimang taon naming relasyon.

LDWCB2: Gates of DominionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon