(Mia's diary entry 3)
Hindi ko iniwan ang liham kay Ferdie sa labas ng university radio gaya ng bilin nila.
Sa halip, naghintay ako sa kanilang practice room, na isa sa mga auditorium dito. Nasagap ko ang balita na gagamitin nila ito ngayong araw, kaya pagkatapos ng aking klase ay agad akong dumiretso doon.
Naupo muna ako sa may stage at inilapag ang envelope ng aking sulat sa ibabaw ng isang kahoy na upuan. Nang marinig ko na may mga papasok sa loob ay agad akong nagtago sa backstage.
Tama nga ang hinala ko na ito ang mga miyembro ng bandang Ligalig. Inantay ko kung mapapansin ni Ferdie ang puting envelope sa stool.
Labis ang aking kaba, ramdam ko ang tagaktak ng pawis sa aking noo at ang pagbilis ng tibok ng aking puso. Akmang uupo na si Ferdie sa may stool nang maramdaman niya ang envelope.
Halos hindi na ako makahinga nang binuksan niya ito at binasa ang sulat sa loob. Mula sa aking pinagtataguan, nakita ko na pigil ang kanyang ngiti at narinig ko ang kanilang usapan.
"Binibining M," ika ni Ferdie na may ngisi sa labi.
"Pre, sino iyan?"
Hinablot ng lalaking si Jepoy ang liham ko kay Ferdie. Natawa ito nang lubusan at sinabing, "Aba, masigasig na manliligaw ito ah!"
"Oo nga, pero ayaw magpakilala," sagot ni Ferdie.
Lumakad sa likod nila si Silvestre o Bestre at kinuha mula kay Jepoy ang aking liham. Binasa niya ito nang nakakunot ang noo.
"Baka patibong lang ito ng isa sa mga fans, gaya ng dati," sagot niya. "Yung kay Jepoy, di naman siya sinipot pagkasabi na magkita sa may canteen."
"Mukhang seryoso ito. Ano, ipahanap na ba natin?" Suhestiyon ni Jepoy. "Ano sa tingin mo, Ferdinand?"
Hindi ko na narinig ang kanyang tugon dahil nagtatakbo na ako palabas sa backstage dahil sa kaba.
Paano ito, gusto ko siyang makilala ngunit takot akong lapitan siya? Kung sa backstage na, kinakabahan ako, paano pa kaya sa personal?
BINABASA MO ANG
Restless Hearts | Epistolary
Historical Fiction"Memoria" spin-off An epistolary set in a time with no social media Set in 1976, a lonely rich girl bored with her life is in for a surprise when she discovers a popular band in her university. She develops a crush on one of the band members and beg...